Ni: Ma. Leriecka Endico
Isports ang isa sa pinakamagandang ‘avenues’ upang linangin ang potensyal ng mga kabataan at paunlarin ang kakayahan nila. At hindi hadlang ang pagiging bata o murang edad upang mapagtagumpayan ang ano mang isports na sinasalihan nila.
Bagama’t may mga kabataang naliligaw ng landas, mayroon din mga nagsisikap at nagsisilbing pag-asa ng ating bayan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng karangalan sa bansa.
Pinatunayan ito ng dalawang batang pinoy matapos sikwatin ang kauna-unahang gintong medalya para sa Pilipinas sa naganap na 2017 Asian Juniors Boxing Championship sa Puerto Princesa City Coliseum noong Lunes. Sila ay si Kenneth Dela Pena, Batang Pinoy silver medalist noong nakaraang taon, at John Vincent Pangga, kampeon ng 2016 Palarong Pambansa.
2017 Asian Juniors Boxing Championship
Unang humirit ng gintong medalya ang ipinagmamalaki ng General Santos City na si Dela Pena matapos talunin ang kalaban mula Kazakhstan na si Akilbek Mukhtarov, sa pinweight (44-46kg) category. Si Pangga naman na tubong Cagayan De Oro City ay nanalo rin laban sa pambato ng Thailand na si Sarawut Sukhet sa flyweight (50kg) class.
Dahil sa mabilis na kamay at maliksing mga paa, ang 16 gulang na si Dela Pena ay nagbigay ng kaliwa’t kanang kombinasyon ng suntok sa gitna ng ikalawang ikot ng laban. Sinagot naman ito ng kalaban na si Mukhtarov sa ikatlong round at naglunsad ng buong pag-atake na umipit kay Dela Pena sa ring.
Kahit na unang taon pa lang ni Dela Pena bilang boksingero, nagpakitang gilas na agad ang batang atleta matapos sagutin ang atake ng kalaban. Nagpalipad ng kaliwang suntok sa katawan ang batang boksingero at agad niya itong sinundan ng kanan sa mukha laban sa kinatawan ng Kazakhstan.
Sa championship round, naitala ang 4-1 split decision win laban kay Muktharov. Maliban sa hurado na mula sa Japan na nagbigay ng 29-28 iskor pabor sa boksingero ng Kazakhstan, pare-parehong 29-28 ang iskor ng mga hurado mula sa Thailand, India at Iran habang 30-26 naman ang ibinigay ng hurado mula Iraq para sa batang Pinoy.
Agad din namang sumunod sa tagumpay ang Palarong Pambansa at Batang Pinoy Champion na si John Vincent Pangga matapos pagharian ang flyweight (50kgs) division. Ginapi ng 15 anyos na boksingero ang kinatawan ng Thailand at nagpakita ng matalinong estilo ng pakikipaglaban. Nakadaupan na ni Pangga si Sukthet sa Thailand noong nakaraang buwan para sa pagsasanay ng National Team, kung kaya’t pamilyar na ang batang boksingero sa mga galaw ng kalaban.
Nanguna si Pangga sa unang round na nagdulot kay Sukthet na mag-iba ng taktika at sumagot ng mga suntok laban sa batang pinoy. Kalaunan ay nadepensahan ni Pangga ang sarili matapos maglabas ng mabibilis na kombinasyon na nagpanalo sa batang kampeon.
Maliban sa hurado mula United Arab Emirates na pabor kay Sukhtet, napahanga ni Pangga ang apat na hurado ng laban. Parehong 4-1 ang iskor na nakuha ni Pangga via split decision na may pare-parehong 29-28 iskor mula sa apat na hurado habang 29-28 naman ang nakuha ng Thai boxer galing sa ikalimang hurado mula UAE.
Hakbang para sa Olympics
Matapos ang selebrasyon, inaasahan ang pagsabak ng dalawang batang boksingero sa World Juniors ngayong taon. Samantala, humanga naman ang presidente ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na si Ricky Vargas, sa ipinakitang husay ng dalawa.
“The kids fought with a lot of heart. They have a lot of potential to make it to the Olympics…I was surprised that we won two golds,” wika ni Vargas.
Umani rin ang dalawa ng papuri mula sa Secretary General ng Boxing Association na si Ed Picson at sinabing, “you can’t keep them in the juniors forever because they will get older… The sooner they can be honed for future tournaments, the better because we will have an ample supply of boxing talent.”
Determinadong manalo ang dalawang kampeon upang mabigay karangalan sa pamilya at bansa. Buong puso rin nilang sinisikap na makapasok sa Olympics balang araw at handa silang magsakripisyo upang makamit ang pangarap na ito. Ilan sa mga sakripisyong ito ay ang puspusang pagsasanay, disiplina at katatagan; mga bagay na hindi madaling gawin para sa isang normal na kabataan.
Tunay na naiiba ang dalawang batang pinoy na ito kumpara sa ibang kabataan ngayon. Pinatunayan nila na may lugar ang mga batang pinoy sa larangan ng isports at hindi lahat ng kabataan ay lulong sa internet at bisyo—dahil narito ang isports upang linangin at paunlarin ang kanilang angking talento.