Ni: Kristine Joy Labadan
ANG serye na Legend of the Blue Sea na pinagbidahan ni Lee Min Ho, at ang K-pop band na 2ne1 na kinabibilangan ng “Pambansang krung-krung” na si Sandara Park ang ilan lamang sa maraming bagay na sumikat sa mga Pinoy nang magsimulang makilala sa bansa ang Korean trends. Maliban sa mga ito, naging patok din sa mga kababaihan ang make-up style ng mga Korean ang napapanood at nakikita nila. Kung ikaw’y nagnanais ding sumubok ng Korean skin care products, narito ang ilan sa mga dapat mo munang malaman.
Mahalaga ang epektibong paglilinis ng balat
Ang paglilinis ng balat ang isa sa mahalagang parte ng pangangalaga nito. Dahil dito, ang mga Koreana ay nagsasagawa ng tinatawag na double cleansing. Simple lamang ang paraan: Matulog nang tiyak na malinis na ang mukha, sa pamamagitan nito, hindi lang mapapadali ang pag-absorb ng inyong balat ng iba pang skin care products habang nagpapahinga kundi malaki din ang porsyentong maiiwasan na mag-break out ang iyong balat na pwedeng mag-resulta ng tigyawat, eyebags, at pamumula.
Ugaliing mag-moisturize
Ginagatasan ng mga Koreano ang mga snail o suso at kinukuha ang mga dumi ng lebadura (yeast) para makuha ang mga epektibong sangkap ng isang magandang moisturizer para sa balat. Ganoon ka-seryoso ang mga Koreano sa pag-imbento ng produkto para alagaan ang kanilang mga balat. Para sa mga may oily na balat, hindi totoo na hindi na dapat mag-moisturize. Kapag well-hydrated ang iyong balat, ang skin cells ay mas maayos na magagawa ang mga tungkulin. Maliban pa roon, ang skin hydration ay isang napakaepektibong pampa-antala ng paglabas ng wrinkles sa mukha.
Tiyaga ang susi
Marami sa atin ang guilty sa pagnanais ng mabilisang epekto mula sa mga produkto na ating ginagamit sa ating katawan. Minsa’y bumibili tayo ng produkto at umaasa kaagad na paggising sa umaga, mayroon na itong malaking nabago sa ating katawan. Ang ganitong pag-iisip ay hindi tama.
Katulad ng ibang produktong pampaganda ng balat, hindi nakukuha sa isang araw ang inaasam na pagbabagong ninanais natin. Mainam na tandaang ang mga skin care products na gawa sa Korea ay may layuning makapagbigay ng aktibong sangkap sa iyong balat sa pinakabanayad na paraan. At kung ito’y banayad, ito rin ay susulong nang mabagal ngunit panigurado. Ang patuloy at matiyagang paggamit nito ang susi.