Ni: Kristine Joy Labadan
NAGSISILBING halimbawa ang isang huwarang modelo sa pamamagitan ng pag impluwensiya nang mabuti sa ibang tao. Para sa mga bata, ang kanilang mga magulang o di naman kaya’y ang mga nag-aalaga sa kanila ang nagsisilbing modelo nila sa buhay.
Iba’t-ibang modelo ang naghuhulma sa kanilang pag-uugali sa eskuwelahan, relasyon, at sa pagbuo ng mga mahihirap na desisyon. Isa na rito ang pagkopya nila ng ugali at hitsura ng ilang artista, atleta, at mga karakter sa libro, telebisyon, pelikula atbp.
Ito ang ilan sa mga makakatulong na mungkahi upang pag-usapan ang tungkol sa pagkakaroon ng ulirang modelo sa mga bata:
- Magbigay ng mga halimbawa sa iyong komunidad na sa tingin mo’y may mga positibong ugali at magiging mabuting huwaran.
- Ibahagi ang iyong mga tinitingalang tao para maging inspirasyon at gabay.
Sa kabilang banda’y maaari ring isipin ng mga bata na ang mga negatibong asal ng kanilang modelo ay tipikal, ligtas, at katanggap-tanggap. Alamin ang mga paraan kung pa’no ipapaliwanag sa mga bata ang mga modelong nakakagawa ng pagkakamali:
- Tanungin ang bata kung ano’ng tingin niya sa naging asal ng kanyang modelo.
- Tanungin kung ano’ng ibang aksyon ang gagawin niya sa ganoong sitwasyon.
- Magbigay ng mas positibo at mabuting paraan sa pagharap ng sitwasyon
Kung ikaw’y nag-aalala na negatibong naimpluwensyahan ang isang bata, gawin ang mga aksyon na ito:
- Paalalahanan ang bata na hindi niya kailangang gawin lahat ng ginagawa ng kanyang modelo.
- Tulungan itong tumuklas ng iba pang mas positibong modelo.
Kung hindi epektibo ang mga nauna, sumangguni sa isang kwalipikadong propesyonal sa pag-iisip na makakatulong sa’yo kung ikaw’y nababahala sa pagbabago ng gawi ng isang bata sanhi ng pagpili nito ng hinahangaang modelo.