Tatlumpu’t pitong dating NPA guerillas at supporters ang nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ng Pilipinas matapos silang sumuko sa militar sa Ifugao at Mountain Province nitong Agosto.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
PAGKATAPOS ng palitan ng maaanghang na salita ng magkabilang panig nitong mga nakalipas na buwan, muling nabanaag ang liwanag ng pag-asa ng panunumbalik ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Sa inauguration ng isang mall sa Lungsod ng Davao, muling sinabi ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na bukas ang pintuan ng pamahalaan para sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na makapagbalik-loob.
Nanawagan ang Pangulo sa mga rebeldeng komunista na isuko na ang kanilang mga armas at mamuhay ng payapa.
“Buhii lang nang imong armas, wala tay problema (Set down your arms and we will not have a problem),” wika ni Duterte sa pagbubukas ng Gaisano Grand Citygate Mall kamakailan.
“We are really friends” wika pa ng Pangulo sa NPA at inulit na hindi niya naman talagang gustong tugisin ang mga ito dahil minsan din siyang naging tagapakinig ng mga prinsipyong ipinaglalaban ni CPP founding chairman Jose Maria Sison, na kanyang naging guro noong siya’y nasa kolehiyo.
Hindi rin ikinaila ni Duterte ang suportang natanggap niya mula sa NPA para sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo noong Eleksyon 2016.
“I will not be where I am today without the help of the people of Davao and the NPA. I’m thankful for that. And because you helped me, I am asking you to also help me find a way for all of us to live,” wika ng Pangulo.
Kaya naman hinimok niya ang mga rebelde na tapusin na ang mahigit 50 taong pakikipaglaban kontra gobyerno at magkaisa nang pagtamo ang mailap na kapayapaan.
Tiniyak din ni Duterte sa mga susuko na mayroong naghihintay sa kanilang pabahay, trabaho, at edukasyon mula pamahalaan.
“Your underground movement will not amount to anything. But I am ready to accept you if you surrender. Bring your firearms, give it to me, and I will give you a house and a job. You can be sure of that. I will be able to give you that. You will undergo training in TESDA (Technical Education and Skills Development Authority), I’ll send you to school, I will pay you to study and learn new skills,” pangako ng Pangulo.
Nagpahayag ng ganito ang Pangulo halos isang taon matapos niyang lagdaan ang Proclamation No. 360 na nagbasura sa peace talks sa pagitan ng gobyerno at CPP at paglagda ng isa pang proclamation na pormal na nagsasaad na ang CPP-NPA ay isang terrorist group. Bunsod ito ng patuloy na pag-atake ng NPA sa mga tropa ng militar sa kabila ng noo’y isinasagawang negosasyon.
Kamakailan ay inakusahan din ng Armed Forces of the Philippines ang CPP ng pagpaplano na pabagsakin ang Duterte administration.
Nagtalumpati si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng Gaisano Grand Citygate Mall sa Buhangin District Davao City, kung saan nanawagan siya sa mga miyembro ng NPA na sumuko na.
CPP SA PULITIKA, WALANG PROBLEMA
Samantala, sinabi rin ni Duterte na wala rin namang problema sa kanya kung sakaling mapagpasyahan ng mga CPP members na makilahok sa pulitika.
“If you wish to join politics, okay lang. Drop the firearms, drop the gun, and we will not have a problem. We will not just be friends, but Filipino brothers and sisters,” aniya.
Subali’t tila kontra sa pananaw na ito ng Pangulo ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte. Kamakailan ay nanawagan ang nakababatang Duterte na huwag iboto ang mga maka-kaliwang mga party-list sa darating na midterm elections.
“Do not support the party-list groups under the Makabayan bloc – these are Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers or ACT Teachers, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, and Migrante,” pahayag ni Inday Sara.
“They terrorize, engender lawlessness, create confusion, disrespect fellow human beings, put lives in danger, and disregard any authority altogether,” paliwanag ng alkalde.
Nagpahayag ng ganito si Mayor Duterte matapos ang isinagawang roadblock ng maka-kaliwang Kilusang Mayo Uno (KMU), na nagdulot ng mabigat na trapiko sa kalsadang nag-uugnay sa Davao City at Panabo City, kung saan marami ang naperwisyo.
Kaugnay ito ng inilunsad ng KMU na kilos-protestang tinaguriang “Mindanao day of protest against martial law” na nananawagan ng pagpapatigil sa umiiral na martial law sa Mindanao, na ipinatupad ng Pangulo dahil sa Marawi Siege noong nakaraang taon.
“We are again calling for an end to martial law in Mindanao and for the ouster of President Duterte due to his crimes against the Filipino people. We, the Mindanawon, demand justice against the grave human rights violations committed by the United States-Duterte regime,” wika ni Carlo Olalo, spokesman ng KMU Southern Mindanao.
“The killings, harassments, threats and intimidation may strike fear in our hearts but not today. They can try to silence us but they can never kill the dreams of our children,” dagdag niya.
Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison
SISON, BUKAS PA RIN SA PEACE TALKS
Samantala, sinabi naman ni Sison na bukas pa rin siya sa panunumbalik ng peace talks. Nguni’t nasa mga kamay ni Duterte, aniya, ang pagsasakatuparan nito.
“It is up to him to end his position of having terminated the peace negotiations with Proclamation 360,” pahayag ni Sison.
“The standing policy of the NDFP (National Democratic Front of the Philippines) is to negotiate with the GRP (Philippine government) anytime he (Duterte) is ready to resume the peace negotiations in accordance with The Hague Joint Declaration and further agreements,” dagdag ni Sison sa isang statement.
Pinuna din ni Sison ang pag-alok ng Pangulo ng pabahay at trabaho sa mga susukong rebelde, na ayon sa kaniya ay maari isang uri ng panunuhol.
Nguni’t sinang-ayunan ng 79-anyos na CPP founder ang paniniwala ng kanyang dating estudyante, na ngayo’y pinuno na ng bansa, na magpapatuloy ang pag-iral ng NPA sa kabila ng kanilang pagpanaw.
“He is correct though in saying that the NPA will continue to exist even after he and I are gone from the surface of the earth, if by implication he means positively that the root causes of the armed conflict must be addressed and solved by social, economic and political reforms,” sabi ni Sison.