Ni: Assoc.Prof. Louie C. Montemar
DAIG ng maagap ang masipag, wika nga ng isang ka-sabihan. Tingin ko naman, daig din ng matalino’t mahusay ang maagap at masipag. Hindi talaga sasapat ang sipag at tiyaga lang lalo na para sa usaping pangkaunlaran ng ating bayan.
Bilang paglilinaw, hindi ba’t kilala ang husay at sipag ng mga Pilipinong nagtatrabaho para sa mga banyaga sa ibang lupain? Dito naman, ang karamihan sa mga naiiwan nating kababayan ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa mga gawaing nangangailangan ng tunay na sipag at tiyaga—halimbawa, sa pagsasaka at pamamalakaya, pagkakarpintero’t anluwage, pagmamaneho pagdidispatsadora’t pahinante.
Ayon sa mga pag-aaral na napakalaki talaga ng papel ng taglay na talino at husay ng mga mamamayan sa pagpapaunlad ng isang bansa. Sa pag-aaral ng World Bank, ang pamumuhunan sa human resources ay isang mainam na istratehiya upang makamit ang matatag at positibong paglago ng ekonomiya ng isang bansa. Ang kalakhan ng mga epekto ng isang matalino’t mahusay na populasyon, ayon sa World Bank, ay partikular sa bansa at nag-iiba-iba ayon sa mga partikular na populasyon at kanilang human capital at patakarang isinasaalang-alang.
Sa ngayon, may mas malinaw ng panukat sa bagay na ito ang UNESCO – ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization. Ang sukat na ito ay ang bilang ng “mananaliksik sa bawat isang milyong naninirahan” (researchers per million inhabitants). Ito ang dami ng mga propesyonal na nakikibahagi sa pag-uunawa o paglikha ng bagong kaalaman — nagsasagawa ng pananaliksik at nagpapabuti o nagpapaunlad ng mga konsepto, mga teorya, mga modelo, mga instrumento’t pamamaraan, mga software o pamamaraan sa operasyon — sa loob isang taon na ipinahayag bilang isang proporsiyon ng populasyon na isang milyon.
Sa pamantayan ng UNESCO, dapat daw na may 380 mananaliksik sa bawat isang milyong Pilipino, subalit sa ngayon mayroon lamang 189/milyon. Napakababa nito at ang Pilipinas ang may pinakamababang sukat sa buong Southeast Asia. Sa South Korea may 6,900/milyon, sa Singapore 6,700/milyon, sa Malaysia 2,100/milyon, at sa Thailand, 974/milyon. Para sa isang dating opisyal ng Department of Agriculture, si William Dar, ito ang isang dahilan kung bakit napakahina ng paglago ng ating ekonomiya lalo na sa usapin ng agrikultura.
Sa ngayon, marami sa mga siyentipiko natin ang lumalabas ng bansa para mangibang bayan. Karamihan ng nananatili dito ay nasa pribadong sektor. Ang iba pa ay nasa mga Pamantasan, sa pamahalaan, at sa mga NGO. Hind ba mas ideyal kung karamihan sa kanila ay nasa pamahalaan? Kung kaunlaran ng lahat at ng buong bansa ang nakataya, dapat mamuhunan pa ang pamahalaan sa pagpapaaral at pagkuha sa mga pinakamahuhusay na Pilipino upang magsilbi sa publiko.
Sa bahagi naman ng ating mga ordinaryong mamamayan, makatutulong kung hihimukin natin ang ating mga kabataan na maging mga siyentipiko at mananaliksik. Dapat na payabungin pa ang interes ng kabataan sa agham at pananaliksik, kabilang na ang agham panlipunan.
Hindi sapat na kilala lamang tayong mga Pilipino bilang mga mang-aawit at masayahing mga tao. Hindi rin sapat ang sipag at tiyaga lang. Kailangan ang siyentipikong kaalaman, kasanayan, at kahusayan. Mapapalago lamang ang mga ito sa isang sistematikong paraan sa pamamagitan ng edukasyon at pagsasanay.