Isang malaking oportunidad para kay Kai Sotto ang makasali sa Gilas training pool para lalo pang humusay ang kanyang laro, ayon kay Gilas coach Yeng Guiao.
Ni: Quincy Joel Cahilig
PUSPUSAN ang paghahanda ngayon ng koponan ng Gilas para sa FIBA World Cup Qualifiers ngayong buwan, kung saan magsasama-sama ang mga piling manlalaro ng bansa para sa premyadong international basketball tournament.
Sa paghahanda ng ating national team, naging matunog din ang pagsali sa Gilas training pool ni Kai Sotto, ang 16 year-old cager na may taas na 7’1. Siya ay anak ng dating professional basketball player na si Ervin Sotto at kasalukuyang naglalaro para sa Ateneo Blue Eaglets sa UAAP.
Bukod sa pag-dominate sa collegiate competitions, pinabilib din ni Sotto ang international basketball community nang pangunahan niya ang Batang Gilas sa FIBA Junior Team Events (Under-16 at Under-17).
Sa nakaraang Under-17 Basketball World Cup, nag-average si Sotto ng 16.4 puntos at 10.6 rebounds, scoring percentage na 47.2 from the field at 67.4 percent mula sa free-throw line.
Ang kahanga-hangang mga numerong ito ang pumukaw sa atensyon ng mga international scouts at agents. Ilang teams sa Europe ang nagpa-kita na ng interes kay Sotto at napabalita pa kamakailan na inaalok siya ng USD 1 million five-year deal ng isang koponan sa Spain.
Sa edad na 16 anyos, naabot na ni Kai Sotto ang height na 7’1. Ayon sa kanyang ama, maari pa siyang tumangkad hanggang 7’6.
THE FUTURE OF PH BASKETBALL
Sa maraming (masaklap na) pagkakataon ay napatunayan na “height is might” talaga sa laro ng basketball. Ilang beses nang nabasag ang puso ng mga Pinoy players at fans sa mga pagkatalo sa international competitions. Pagdating sa skills, kaya makipagsabayan ng ating mga basketball players, pero talagang nahihirapan manalo ang Pinas kontra sa mga matatangkad na katunggali tulad ng China at Iran.
Dahil dito, minabuti ni Yeng Guiao, bagong Gilas headcoach, na bumuo ng koponan na binubuo ng di lamang magagaling kundi matatangkad pang mga player. Aniya, matagal na niyang tina-target si Sotto na isama sa 20-man training team bilang paghahanda sa 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers, na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa November 30 (kontra Kazakhstan) at December 3 (kontra Iran).
Naniniwala ang respetadong coach na isang magandang oportunidad ito para kay Sotto upang mabilis na maiangat ang kaniyang talento sa basketball.
“I think Kai is our future, and we’re just trying to make use of the opportunity for him to be developed and be able to upgrade the competition he’s been playing in kasi dominado niya masyado ‘yung high school, dominado niya rin ‘yung under-18, so now maybe it’s time for him to try the big boys,” pahayag ni Guiao.
“I’d like to see him play against the big boys and be able to accelerate his development. With Kai kasi, we have nothing to lose and we have everything to gain,” dagdag niya.
Makakasama sa Gilas ni Sotto ang ilan sa mga premyadong big men ng professional basketball sa bansa na sina Beau Belga (6’5), Christian Standhardinger (6’8), Japeth Aguilar (6’9), June Mar Fajardo (6’10), at Greg Slaughter (7’0).
Sinigundahan naman ng Barangay Ginebra “Twin Towers” na sina Slaughter at Aguilar si coach Guiao at nakahanda silang sanayin ang batang atleta.
“It’s great. The earlier, the better for him. There are a lot of guys that are willing to help him along the way. He has a promising career. I’m excited to practice with him,” wika ni Slaughter.
“He is still really young. There will be a lot of stuff we can teach him —me, June Mar, Japeth, Christian. I think we bring something as a big men and hopefully, we can pass that on to him,” aniya.
“It’s going to be a big benefit for him kasi matututo siya sa mga veterans sa PBA like June Mar and Greg. Good opportunity for him,” wika naman ni Aguilar.
Kakayanin ang hamon
Bagama’t may pressure, “sobrang excited” si Sotto na makasama ang kanyang mga idolo sa Gilas.
“Parang dream come true. Yung pangarap ko dati, ngayon ko na nagagawa. Yung mga kasama ko, mga magagaling na PBA players kaya excited ako matuto kay coach Yeng and sa mga teammates ko,” wika ni Sotto.
Kinikilala din niya ang naturang pagkakataon na mapatunayan ang kanyang sarili sa kabila ng murang edad.
“Ibibigay ko lang yung best ko kasi kahit di man ako mapili, alam kong tama yung magiging desisyon ni coach Yeng. Pag kasama ako, sobrang happy ko pero kung hindi, e di happy pa rin ako kasi nakasama ako sa pool,” sabi ni Sotto.