Pinas News
Narito ang ilang pangunahing napag-alaman sa isang pag-aaral na ginawa ng isang international NGO: Una, sumusuporta raw sa paggamit ng mga lokal na wika ng pagtuturo sa batayang edukasyon ang pambansang patakaran sa pambansang wika. Gayunpaman, hindi karaniwang umaayon sa mga pro-lokal na mga patakaran ng wika ang nagaganap sa mga silid-aralan. Karaniwan pa ring gamit sa mga silid-aralan ang internasyonal na wika ng pagtuturo. Nawawalang-bisa ang pambansang patakaran sa hindi pag-ayon ng praktika ng mga paaralan sa itinakda ng batas.
Ikalawa, pinahihiwatig o pinatutunayan ng mga pag-aaral na napabubuti ang pagkatuto kapag gamit sa mga silid-aralan ang wikang ginagamit ng mga batang mag-aaral sa kanilang tahanan—ang kanilang mother tongue.
Ikatlo, kahit pa sentral sa pang-akademikong tagumpay ang wikang panturo (medium of instruction), isa lamang ito sa maraming salik na humuhubog sa kalidad ng edukasyon. Dapat sinasahugan ang epektibong wika ng pagtuturo ng iba pang mga salik para sa de-kalidad na edukasyon gaya ng kapasidad ng mga guro, imprastraktura, at kurikulum.
Sa mga mas pamilyar sa kalagayan ng edukasyon sa bansa, maaaring maisip nila na Pilipinas ang tinutukoy sa pag-aaral na ito dahil lapat na lapat ang mga nabanggit na punto sa katotohanan ng ating sistemang pang-edukasyon. Ang totoo, tungkol ito sa 21 bansa sa Aprika. Ginawa lamang nitong 2016 ang nasabing pag-aaral.
Ang pinakamahalang punto ng pag-aaral na dapat bigyang-diin: dapat ginagamit ang home language o lokal na wika sa pagtuturo sa ating mga kababayan.
Agosto na at buwan ng wika na naman. Simula na rin ng pasukan sa ilan sa pinakamalaking pamantasan at paaralan sa bansa na nagtakda na ng calendar shift sa kanilang mga taong-pampaaralan.
Magandang ulit-ulitin at bigyang diin ang aral hinggil sa paggamit ng wikang pantahanan o pambansa sa loob ng mga paaralan. Matindi pa rin ang mga banta at hamon na dapat harapin sa paggamit ng ating mga sariling wika. Nariyan ang pagpasok ng mga pangkulturang produkto (gaya ng K-pop) mula sa ibang bansa. Nariyan din ang pansariling interes ng mga magulang na pinipiling (at pinipilit) mag-aral sa inggles ang kanilang anak.
Kung tunay na mamahalin lamang sana natin at makabuluhang gagamitin sa mga paaralan ang ating mga lokal na wika, baka nga mas uminam pa ang sistemang pang-edukasyon sa kabila ng maraming hamon sa ating pagpapabuti nito.
Payabungin pa natin ang mga wikang Filipino! Mabuhay ang pambansang wika!