EDITORIAL NI HANNAH JANE SANCHO
HINDI na natuto ang bansang Kuwait sa naging pagkakamali nito sa pagkasawi noon ng Pinay Overseas Filipino Worker (OFW) na si Joana Demafelis na natagpuang nakasilid sa freezer at inabandona ng employer nito na siya ring pumatay dito noong February 2018.
Ang naging pagkakamali ng bansang Kuwait ay ang kawalan nito ng kasunduan sa Pilipinas na magtitiyak sa proteksiyon at kapakanan ng mga OFW.
Dahil sa nangyari kay Demafelis naging eye opener sa gobyerno lalo na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tiyaking nasa mabuting kalagayan ang mga OFW sa Gulf state.
Isa ito sa dahilan kaya nagpatupad ang gobyerno ng total ban ng pagpapadala ng mga OFW upang seryosohin ng bansang Kuwait ang hiling ng Pilipinas na magkaroon ng Memorandum of Understanding sa pagitan nila.
Hindi rin nagtagal at lumagda ng kasunduan ang dalawang bansa kaya inalis ang total ban na tumagal ng tatlong buwan at muling nagbukas ang oportunidad sa Kuwait para sa mga Pilipinong naghahanap ng trabaho.
Ganunpaman, isa na namang masamang balita ang bumungad sa mga Pilipino.
Bago nagtapos ang taong 2019 ay isa na namang Pinay OFW ang nasawi sa kamay ng employers nito na maliban sa umanoy pambubogbog ay maliit ang ibinibigay na sweldo kay Jeanelyn Villavende.
Masakit sa pamilyang Villavende na ang anak na inaakala nilang makakatulong para maiangat ang kanilang pamumuhay ay mauuwi sa trahedya ang buhay sa ibang bansa.
Paano nga ba maiiwasan ang ganitong mga insidente?
May pananagutan din ba ang recruitment agency ni Villavende?
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, Setyembre pa lang ay nagsusumbong na si Villavende sa kaniyang recruitment agency na mababa ang sweldo na tinatanggap mula sa employer at sinasaktan pa siya nito.
Kung ganito na ang sitwasyon ng isang OFW hindi ba dapat aksyunan agad ito ng recruitment agency?
Sino ba ang aasahan ng mga OFW kundi ang nagbigay daan sa kanila para makapagtrabaho abroad — ang kanilang mga recruiters.
Kahit konting malasakit man lamang na kung hindi nito matulungan ang OFW na nasa ganitong sitwasyon dapat ay humingi agad ito ng tulong mula sa gobyerno.
Hindi dapat pinapatagal ang ganitong problema at dapat agad itong inaaksyunan upang walang buhay ang masayang at maiwasang may maganap na krimen.
Sana lahat ng recruitment agency magkaroon naman ng konsensiya at hindi lang nakatuon sa pagkamit ng malaking kita kundi tingnan din kung papaano makakatulong sa mga OFW na siya ring dahilan kaya sila kumikita.
Alam din naman ng mga Pilipino na mataas ang insidente ng mga ganitong klaseng trahedya sa Middle East pero sumusugal pa rin basta makatulong lang sa pamilya.
Kaya dapat rin ihanda ng mga OFW ang kanilang mga sarili at alamin ano ang mga dapat gawin sakaling maharap sa ganitong sitwasyon.
Kung hindi kayang tulungan ang OFW ng recruitment agency nito mula sa Pilipinas sino ang puede nitong lapitan? Dapat alam ng OFW kung saan ang pinakamalapit na embahada ng Pilipinas o kontak number nito para matakbuhan sa panahon ng kagipitan.
Maganda rin ang pagkakaroon ng support system sa ibang bansa.
Kaya malaki ang maitutulong kung agad na magkakaroon ka ng kaibigan o kakilala na nakakaalam sa trabaho at sitwasyon mo.
Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs na bibigyan ng tulong ng gobyerno ang pamilya ni Villavende upang makamit nito ang hustisya.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr, kinuha ng gobyerno ang pinakamahusay na abogado sa Kuwaiti para asikasuhin ang kaso ni Villavende.
Bagamat partial ban ng deployment sa Kuwait ang ipinatupad ng DOLE sa ngayon at aalisin lang ito kapag nabigyan na ng hustisya si Villavende, sana seryosohin ng Kuwaiti government ang nilagdaan nitong kasunduan sa Pilipinas para tiyakin ang kapakanan ng mga OFW.
Hindi dapat ariin ng mga Kuwaiti employers na alipin nito ang mga pinapasweldohan nitong mga OFW.