Pinas News
AYON sa Peace Research Institute Oslo, isang independent research center na itinatag noong 1959, may nakagugulat na pagbaba sa karahasan sa mundo na naganap nitong nakaraang sandaang taon o siglo.
Ayon kay Steven Pinker, propesor ng sikolohiya sa Harvard at may-akda ng “The Better Angels of Our Nature,’’ ang kapansin-pansing mabilis na pagbaba ng ng karahasan sa buong daigdig “ay maaaring ang pinakamahalaga ngunit di-pinahahalagahang pag-unlad sa ating kasaysayan”.
Sa madaling salita, maraming hindi nakakapansin na sa katunayan, higit na mas mapayapa ang mundo ngayon kesa nitong huling dalawang daang taon. Mas mapayapa kung tutuusin dahil mas kaunti na ang namamatay sa mga insidente ng karahasan sa bawat 100-libong tao sa mundo. Subalit bakit tila napakamapanganib ng mundo ngayon sa pananaw ng marami?
Haka-haka ni Pinker, sa interes ng media na makapagbalita ng mga nakatatakot at mapanganib na bagay, nabubuo sa marami ang imahen na mapanganib o nanganganib nga ang mundo.
“Ang balita ay nakaliligaw na paraan upang maunawaan ang mundo,” wika niya sa isang ulat para sa Vox, isang online na batis ng mga balita. “Laging tungkol sa mga pangyayaring naganap at hindi tungkol sa mga bagay na hindi nangyari [ang balita sa media].
Hangga’t ang bilang ng mga marahas na kaganapan ay hindi bumaba sa zero, palaging magiging mas tampok na balita ang karahasan,” wika ni Pinker.
Totoo ba ang napansing pagbabagong ito sa kaso ng Pilipinas? Totoo rin ito sa atin ayon sa mga pinakahuling datos. Totoo ito sa taong 2017 ayon sa mismong Philippine National Police (PNP). Tila patuloy nga ang pag-inam ng mga istatistika sa krimen na naitala sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa mga huling taon ni Pangulong Noynoy Aquino, gayon din naman ang kaso.
Sa kalakhan, bumaba ang insidente ng krimen sa ating bansa. Iyon nga lamang, sa panahon ni Pangulong Duterte, sumisipa pataas ang bilang ng mga pagpatay o murder. Kung aayusin pa ang patakaran sa mga police operations, sisikaping idisiplina pa ang mga armadong opisyal, at magiging mas maayos pa ang kabuuang sistemang pangkatarungan ng bansa, tiyak na mas bababa pa ang insidente ng kriminalidad.
Ano naman ang maaring gawin ng mga karaniwang mamamayan sa kampanya laban sa krimen?
Ito ang ilang istratehiyang nakalap natin sa ilang babasahin sa naturang paksa: Kailangang mas kilalanin pa natin ang ating kapitbahayan; at, isaayos at paunlarin pa ang ating mga kapitbahayan.
Ilang pangunahing punto kaugnay nito ang sumusunod:
Una, Kilalanin pa at suportahan ang mga inisyatiba ng ating kapitbahayan o barangay. Ang kaalaman ay isang epektibong instrumentong panlaban sa krimen. Ang edukasyon sa mga gawain ng barangay ay maaaring maging susi sa lahat ng uri ng pag-iwas sa krimen.
Ikalawa, makipag-ugnayan sa ating mga pulis. Kailangan ang koordinasyon ng mga lokal na pamayanan at ang pambansang kapulisan. Tandaan nating nais din naman ng mga matitinong pulis ipatupad nang maayos ang batas.
Ikatlo, gamitin ang mainstream media at pati na ang social media upang ituon ang pansin sa mga tunay na usapin. Magagamit ang media upang mas mailantad pa ang mga krimen.