Ni: Louie Montemar
ITULOY ang kampanya laban sa krimen. May magandang naipakita na rin naman ang pamahalaan sa aspetong ito. Bilang patunay, naiulat na nitong magsimula ang kasalukuyang taon na may kabuuang 14,633 insidente ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping ng motor vehicles, at carnapping ng mga motorsiklo ang naitala noong 2018. Mas mababa ito ng 21 porsiyento kaysa sa 18,524 na naitala noong 2017.
Sa tala ng mga karaniwang krimen, mapupuri ang PNP at iba pang kaugnay na ahensiya sa nagiging pagbabago. Subalit kung nais nating higit pang mapainam ang ating bansa, kailangan pa ng mas masugid na kampanya at pagpapalawak ng pananaw sa bagay na ito dahil ang krimen ay isang masalimuot na panlipunang kaganapan. Hindi ito matutugunan lamang sa pwersa ng ating mga pulis.
Sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2005 sa Sweden, nakita ang ugnayan sa pagitan ng kawalan ng trabaho at pagkakaroon ng mga krimen. Gamit ang mga datos hinggil sa mga krimeng pang-ari-arian (property crimes gaya ng pagnanakaw) at kawalan ng trabaho (unemployment), napakita ng pag-aaral ang isang direktang ugnayan sa pagitan ng kawalan ng trabaho at mga krimeng pang-ari-arian. Sa madaling salita, habang tumataas ang bilang ng walang trabaho o sukat ng kawalan ng trabaho, dumarami ang mga kaso ng krimen.
Sa United Kingdom naman, sa isang pag-aaral noong 2004, malinaw na ipinakita ang positibong ugnayan ng ekonomiya at mga krimeng pang-ari-arian. Ibig sabihin, habang gumaganda ang ekonomiya, nababawasan ang insidente ng kriminalidad.
Masasabi, kung gayon, na kailangang may isang kumpas ang pagpapaunlad ng ekonomiya at paglikha ng mga trabaho sa kampanya laban sa kriminalidad ng ating kapulisan at mga ahensiyang pangkatarungan.
Kapansin-pansin na malaking hamon pa rin ang kawalan ng trabahong disente para sa maraming Filipino. Kailangan pang magsikhay ang pamahalaan at ang pribadong sektor sa usaping ito kung nais natin ng isang mas matiwasay na lipunan dahil magkakambal na usapin ang pang-ekonomiyang kaunlaran at katarungan.