Tama at balanseng pagkain, sagot sa natural na paraan ng paggamot sa PCOS.
Ni: Jonalyn Cortez
MARAMING kababaihan ang apektado ng Polycystic Ovarian Syndrome o mas kilala sa tawag na PCOS. Sa katunayan, 116 milyong babae ang meron nito sa buong mundo.
Karaniwang hormonal imbalance ang epekto ng PCOS na madalas nagiging sanhi ng hindi regular na pagkakaroon ng regla, pagtubo ng taghiyawat at pagbaba ng timbang.
Madalas na birth control pills ang binibigay ng mga gynecologist para sa PCOS upang mabalanse ang hormones, ngunit may mga potensyal na masamang epekto ito.
Kaya upang natural na gamutin ang PCOS, maaaring magbago ng lifestyle at maging mas maingat sa mga kinakain. Kailangang bantayan ang dami ng carbohydrates, asukal, at fats na nilalaman ng bawat kakanin.
Piliin ang mga pagkaing may healthy fats, may mataas na content ng fiber, lean protein at low-glycemic na pampatamis. Umiwas din sa mga fast food at mabibigat na pagkain sa hapunan. Syempre pa, ugaliing kumain ng gulay.
Narito ang isang halimbawa ng balanseng pagkain para sa isang araw na masasabing “PCOS-friendly.”
Almusal: Chocolate chia pudding na may granola
Ibabad ng 15 minuto ang dalawang kutsara ng chia seeds sa 180 ml na almond milk. Mas maganda kung ibababad ito magdamag sa loob ng refrigerator.
Lagyan ng isang kutsarang almond butter at granola sa ibabaw upang tumamis at magkaroon ng texture. Haluin at dagdagan ng isang kutsarang flax seeds para sa karagdagang fiber. Maaaring sabayan ito ng kape.
Tanghalian: Sardinas na may adlay
Lutuin ang isang parte ng adlay sa dalawang parte ng tubig. Igisa ang mustasa, kamatis, luya, sibuyas at bawang sa olive oil hanggang maluto. Lagyan ng asin at paminta. Iinit ang sardinas saka ipatong sa adlay kasama ng ginisang gulay. Maaaring magtimpla ng lemonade gamit ang low-glycemic na pampatamis para sa inumin.
Hapunan: Green smoothie
Paghaluin lamang ang napiling prutas at gulay na nais inumin, lagyan ng almond milk saka ilagay sa blender. Dagdagan ng pea protein at maca powder hanggang matunaw. Lagyan ng pampatamis at yelo kung nanaisin. Mahirap baguhin ang nakasanayan, ngunit kung araw-araw mo na itong ginagawa, magiging madali na lamang para makatulong gawing balanse ang hormones.
Maaaring baguhin ang mga pagkaing naaayon sa gusto, ngunit kailangang healthy, mag-research at kumonsulta sa doktor kung anong tamang gawin.