SA edad na 69, si Manuel “Manny ” Villar ang pinakamayamang tao sa buong Pilipinas na may net worth na $5.5 bilyon , ayon ito sa 2019 ranking ng Forbes sa mga pinakamayaman sa buong Pilipinas.
Ni: Kristin Mariano
KAPAG tinanong mo ang kahit sinong Pilipino kung gusto niyang yumaman, siya’y tatango at magsasabi ng “Oo”. Pero paano nga ba yumaman? Namamayagpag ang mga Pilipino at 14 na mga Pinoy ang nasa listahan ng mga bilyonaryo sa buong mundo.
Sabi nila, ang pagtatayo ng negosyo ang pinakamabilis na paraan para yumaman. Kung sabagay, walang yumayaman sa mga nangangamuhan. Upang makapagtayo ng isang negosyo, kailangan mo ng business idea, kapital, at kaalaman sa negosyo. Bukod sa mga ito, importante rin na mayroon kang “driving force” o motibasyon para ipagpatuloy ang iyong nasimulan dahil kailangan mo ng mahabang pasensya hanggang sa kumita ang iyong negosyo.
Pamilyar tayo sa mga rags-to-riches o mula sa hirap na mga kuwento. Hindi lahat ng mayaman ay ipinanganak din sa yaman, marami sa kanila ay galing sa hirap. Sa katunayan, maraming mga negosyante ang may ganitong pinagmulan at ang kanilang kahirapan ang nagtulak sa kanila upang magsipag at marating ang kinalalagyan ngayon.
Narito ang kuwento ng limang negosyante sa Pilipinas na punong-puno ng inspirasyon at ang kanilang motibasyon sa likod ng matatagumpay na negosyo:
Socorro Ramos Mula sa pagiging bantay sa may-ari ng book shop – yan si Socorro Ramos, nagtayo ng National Bookstore.
Walang mahirap sa taong may pangarap
Sa murang edad na 12, dumating sa Maynila ang batang si Henry Sy para tumulong sa negosyong sari-sari store ng kanyang ama. Subalit noong panahon ng Hapon, nasira ng giyera ang dalawa nilang tindahan. Labis itong ikinalungkot ng kanyang ama at nagpasyang bumalik sa Tsina.
Ang batang Henry Sy ay nagpatuloy sa pakikipagsapalaran sa Maynila at nagtayo ng kanyang sariling negosyo at nagtinda ng sapatos sa isang maliit na puwesto sa Quiapo. Mula sa kita ay nakapagtayo siya ng malaking tindahan ng sapatos na tinawag niyang Shoemart. Pagkaraan ng ilang taon, lumaki at naging department store na kilala natin bilang SM. Si Henry Sy ang pinakamayaman sa bansa at may-ari ng BDO at Chinabank na pumanaw na rin kamakailan.
John Gokongwei Mula mayaman, naghirap, nagsumikap hanggang sa yumaman muli ang kuwento ni John Gokongwei Jr.
Mayaman-naghirap-yumaman ulit
Labintatlong gulang pa lamang si John Gokongwe, Jr. nang mamatay ang kanyang ama. Dahil dito ay halos nawala ang lahat sa kanilang pamilya — bahay, kotse, at negosyo. Ang dating mayaman ay nakaranas ng hirap at iniwasan ng kanyang mga kaibigan si John. Dahil sa kawalan ng pera, kinailangan tumigil sa pag-aaral ni John at magtrabaho upang masuportahan ang kanyang ina at mga kapatid.
Nagtinda siya sa palengke sa Cebu at naglalako ng kahit anong bagay na pwede niyang maibenta gamit ang kanyang bisikleta. Napalago niya ang kanyang negosyo at nagtinda sa Maynila. Nagpursige ang batang Gokongwei at pinasok ang pag-i-import hanggang sa nagtayo rin siya ng mall na kilala natin ngayon bilang Robinson’s. Pag-aari rin ni Gokongwei ang Universal Robina at Cebu Pacific airline.
Mariano Que Sinimulan ni Mariano Que ang Mercury Drug sa halagang 100 pesos.
Never say die!
Ito ang bukambibig ng mga Ginebra fan at tila ito rin ang motto sa buhay ni Socorro Ramos. Mula sa pagiging bantay ng isang book store sa Escolta, nagtayo si Socorro ng kanyang sariling tindahan matapos makapag asawa. Dahil nagsisimula pa lamang, si Socorro lahat ang gumagawa sa tindahan mula sa pagbebenta hanggang sa paglilinis sa gabi.
Ngunit malupit ang tadhana at nasunog ang kanyang tindahan noong panahon ng giyera. Hindi pinanghinaan ng loob si Socorro at nagtayo ulit sila ng bagong tindahan at dinagdagan ang maaari nilang ibenta tulad ng mas murang mga textbooks. Ngayon ang National Bookstore ay isa sa pinakamalaki at sikat na tindahan ng mga office and school supplies at mga libro.
Saan aabot ang 100 pesos mo?
Hindi hadlang ang maliit na kapital para mapalaki ang isang negosyo. Nagtatrabaho si Mariano Que sa isang botika nang makita niya ang pangangailangan sa sulfa drugs matapos ang giyera. Ang sulfa drugs ay ginagamit para mapigilan ang impeksiyon. Sa halagang 100 pesos at kanyang kaalaman sa mga gamot, naglako siya ng gamot na tingi-tingi sa mga mahihirap. Unti-unting lumago ang kanyang negosyo hanggang sa naitayo niya ang Mercury Drug na pinakamalaking botika ngayon sa bansa.
Wala yan sa edad
Karamihan sa atin, kapag umabot sa edad na 50, nagiisip nang megretiro. Pero hindi ito ang nasa isip ni Julie Gandiongco. Tipikal na maybahay si Julie na nag-aalaga ng mga anak at nananahi para kumita ng ekstrang pera pandagdag sa panggastos.
Nag-resign bigla ang kanyang asawa sa trabaho upang pagtuunan ng pansin ang kanyang bukid sa Dumaguete. Subalit hindi ito pinalad at nawala rin sa kanila ang bukid. Alam ni Julie na hindi magiging sapat ang kita niya sa pananahi, nagtayo siya ng canteen sa isang export company. Mahirap ang dating ng pera dahil nagbabayad lamang ang mga trabahador tuwing araw ng suweldo.
Sa edad na 50, may nakilalang isang panadero si Julie at nagtayo siya ng maliit na panaderya sa Cebu na pinangalanan niyang Julie’s Bakeshop. Naging kilala ang panaderya dahil sa mga masasarap na tinapay at kumalat sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang Julie’s.