DR. JEAN Encinas Franco, Political Science Professor ng University of the Philippines
HANNAH JANE SANCHO
Sa naging panayam ng Sonshine Radio, kay Dr. Jean Encinas Franco, Political Science Professor ng University of the Philippines sinabi nitong nakalulungkot ang tinagal ng kaso ng Maguindanao Massacre.
Pero natuwa naman ito na sa wakas ay nagkaroon na ng closure ang mga pamilya ng biktima.
Samantala, inisip din ni Franco ang mga simpleng mamamayan kung gaano kahabang panahon naman ang tatahakin ng mga ito bago tuluyang makuha ang hustisya sa kabila ng pagharap ng mga ito sa mga di gaanong high-profile na kaso.
“Ah totoo, nakakalungkot na napakatagal bago nabigyan ng hatol. At iniisip ko nga, paano pa yung mga hindi high-profile cases. Diba, gaano pa siguro yung haba ng tatahakin nila na panahon bago magkaroon ng hustisya. Ngunit gayunpaman, natutuwa ako na finally nagka-verdict na. Nagkaroon na rin ng closure, hopefully yung pamilya ng biktima,” ani Dr. Jean Encinas Franco.
Sa huli sinabi ng propesor na tunay lamang na makakamit ang hustisya sa Maguindanao Massacre Case kung hindi na muli ito mauulit lalong-lalo na sa mga mamamahayag.
Dahil aniya nakikilala na ang ating bansa sa maraming namamatay na mga journalist.
Dagdag pa nito na napaka-importante ng freedom of the press sa demokrasiya ng bansa.
“Ang pinaka tingin kong hustisya makakamit nila e, na hindi na ito mangyari pa sa kahit na sinong journalist o mamamahayag sa bansa. Dahil diba nagiging kilala na yung bansa natin na kung saan maraming namamatay na mamamahayag. At hindi ito maganda siyempre, dahil yung freedom of the press ay napaka fundamental sa ating demokrasiya”, pagtatapos ni Dr. Franco.