KINATATAKUTAN sa three-point area ang Fil-Am na gwardiya.
Ni: Eugene Flores
MATAPOS na bigong depensahan ng San Miguel Alab Pilipinas ang kanilang korona laban sa Hong Kong Eastern sa quarterfinals ng Asean Basketball League (ABL), nagdesisyon na ang kanilang beteranong gwardiya na si Josh Urbiztondo na magretiro sa basketball.
Ipinahayag ni Urbiztondo ang kanyang pagreretiro sa isang Instagram post.
“After a long-thought decision and discussing with my wife, I have finally decided to hang ‘em up and retire from basketball,” aniya.
Naging maganda ang simula ng kampanya ng Alab sa bagong season ng ABL na nakuha ang ikalawang pwesto sa standings ngunit sunod-sunod ang naging injury ng kanilang manlalaro na siyang nagdulot ng apat na sunod na talo sa pagtatapos ng elimination round bago gulatin ng Hong Kong sa quarterfinals na tinapos ang serye sa 2-0.
Isa si Urbiztondo sa nagsilbing lider ng koponan na pinangungunahan ni coach Jimmy Alapag. Dalawang taon nagsilbi sa koponan ang beteranong manlalaro matapos ang isang taon sa Singapore Slingers.
“From going to battle against each other through the years, to having you in Alab the last two seasons, I’ve always had the utmost respect for your character,” pagbati ni head coach Jimmy sa post ni Urbiztondo.
“You’ve been a great example to future Filipino players that it’s not about where you start, but where you finish. Been a hell of a ride the past two seasons together! Appreciate you and your incredible family! The game will miss you! Always here for you if you need anything,” dagdag ni Alapag sa kanyang komento.
Ang ABL ang nagsilbing bagong tahanan ng tinaguriang “The Fireball” matapos ang matagal na paglalaro sa Philippine Basketball Association (PBA).
Nagtala ng 5.4 puntos sa 35 porsyentong tira sa labas, 3.0 rebounds, 2.4 assists, sa loob ng 16.3 na minutong paglalaro si Josh ngayong season ng ABL.
Ang Filipino-American na tubong San Francisco, California ay nagretiro sa edad na 36 bilang isang kampyeon sa ABL at PBA.
Unang sumubok sa propesyunal na liga si Urbiztondo taong 2009 ngunit walang koponan sa PBA ang kumuha sa kaniya. Ngunit hindi ito naging hadlang upang sukuan niya ang pangarap at kalauna’y kinuha sya sa Sta. Lucia Realtors bilang isang undrafted player at hindi niya sinayang ang opurtunidad hanggang siya ay kinilala bilang isa sa PBA All-Rookie Team taong 2010.
Nagpaikot-ikot na sa liga si Urbiztondo matapos i-trade sa Air21 Express at sa ikatlong koponan nito na B-Meg Llamados nakatikim ng kampyonato ang six-foot na si Urbiztondo, taong 2012.
May sumatutal na 11 taong naglaro sa propesyunal na liga si Urbiztondo, walo sa PBA at tatlo sa ABL. Sa loob ng matagumpay na karera nito, kinilala siya bilang isang tirador sa three-point line at isang magaling dumepensa, patunay nito ang kaniyang Defensive Player of the Year Award sa Philippine Basketball League (PBL).
“In my 11-year pro career there have been a lot of ups and downs, which I will cherish and bring with me in my next chapter of life,” wika nito.
Pinatunayan din ng sharp-shooter na gwardya na isa siya sa mga magagaling na manlalaro sa liga matapos mapabilang sa PBA All-Star noong 2012.
Ang mga naging karanasan nito sa PBA ay dinala niya sa pagpasok sa ABL, una sa Singapore at nung may pagkakataon ay kinatawan nito ang bansa sa Alab Pilipinas kung saan nagkampyeon ito sa pangunguna rin ng ABL local MVP na si Bobby Ray Parks Jr., at ang kanilang mga import na si Renaldo Balkman at Justin Brownlee.
Tiyak na magsisilbing inspirasyon si Josh Urbiztondo na nagpakita ng tibay at dedikasyon sa larong minamahal ng mga Filipino.
“I want to thank God, all my fans and supporters, brothers, coaches, teammates, and the management throughout all my years in the Philippines, especially my wife, my daughters, my parents, my brothers-in-law, and all my family in the States who would watch my games in the middle of the night and follow my progress via Internet.”