SI Barbie Imperial na mas kilala bilang Mich sa Araw-Gabi.
Ni: Crysalie Ann Montalbo
BAKAS sa mukha ng dating PBB 737 housemate na si Barbie Imperial ang tagumpay dahil sa pagpapalabas ng kanyang unang teleserye sa Kapamilya Gold, ang Precious Heart Romance Presents: Araw-Gabi kung saan kapareha niya ang Kapamilya actor na si JM De Guzman. Nagsimula ito noong Abril.
MAPAPANOOD ang “Araw Gabi” sa Kapamilya Gold pagkatapos ng “Asintado.”
Noong una pa lang ay hindi na siya makapaniwala na papatok ang kanilang teleserye.
“Siyempre po sobrang saya ko. Kasi hindi ko talaga inasahan na magugustuhan ng mga tao ‘yung Araw Gabi,” sabi ni Barbie nang siya ay nakapanayam sa morning show na Magandang Buhay noong Hunyo.
“Nakakatuwa kasi ngayon parang gustong-gusto po nila ‘yung Araw Gabi, pinapanood nila. Tapos marami pong positive comments about the show,” dagdag pa nito.
Inamin naman ni Barbie na nahirapan siya sa eksena kasama si JM subalit nagpapasalamat pa rin siya malaking pagkakataong ibinigay sa kanya sa kauna-unahang pagkakataon.
“Siyempre po nung una, iniisip ko pa lang po, medyo naiilang na po ako. Kasi hindi po ako sanay sa ganung role. Pero nag-workshop po kaming dalawa so nung nag-taping po kami, medyo okay naman po,” pahayag ni Barbie.
“Dati po hindi naman po ako bida. Dati nga masaya na ako kapag nakakapagsalita ako sa isang teleserye. Hindi naman po lahat nabibigyan ng chance na mabigyan ng ganitong klaseng break. Sobrang thankful ako and happy,” tugon ng aktres.
MAY birthday surprise si JM kay Barbie noong kanyang 20th birthday.
FIRST IMPRESSION
Mula sa mala-manikang istilo at hitsura ni Barbie, hindi maikakaila ang chemistry na ipinapakita ng dalawa sa itinuturing na isa sa mga hottest at charming actor na si JM De Guzman.
Dahil sa kanilang unang tambalan sa serye, hindi maiwasan ng dalawa ang pagka-ilang. Subalit nairaos naman nila ang hiya at kaba sa tulong ng acting workshop.
Kwento ni Barbie, masungit ang kanyang first impression kay JM.
“Kasi hindi siya tumatawa masyado. Pero nakuha ko naman po ‘yung kiliti niya. Sa taping po kasi, minsan lang siya mag-smile.”
“Ang ginawa ko, pinansin ko siya ng isang beses lang, hindi katulad nung dati na, ‘Uy kamusta ‘yung araw mo?’ Siguro hinanap-hanap niya ‘yung ganun. Tapos sabi niya sa akin, ‘Bakit hindi mo ako pinapansin?’ Pa-hard to get,” dagdag niya.
LUMAPIT SA PANGINOON
Sa kabilang banda, ang Mich na nakilala natin sa Araw Gabi ay siya ring tunay na ginagampanan ni Barbie sa totoong buhay. Kabi-kabilang isyu ang naibato sa kanya ngayong taon. Ngunit kung hindi dahil sa kanyang tapang at pagiging palaban, nalagpasan niya ito.
Nakatanggap ng maraming kritisismo ang aktres mula nang mangyari ang tensiyon sa pagitan ni Paul Salas at Daniel Padilla.
At nito lamang mga nakaraang buwan, kumalat sa social media. ang diumanong physical abuse na diumano ay natanggap niya kay Paul.
Sa mga pagkakataong iyo ay iniakyat niya lang sa Panginoon ang lahat at patuloy pa ring nagpapasalamat sa Kanya.
SIMULA NG PAG-IBIG
Nasusubaybayan ng mga tagasuporta ang kanilang samahan kung kaya’t isang katanungan ang bumubulabog sa isipan nila ngayon.
Sa isang ambush interview, matatandaang si JM na mismo ang nag-kumpirma tungkol sa buhay pag-ibig ng aktres.
“Basta kasi masarap eh. Masaya kasi siya ngayon, masaya katrabaho, masaya maka-bond. So ang sarap na i-maintain nang ganun. Minsan mapapaisip ka rin, ‘What if nga?’ Puwede ba? Single ka naman ngayon, ‘di ba?
At pabiro naman itong sinagot ni Barbie.
“Minsan talaga ang sarap sapakin ng mga pinapangunahan kang mag-announce eh ‘no?”
MAG-ON NA BA?
Nagbigay ng mensahe si Barbie sa kanyang ex noong siya ay naging guest sa late night talk show na Tonight With Boy Abunda.
“Masaya ako, sana ikaw din. Napatawad na kita,” maikling pahayag ng magandang dalaga.
Hindi man pinangalanan, hinula ng marami na ang kanyang tinutukoy ay si Paul Salas. Ilang buwan na rin ang nakalilipas noong tumigil na ang namamagitan sa kanila.
Kasama si JM, tinanong ang dalawa kung sila ay mag-on na ba.
“PTD, patay tayo dyan“ tugon ni JM kay Tito Boy.
Hindi man nasagot ang tanong, masasabing masaya ang dalawa sa kanilang narinig.
Papayagan ba ni Barbie na manligaw si JM?
“Oo naman,” maikli ngunit makahulugang sagot ni Barbie.