Ni: Jonnalyn Cortez
MULING magbabalik si Judy Ann Santos, ang Queen of Pinoy Soap Opera sa telebisyon para sa isang proyektong pinaghandaan nang husto. Sa Q & A ng Judy Ann’s Kitchen Live kamakailan, sinabi ng aktres ang titulo ng kanyang bagong palabas.
Tinanong ng isang netizen kung may bago bang palabas si Juday na agad naman sinagot ng batikang drama star.
“Yes, it’s entitled Starla,” wika ng Kapamilya actress.
Hindi naman masabi ni Judy Ann kung kailan ilalabas ito dahil tanging ang management lamang daw ang nakakaalam nito.
“So far, wala pa po akong alam sa part na yan,” dagdag pa niya.
Gayunmpaman, sinabi niyang nagsimula na silang mag-taping ng Starla.
Matatandaang inanunsyo ni Judy Ann ang pagbabalik niya sa teleserye sa isa ring Live Q & A noong Mayo ng nakaraang taon. Sinabayan naman ito ng pag-kumpirma ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment sa proyekto na may titulong Starla.
Sa isang panayam naman sa Pep.ph noong Pebrero, sinabi ni Judy Ann na ngayong taon na ipapalabas ang Starla.
“Sabi naman nila this year. Sure naman ako rito but ayoko namang magdikta ng buwan, kasi anything can happen, anything can change with ABS-CBN,” paliwanag ng batikang aktres.
“Kung ano yung feel na puwedeng ikasa, yun yung ikakasa,” dagdag pa ni Juday.