Ni: Wally Peralta
HINDI biro ang pinagdaanan ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla bago niya makapiling ang asawang si Sen. Bong Revilla nitongnagdaang pasko. Tatlong taon din ang kanyang hinintay at pinaglaban. At hindi sumuko si Lani sa pakikipaglaban na makapiling ang asawa kahit ilang araw lang ngayong Pasko. Sa unang dalawang taon ay ni-reject ang kanyang petisyon at nitong taong 2017 ay hindi rin niya agad-agad nakamit ang tagaumpay ng kanyang petisyon, maraming legal na bagay na ginawa si Lani up to the last minute para lang makapiling ang mister. At nito ngang Dec. 24 ay nagkasama silang magkakapamilya para pagsaluhan ang Holiday Season.
Gayunpaman, kahit halos kulang sa tulog sa kanyang pag-aasikaso sa pamilya ay hindi naman pinababayaan ni Mayor Lani ang kanyang katungkulan bilang alkalde ng Bacoor City. At nitong 2017 ay napagkalooban ng 3 awards ang kanyang lungsod sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Ang 3 awards na natanggap ng kanyang syudad, ay ang Seal of Good Local Governance, ang Gold Award for Environment Compliance Audit mula sa DILG, at ang Tourism Excellence Award for Local Government mula sa Dept. of Tourism.
“Happy po ako sa mga awards na ito na natanggap ng aming siyudad lalo pa po’t halos isa at kalahating taon palang ako sa serbisyo, so far, so good,” ang paunang say ng butihing maybahay ni Sen. Bong Revilla.
“Tatlong lungsod palang ang nakakatanggap ng Seal of Good Local Governance, at ang mga lungsod na yan ay nasa Cavite.”
“Ika nga, when you are a winner, sakop na nito ang mga kategorya, sa financial ng lungsod, sa peace and order at sa preparedness of the city or municipality”.
Walang oras para sa teleserye
Kung halos naka-focus si Mayor Lani sa kanyang lungsod, marami rin naman sa kanyang mga taga hanga at followers ang nami-miss siya sa showbiz. Huling teleseryeng ginawa niya ay sa GMA-7, ang “Strawberry Lane” noong taong 2014 na pinagbibidahan nina Bea Binene, Joyce Ching at Kim Rodriguez. Matagal-tagal na rin naman ito. Wala pa kayang susunod na teleserye siyang gagawin?
“Hindi ko kakayanin!”
“Mahirap kasi ang schedule ko, napakaraming gawain sa opisina ko at hindi puwedeng mawala ako ng matagal.”
“Siguro pupuwede akong gumawa kung hindi full time, parang mga short roles lang sa ngayon. Malaki kasi ang problema sa syudad at kailangan ng personal na atensyon.”
“At kung gagawa ako ng teleserye, ayoko muna ng drama, mabigat sa loob kasi, lalo pa sa dami-dami kung trabaho bilang lingkod bayan, gusto ko yung mga light comedy o drama lang.”
Missing showbiz
And speaking of showbiz career, nakasanayan na rin naman ng masa na may palaging entry tuwing Metro Manila Film Festival si Sen. Bong Revilla. Ano na kaya ang balak ng butihing senador ngayon sa kanyang showbiz career? Napapag-usapan kaya nila itong mag-asawa?
“Bale pangatlong taon ng Pasko at Metro Manila Filmfestival ngayon na walang movie entry si Sen. Bong, miss na miss na niya talaga ang showbiz.”
“Pero ang maganda, we are now producing a movie for three of our sons, sina Luigi, Bryan at Jolo. Trilogy po ito, inaayos pa po namin mabuti ang istorya ng kanilang trilogy, pero ang tema ay action at anti drugs. More on drugs syndicate. Maaksyon talaga.”
“Sa mga magiging leading lady ng tatlo, sa ngayon ay wala pa po, naghahanap pa po ng babagay sa kanila. But we are already starting shooting.”
“At magkakaalaman na kung sino po sa kanila ang susunod sa yapak ng kanilang ama na si Sen. Bong Revilla sa action. Makikita po natin sa kanilang tatlo after this film.”
Taos pusong pasasalamat
At dahil sa limitadong oras na binigay para sa ‘pansamantalang’ kalayaan ni Sen. Bong Revilla, kung saan ay ginugol lahat ng oras para makapiling ang pamilya ay binahagi na lang ni
Sen. Bong ang kanyang nararamdaman at saloobin sa pamamagitan ng kanyang social account.
“Isa na po ito siguro sa pinakamagandang Pasko sa aking buhay.”
“Dahil sa biyaya ng Panginoon, matapos ang tatlong Kapaskuhan, nabigyan ako ng pagkakataon na muli itong salubungin kasama ang aking pamilya, at kayo, mga minamahal kong kababayan, sa labas ng piitan.”
“Kahapon ko lang naramdaman ang matinding pangungulila sa mga nakalipas na taon, nang muli ninyong iparamdam sa akin ang inyong patuloy na pagmamahal at suporta.”
“Hindi ko mailagay sa salita ang pag-uumapaw ng galak at pasasalamat sa sidhi at init ng inyong pagyapos at pagtanggap sa akin makalipas ang halos apat na taon.”
“In the very short amount of time I was allowed to spend outside jail with you, nakita ko na napakarami ng nagbago kaya lalo po akong na-touch na sa kabila nito, hindi nagbago ang pagtingin at pagmamahal ninyo sa akin. Ganundin po ako sa inyo. God is very good! Patuloy tayong magtiwala sa Kanyang kadakilaan at galing.”
“I love you all so much. Tunay na Maligayang Pasko po sa ating lahat!”