Ni: Ana Paula A. Canua
APRUBADO na sa huling pagbasa ng kamara sa botong 158-8 ang House Bill 7302 o ang budget reform bill.
Sa ilalim ng nasabing reporma masisigurado ang integridad, transparency at fiscal responsibility ng contractors, mga kompanya pati na rin ng pamahalaan, lalong-lalo na sa pagpatupad sa infrastructure at investment projects sa ilalim ng Build, Build, Build program na may 75 major flagship projects na nasa P180 bilyon ang badyet.
Ayon kay Rep. Joey S. Salceda ng Second District ng Albay at House appropriations committee vice chairman ng House Bill (HB) 7302, ang mataas na ambisyon ng pangulo sa proyektong Build, Build, Build ang nagtulak sa kanila na ipasa ang reporma, lalo pa’t tatakbo hanggang susunod na dekada ang infrastructure programs, “it needs a backing of a more transparent, result-oriented budgetary reforms”, giit niya. “It also promotes people empowerment in the management of public resources by enforcing their right to access to information on, and to contribute in the formulation and implementation of the financial affairs of the government,” dagdag niya.
Bagong Sistema
Sa isinagawang plenary deliberation, pinaliwanag ni Salceda na mula sa obligation-based budgeting, magiging cash-based budgeting ang sistema sa contractors o sub-contructors ng mga proyekto.
Nakasaad na mula sa dalawang taon at higit pa na kontrata, tatakbo na lamang ng isang taon ang kontrata sa paggawa. Ang mahabang taon aniya ay nagreresulta sa mabagal na budget utilization ng proyekto at mabagal na pagpasa ng mga report of transactions.
Ibig sabihin sa pamamagitan ng budget reform bill, mapipilitan ang mga contractors ng proyekto na tapusin agad ang paggawa ng tulay, daan at mga gusali dahil nakasaad sa kontrata na mayroon lamang silang isang taon upang matapos ang imprastruktura, at kapag nabigo silang matapos ang proyekto, nakasalalay lamang sa kanilang natapos ang bayad.
Mariin ding sinuportahan ni Sen. Loren Legarda ang reporma at sinalarawan ang pait na dinadanas ng pamahalaan at publiko sa mabagal na pagtapos ng mga proyekto. Aniya sa buong mundo, tanging Pilipinas lamang ang mayroong two-year obligation based budget system, ito rin ang tinuturo niyang dahilan na mabagal na pag-unlad at pagmodernize ng infrastructures sa bansa.
“This new system will result in better planning of programs and projects by government agencies, reduced underspending, greater focus on implementation, and will foster a better business environment,” paliwanag ni Legarda.
Aniya “Savings will now be limited to released but unobligated appropriations that result from (1) completion, final discontinuance, or abandonment of an activity or project; and (2) implementation of efficiency measures resulting in the delivery of the required or planned targets at a lesser cost.”
“With this reform, the controversial Dengvaxia deal will never happen again.”
Cash-Based Budget
Isa sa mga tinitingnang dahilan ng pagkakaroon ng maanomalyang proyekto gaya ng Dengvaxia ay ang kawalan ng budget mechanisms na maghihikayat sa citizen engagement.
Dahil sa kawalan ng kaalaman ng publiko at iba pang ahensya sa mga nasabing transakyon, maaring magkaroon ng underspending at madaliin ang pagbili habang hindi natitiyak kung ito ba ay lubos na mapapakinabangan.
Dahil rin sa mahinang fiscal policy kaya hirap ang pamahalaan na makuha ang refund sa nabiling Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Legarda aatasan ang Department of Budget and Management na magpublish ng “People’s Budget,” isang citizen-friendly summary ng fiscal policies at expenditure priorities ng pamahalaan.
Walang takas ang dapat managot
Kapag napatunayan na may kakulangan o pagkakamali ang contractor o kompanya na pinagmulan ng supply, sila ay papatawan ng sanctions at penalties. Una ay hindi maglalabas ang DBM ng kaukulang budget, pangalawa ang Commission of Audit ay hindi magdedeklara ng expenditures at pangatlo hindi papahintulutan ang disbursement o ang kulang na bayad sa proyekto.
Sa ilalim ng reporma mas palalakasin ang kapangyarihan ng Kongreso na imonitor at ireview ang actual performance at resulta ng proyekto. Magkakaroon na rin sila ng kakayahan na panagutin ang sangkot na ahensya ng gobyerno “The measure mandates the Office of the President to approve the Statement of Policy and Medium Term Fiscal Strategy for submission to Congress, as well as the Budget Priorities Framework to identify the priority areas of government spending,” paliwanag ni Salceda.
Sa tulong ng Budget Reform bill matitiyak na masusunod ang annual development plan ng administrasyon at ang efficiency ng proyekto ng bawat ahensya. Mas pagtitibayin din nito ang freedom of information ng mamamayan bilang aatasan ang DBM na magdeklara ng financial statements. Magkakaroon na rin ng ngipin ang Kongreso upang irebyu at masilip kung tumutupad ba sa napagkasunduan ang mga kompanya at contractors. Sa pamamagitan nito magkakaroon ng tulong-tulong at malawakang monitor sa pinansyal hanggang sa execution ng bawat proyekto.