Xi Jinping bibisita sa Pilipinas.
Ni: Jonnalyn Cortez
Nakatakdang bumisita ang Presidente ng China na si Xi Jinping sa bansa sa darating na Disyembre at inaasahang may dala itong magandang balita.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, maaring ianunsyo ni Xi ang karadagdagang budget na laan sa Pilipinas para sa mga proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang ipinangako ni Duterte na aayusin ang mga lumang imprastraktura sa bansa sa pamamagitan ng nasabing programa. Kinukuha naman nito ang suporta ng China at Japan upang makatulong bunuin ang P8 hanggang P9 trilyon na pondo na kinakailangan para dito.
KARAGDAGANG PONDO
Unang ipinangako ng Beijing ang pagbibigay ng $9 bilyon na pondo ng estado para sa Maynila. Kabilang sa unang bahagi ng proyekto ang paggawa ng dalawang tulay sa kabisera na parehong nakatakdang matapos sa 2020.
Maliban dito, sinabi ni Diokno sa isang panayam sa Early Edition ng ANC na maaari pa itong maragdagan sa darating na panahon.
“I think that will be, like a secret, that will be announced by President Xi when he comes here in November after the Papua New Guinea APEC meeting. That’s the plan,” anito. “I can’t tell. I think there will be some good surprises, more funding.”
Magkakaroon din diumano ng pledging session sa darating na pagbisita ni Xi sa bansa.
10 KASUNDUAN SA PAUTANG
Nakatakda naman pirmahan ni Xi ang hindi bababa sa 10 na kasunduan sa pautang pagdating nito sa Pilipinas.
Maiging sinusubaybayan ng parehong panig ng Pilipinas at China ang pananalapi para sa mga malakihang proyektong imprastraktura sa bansa. Ngunit sinabi ni Diokno sa isa mga mamamahayag sa isang press briefing na sadyang maingat ang administrasyong Duterte sa pagsusuri sa mga proyektong katulad nito.
“First of all, there’s a feasibility study, either funded by the Asian Development Bank or the World Bank. After that, the implementing agencies will iron them out and then submit to the National Economic and Development Authority. In Neda, the Investment Coordination Committee will scrutinize them before submitting to the President,” paliwanag ni Diokno.
“We are very careful in the process. And our rule of thumb is, if the project gives us a rate of return of at least 10 percent or higher, then it’s a go because we can borrow at a much lower cost.”
Siniguro naman ni Diokno na ang gobyerno ng Pilipinas ay gumagawa ng masigasig na hakbang sa pagproseso ng pag-apruba ng mga proyektong ito.
Chinese Ambassador Zhao Jianhua nangako ng marami pang proyekto sa susunod na taon.
KARAGDAGANG IMPRASTRAKTURA SA 2019
Inihayag naman ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na makakaasa ang mga Pilipino ng marami pang proyektong imprastraktura na popondohan ng China ang gagawin sa susunod na taon.
Sinabi ni Zhao sa pahayag nito sa groundbreaking ceremony para sa Two China-Aid Bridges Project sa kabuuan ng Pasig River na pinapabilis ng gobyerno ng China ang pagsisikap nitong makapaghatid ng mga higit na kinakailangang pampublikong imprastraktura sa Pilipinas.
Ilan sa mga proyektong ito ang Kaliwa Dam, PNR South Long-Haul Railway, Subic-Clark Railway at Mindanao River flood-control project.
“More of such projects are already in the pipeline and are expected to roll out starting from next year,” ani Zhao.
Naghatid din ng magandang balita ang ambassador ng sabihin nitong positibong isinasaalang-alang ng China ang pagbigay ng soft loans para sa lima pang karadagdagang tulay na magkokonekta sa dalawang panig sa kabuuan ng Pasig River.
Pinangako ni Zhao na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya upang ipatupad ang implementasyon ng kalidad ng mga proyektong ito.
PROYEKTONG ‘BUILD, BUILD, BUILD’ NI PANGULONG DUTERTE
Tugon naman ang pagsisikap na mapabilis ang pagtatayo ng mga proyektong imprastrakturang pinondohan ng China sa panawagan ni Pangulong Duterte para sa mabilis na pagkumpleto sa lahat ng proyektong imprastraktura sa ilalim ng programang Build, Build, Build.
“I am therefore directing the DPWH [Department of Public Works and Highways] and the other agencies concerned to ensure that the construction of these bridges will be finished within 30 months or earlier,” sabi ng Pangulo sa isang pahayag.
Dagdag pa nito, mapapabilis ang mga programang imprastraktura na magpapabuti ng pagkokonekta at pagkilos sa buong bansa sa pamamagitan ng kanilang pinagsama-samang pagsisikap
“Together, let us join hands in uplifting the lives of our people [through] channels that will give [them] the decent and comfortable lives that our people rightfully [deserve],” dagdag pa nito.
Bukod sa dalawang nabanggit na tulay na ginagawa sa Pasig River, sinimulan na rin ang iba pang proyekto tulad ng dalawang Dangerous Drug Abuse Treatment at Rehabilitation Centers sa Mindanao sa tulong ng China.
Sinimulan na rin ang pagtatayo ng Chico River Pump Irrigation Project, na unang proyektong imprastraktura na pinondohan ng China gamit ang soft loan.
China nagbigay ng malaking pondo para sa proyektong imprastraktura sa bansa.
USAPING GEOPOLITICS
Isinasagawa naman ang kasalukuyang pagtutulungan ng China at Pilipinas sa pagtatayo ng mga imprastraktura sa bansa sa gitna ng muling pagsisimula ng geopolitics sa pagitan ng mga ito.
Sinabi ni Duterte na siya at ang Pangulo ng China na si Xi ay parehong sumang-ayon na talakayin ang geopolitics, partikular na nga ang kaso ng arbitrasyon sa West Philippine Sea sa ibang pagkakataon.
Dagdag pa nito, bukas ang Pilipinas na pahintulutan ang China na pag-nilay-nilayan ang mga bagay-bagay bago nila simulan ang talakayan. Gayumpaman, nananatili ang tiwala ng Pangulo na magiging patas ang China at mananaig ang katarungan.
TAKOT SA PAGMAMAY-ARI NG MGA LUPAIN
Siniguro naman ni NEDA Undersecretary para sa Investment Programming na si Rolando G. Tungpalan na walang kaugnayan sa pagmamay-ari ng lupa ang mga proyektong pinondohan ng China sa Pilipinas. Nangangahulugan ito na ang mga kontratista ay mananatiling mga kontratista at hindi magmamay-ari ng anumang mga lupa.
Nilinaw naman ni NEDA Assistant Secretary para sa Investment Programming na si Jonathan L. Uy na hindi nagbibigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng sovereign equity o pagmamay-ari sa mga official development assistance (ODA) partners. Ito ay kahit pa China, Japan o Korea ang tumutustos sa mga proyekto sa bansa.
Dagdag pa nito, kung hindi masigasig sa pagsunod sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas ang mga kasosyo sa pag-unlad o magpataw ng ilang mga kondisyon bago magbigay ng pondo para sa mga proyekto ng ODA, mapipilitan ang pamahalaan na isailalim ang mga proyekto sa isa pang pagsusuri.