EUGENE FLORES
MATAPOS bumalik sa octagon at gulpihin ang legend na si Donald “Cowboy” Cerrone, maingay ang mga tanong kung muling babalik sa boxing ring si UFC superstar Conor McGregor.
Hindi nagpatumpik-tumpik si McGregor at inaming nais niya muling tumapak sa ring at lumaban sa isang lehitimong boksingero.
Sinang-ayunan naman ito ng kanyang trainer na si John Kavanagh.
“I’d honestly be surprised if Conor doesn’t have a boxing match in the next 12-18 months,” wika nito.
Bagama’t naunang sinabi ni McGregor na magiging mahaba ang kanyang taon para sa UFC na tinuring pa niya bilang isang season, bukas ito upang muling lumundag sa ibang contact sports.
Si McGregor ang kauna-unahang mixed martial artist na lumaban sa isang propesyunal na boxing match.
Hinarap nito noong 2017 si Floyd Mayweather Jr., kung saan nilampaso lamang siya.
Bagkus hindi kaaya-aya ang sinapit sa unang laban, desidido si McGregor na muling lumaban ng boxing.
Itinatabi sa kanya ang maaaring rematch kay Mayweather at maging ang laban kontra sa fighting senator ng Pilipinas na si Manny Pacquiao.
Naging maingay ang labanang Pacquiao-McGregor matapos pumirma ang nag-iisang eight-division world champion sa Paradigm Sports Management o PSM na siya ring may hawak kay McGregor.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na progreso kung kailan at sino ang makakaharap ng UFC sensation.