ANG katedral na binomba sa Jolo ng mga hinihinalang terorista.
Ni: Eugene Flores
NAYANIG ang Jolo, Sulu sa Mindanao matapos sumabog ang dalawang bomba sa loob ng katedral —ang una ay sumabog habang nagmimisa at pagkaraan ng ilang minuto, sumabog ang isa pa habang papalabas ng katedral ang mga nagsimba isang Linggo ng umaga. May 22 na namatay at humigit kumulang naman sa 100 ang nasaktan.
Dahil sa pangyayari na sinasabing isang suicide bombing, naglabas ng pahayag ang Malacañang at mariing kinondena ang aksyon ng mga terorista sa lugar at nangakong pananagutin ang may kagagawan ng pambobomba.
Ang maraming dekada nang problema sa Mindanao ay nagpapatuloy sa ngayon na hinahanapan pa rin ng solusyon ng kasalukuyang administrasyon.
Marami na ang mga naitalang bakbakan kontra sa mga rebeldeng grupo sa Jolo maging sa mga karatig na lugar dito. Sa kasalukuyan, nasa ilalim pa rin ng Martial Law ang Mindanao isang taon matapos ang pinakamatagal na sagupan kontra sa mga IS-Maute sa Marawi.
Dahil sa insidente, lalong pina-igting ng military ang seguridad sa lugar at nagpaabot na rin ng simpatya at tulong ang ibang bansa.
NAGBIGAY ng pahayag si Datu Basher ukol sa insidente sa Jolo sa ginanap na prayer rally at alay-lakad.
RUSSIA KATUWANG SA PAGSUGPO SA TERORISMO
Matapos ang pagbomba sa Jolo, nagpaabot ng tulong sa Pilipinas ang Russia.
Sa isang courtesy call kay Presidente Rodrigo Duterte, sinabi ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev ang mensahe ng Moscow para sa bansa.
“The Russian ambassador reiterated their condolences for the deaths caused by the twin explosions in Jolo and condemned the incident while reaffirming their country’s commitment to help our nation combat terrorism,” sabi sa isang pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Nais din umano ng Russia na mapatibay lalo ang koneksyon ng dalawang bansa para sa isang pangmatagalang relasyon.
“Russian Ambassador Khovaev likewise renewed Russia’s commitment to strengthen their cooperation to help our national defense and significantly improve its capabilities,” ani Panelo.
Nagbigay naman ng mensahe ang pangulo sa Russia upang pasalamatan ito.
ANG kabaong ng isa sa dalawang sundalong namatay sa pagsabog sa katedral sa Jolo.
KOOPERASYON NG INDONESIA SA IMBESTIGASYON
Ayon sa mga nakalap na impormasyon, inilabas ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nakakabit ang insidente sa Islamic State-linked Indonesian suicide bombers na nakatanggap umano ng tulong mula sa grupo ng Abu Sayyaf bago maganap ang pagbomba sa lugar.
Napagbigyang alam na ang Indonesia ukol sa insidente at nangako na tutulong sa imbestigasyon.
Mahigpit umano ang magiging imbestigasyon katuwang ang Indonesia matapos mamataan malapit sa simbahan ang isang Indonesian na lalaki at babae na hinihinalang suicide bombers.
Ayon kay Secretary Año, napili umano ang simbahan upang magkahidwaan ang mga Kristiyano at Muslim.
“Parang gustong magpakita ng example at gusto nilang itaas sa religious war, kaya ang pinipili nila ay iyong mga simbahan, katedral para pag-awayin iyong Kristiyano at Muslim.”
ITIGIL ANG HIDWAAN AT GALIT
Dahil sa insidente at ayon na rin sa mga otoridad, nagtutulong-tulong sa kasalukuyan ang militar, pulisya at ibang pang grupo upang huwag sumiklab ang galit sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim.
Ang estratehiyang ito ay matagal nang ginagamit ng mga rebelde upang makakuha ng mga miyembro at magtnim ng galit sa ibang relihiyon.
Bagama’t nasa dulong parte ng Mindanao nangyari ang pagsabog, pina-igting ng pulis Maynila ang seguridad nito sa Golden Mosque sa Quiapo at nakipag-ugnayan na rin ang mga aktibo sa peace process upang hindi na magresulta sa hindi kanais nais na pangyayari.
“We don’t want the situation there in Mindanao to reach Metro Manila,” wika ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar.
“We have good working relationships with various sectors and that includes the Muslim community here in Metro Manila.”
Hindi na bago para sa nakararami ang ganitong kaganapan sapagkat dekada na ang pagtugis sa mga rebelde sa Mindanao na di naglaon ay naisisi lagi sa mga Muslim.
“Whenever there is violence in Mindanao, and dating is unjust, it is always our Muslem brothers who are being blamed. This is really unfair,” wika ni Eleazar.
Ayon sa mga opisyal, ang nangyari namang pagsabog sa isang mosque sa Zamboanga City ilang araw matapos ang pagbomba sa Jolo ay maaring kagagawan ng gustong makisakay sa nangyari sa Jolo.
Upang maiwasan ang mas malalang pangyayari, doble ang seguridad ng pulisya ngayon at patuloy ang pakikipagpanayam sa mga lider na Muslim.
Ayon kay Eleazar, buo ang tiwala niya sa mga kapatid na Muslim dito sa Metro Manila.
“They also want peace. They left Mindanao because they want peace, they just want a decent job to earn money for their family,” aniya.
KRISTIYANO AT MUSLIM KAPIT-BISIG
Bilang patunay na hindi kayang sirain ng terorismo ang relihiyon, nagsagawa ang mga Muslim at Kristiyano ng isang simbolikong pagbibigay ng Koran sa Kristiyano at Bibliya sa Muslim sa ginanap na prayer rally sa Quezon Memorial Circle.
Nagtipon ang mga kapatid na Kristiyano at Muslim upang mag-alay ng panalangin at lakad na kumokundena sa nagaganap na kaharasan sa Mindanao. Tinawag itong Lakad Tungo sa Kapayapaan, Iwaksi ang Karahasan.
“We are showing the world that we Filipino Muslims and Christians are one,” wika ni Aleem Said Basher, and Chairman ng Imam Council of the Philippines.
Itinanggi ng mga ito na ang nagaganap ay digmaan sa relihiyon na nais gawin ng mga terorista kung kaya’t hinihikayat nila ang lahat na kontrahin ito sa pamamagitan ng pagkakaisa.