Ang four-division boxing champion Adrien Broner
Ni: Quicy Joel Cahilig
NASA 90 porsyento na ang kasiguruhan ng susunod na laban ni boxing legend at eight-division world champion Manny Pacquiao. Kaniyang makakaharap ang American Boxer at four-division champion na si Adrien Bronner.
Mismong ang Pambansang Kamao ang pumili kay Broner bilang kaniyang susunod na katunggali sa ibabaw ng ring sa Enero ng susunod na taon, na maaring ganapin sa Las Vegas. Sinasabing ito ang laban ni Pacquiao bago ang kanyang rematch kontra sa undefeated champion na si Floyd Mayweather, Jr.
Kung titignan ang record at history ng career ni Broner, hindi basta-bastang pro boxer ang piniling makasagupa ni reigning world welterweight champion Pacquiao.
Sa kanyang social media post, tila ipinahayag ni Broner na kayang-kaya niyang makipagsabayan sa Filipino boxer.
“Come get what you looking for,” sabi ni Broner sa kaniyang Instagram post.
Mas bata ng 10 taon si Broner sa edad na 29; may record siya na 33 wins, 3 losses, 1 draw, at 1 no contest. Dalawampu’t apat sa kaniyang panalo ay via knockout.
May hawig ang estilo ni Broner kay Mayweather. Siya ay dating kampeon mga sumusunod na weight classes: junior lightweight (World Boxing Organization), lightweight (World Boxing Council), super lightweight (World Boxing Association), and welterweight (WBA).
EARLY START
Nagsimulang pumasok sa tagisan ng kamao ang tubong Cincinnati na si Broner sa edad na anim na taon bunsod ng paghikayat ng ama. Tinagurian siyang “The Problem” dahil naging sakit ng ulo siya ng kanyang mga magulang dahil sa pasaway na pag-uugali nito.
Sa katunayan, sa murang edad ay nasangkot si Bronner sa gang nguni’t kalaunan ay nagawa niyang iwanan ang magulong buhay sa mga lansangan– bagay na biyaya sa kanya ng pagbo-boxing.
Dahil sa malalakas niyang suntok at bilis nang galaw sa ring, naging matagumpay ang amateur career ni Bronner kung saan siya ay nakapagtala ng record na 300 wins at 19 losses. Nanalo rin siya sa National Silver Gloves championship noong 2002 at 2003, at nakapag-uwi ng bronze medal mula sa 2005 National Junior Olympics.
PRO CAREER
Noong 2008, sa edad na 19, nagsimulang sumabak si Broner sa professional boxing at agad gumawa siya ng marka nang kaniyang patumbahin ang kalaban na si Allante Davis sa loob lamang ng 32 segundo.
Pagkatapos ay sunod-sunod na niyang naipanalo ang 21 na laban, 17 via knockout, upang makamit ang kauna-unahan niyang title shot para sa super featherweight division laban kay Vicente Martin Rodriguez noong 2011. Nasungkit niya ang bakanteng titulo via KO.
Nobyembre 2012 nang labanan ni Broner sa isang title fight si Antonio DeMarco sa Atlantic City, New Jersey. Sa pamamagitan ng isang left uppercut ay pinatumba niya ang kalaban para maagaw ang WBC Lightweight Championship.
Pagkatapos matagumpay na madepensahan ang titulo kontra kay Gavin Rees, umakyat si Broner sa welterweight division at hinamon si Pauli Malignaggi para sa WBA welterweight title noong 2013. Naipanalo ni Broner ang laban via 12-round split decision.
Ito ang ang pangatlong world title niya sa tatlong magkakaibang dibisyon sa loob lamang ng mahigit isang taon.
Taong 2015 nang kanyang makaharap si Khabib Allakhverdiev para sa WBA light-welterweight belt na ginanap sa harap ng kaniyang home crowd sa Cincinnati. Inihinto ang laban sa round 12, na may 37 segundo na lamang ang nalalabi at itinanghal si Broner na kampeon.
Ang laban nina Adrien Broner at Antonio DeMarco para sa WBC Lightweight Championship noong 2012
CRUCIAL FIGHT
Lubhang mahalaga ang darating na laban ni Broner para sa kanyang karera dahil ang panalo kontra sa isang boxing legend ay maaring makapagbura sa mga agam-agam sa kaniyang angking galing, na nabahiran ng mga kabiguan sa huling niyang anim na laban.
Para kay Baker Geist ng fightsaga.com, mas malaki ang pakinabang ni Broner sa laban kumpara kay Pacquiao. Aniya, walang duda sa angking husay niya sa boxing, na pinatutunayan ng kanyang mga titulo. Nguni’t tila kinakapos si Broner na maabot ang elite level bilang isang boksingero sa maraming pagkakataon dahil sa mga personal na problema at pagiging arogante nito na bumabagabag sa kaniyang performance sa ring.
“It’s very possible that Broner can beat an aging Pacquiao. In order to do so however, he’ll have to be honest about his weaknesses and work to address them. One glaring weak spot is his low work rate in big fights. Against Paulie Malignaggi in 2013, he struggled to maintain a consistent punch output through many rounds and in a clash against Shawn Porter, he was largely dormant. Against Pacquiao he’ll want to keep the punches coming and utilize angles in his attack,” sabi ni Geist.