Pinas News
DAHIL sa isang mungkahing batas sa Konggreso na ibaba ang edad ng pananagot sa isang krimen mula labinglima sa siyam na taon, muling uminit ang usapin tungkol sa juvenile delinquency at children in conflict with the law.
Sa iba’t-ibang bansa, may iba’t-ibang nakatakdang edad ng pananagot sa isang krimen. Halimbawa, pitong taon sa India, walo sa Singapore, siyam sa Iraq at Iran, sampu sa Hongkong at Nepal, 12 sa Israel at Saudi Arabia, 14 sa Japan at sa North at South Korea, 15 sa Bahrain at Laos, at 15 sa Macau at Mongolia.
Kung ang pamantayan at panawagan ng UN — partikular ng UNESCO — ang susundin, dapat daw ay di bababa sa edad 12 ang nakatakdang edad para sa pananagot sa krimen. Mas mataas, hanggang maaari.
Sa isang pahayag ng Philippine Pediatric Society, hindi sila sang-ayon sa pagbaba sa siyam mula 15 taon na tinakda na ng Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344). Ayon sa mga doctor na kasapi nito, hindi pa sapat ang pagkahubog ng utak ng isang bata upang magkaroon siya ng pang-indibidwal na pananagutan sa isang pagkakasala.
Para sa Philippine Association of Social Workers (PASW), ang dapat gawin ay maayos na ipatupad at bigyan ng sapat na suporta ng pamahalaan ng RA 9344. Napakahalaga sa kanila ng rehabilitasyon.
Ayon naman sa Children’s Rights Network, 1.72% lamang ng mga nauulat na krimen ang gawa ng mga bata at karamihan dito ay petty theft o pagnanakaw ng mga maliliit na halaga, at ang mga ito ay kaugnay sa kahirapan. Para sa CRN, kung gayon, hindi naman talaga bababa ang datos ng krimen dahil sa mungkahing batas.
Kung anuman ang maging desisyon ng ating mga mambabatas, sana naman ito ay nakabatay sa sapat na kaalamang pang-agham at panlipunan. Huwag nawa tayong magdesisyon ayon lamang sa bugso ng damdamin laban sa mga tinuturing na pasaway na kabataan.