Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Matapos tuparin ang pangakong pagtataas sa sweldo ng mga sundalo at pulis, isusunod naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dagdag-sahod para sa mga guro. Ito ang direktiba ng pangulo sa kaniyang gabinete sa isang pagpupulong sa Malakanyang kamakailan, na sumentro sa pagsusulong ng ikalawang tax reform package.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr., nais gamitin ni Pangulong Duterte ang ikalawang tax reform package, matapos maipasa ang TRAIN law, upang maitaas ang sahod ng mga guro dahil determinado umano ang Pangulo na maipakita sa taong bayan na may kinahahantungan ang mga reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan.
Hindi naman tinukoy ni Roque kung magkano ang itataas sa sweldo ng mga guro ngunit posibleng mangyari umano ang nasabing umento lalo na’t natupad naman ng pangulo ang pangako nitong dagdag-sweldo ng mga uniformed personnel.
“The President also stated that with the second tax reform package, he has instructed DBM and all other agencies to find means to increase the salary of teachers after the initial doubling of salaries of the AFP and the police. So the teachers will be next,” pahayag ni Roque sa isang media briefing sa Malacanang.
Bagaman hindi pa malinaw kung magkano ang kikitain ng gobyerno sa isinusulong na panibagong tax reform package, ipinahayag naman ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na naka-disenyo ito hindi para lalong madagdagan ang kikitain ng gobyerno kung di para gawing patas ang sistema ng pagbubuwis; Ibababa ang corporate income taxes at gagawing moderno ang fiscal incentives.
Subalit tila binaril ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang pagdoble sa sahod ng mga guro, na gaya nang ginawa ng pamahalaan sa mga pulis at sundalo. Sa isang media briefing, ipinahayag ng kalihim na hindi kasama sa mga prayoridad ng gobyerno ang nasabing hakbangin dahil mas nakatuon ang pansin ng Administrasyong Duterte na pondohan ang mga higanteng proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng “Build, Build, Build” Program hanggang taong 2022.
Paliwanag ni Diokno, kung dodoblehin ang sahod ng nasa 600,000 public school teachers, ang kakailanganin ng gobyerno na gumastos ng 500 bilyong piso. Sa kabila nito, hindi naman tuluyang isinasantabi ang posibilidad na ito ay mangyari dahil pag-aaralan umano ito ng gobyerno.
Dagdag ng naturang opisyal, tumaas naman na ng 15-16% ang sweldo ng mga public school teachers sa bansa dahil sa Executive Order No. 201 na nagtatakda ng apat na beses na umento sa sahod ng lahat ng civilian government employees hanggang sa taong 2019. Ang nasabing EO ay pinirmahan ni dating Pangulong Benigno Aquino bago siya bumaba sa puwesto noong 2016.
Ang mabigat na pasanin ng mga guro
Noong panahon pa ng kampanya para sa 2016 Presidential Elections, ipinahayag na ni Pang. Duterte ang pagnanais niyang itaas ang sweldo ng mga guro sa bansa dahil batid niya ang pinagdadaanan nilang problemang pampinansyal na bunga ng maliit na take home pay. Marami sa mga titser sa bansa ang napipilitang mangutang upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya. At dahil dito, maraming guro ang nababaon na sa utang.
Ayon sa Department of Education, nasa 300 bilyong piso na ang kabuuang utang ng mga public school teachers sa bansa: P123 bilyon sa Government Service Insurance System at umaabot ng hanggang P170-178 bilyon sa mga private institutions. Kaya noong 2016, nasa 26,000 na mga guro ang hindi nakatanggap ng retirement benefits dahil sa kanilang mga outstanding loans.
Paliwanag ni DepEd Secreatary Leonor Briones, ang nasabing isyu ay bunsod ng labis na pag-utang o over borrowing ng mga guro na di nila nabayaran, at ibinawas ang balanse nilang pagkakautang sa kanilang retirement benefits.
“For several years now, GSIS has been bumped off. Now, GSIS did not raise this issue with us because after all, at the end of the day, when a teacher overborrows and does not pay, when he or she retires, they will automatically deduct all the accumulated debts at compounded interest,” wika ni Briones sa isang panayam ng Rappler.
Dagdag pa ng naturang opisyal na nagkaroon din ng pagtaas ng bilang ng mga guro na binawian ng lisensya sa pagtuturo dahil sa kasong estafa na sinasampa sa kanila sa Professonal Regulation Commission, at ang iba naman ay sinampahan ng kasong administratibo ng mga lending institutions.
Kaya naman isinusulong din ni Briones ang financial literacy sa mga guro upang matulungan silang mapangalagaan ang kanilang kinikitang halaga na bunga ng maraming pagtitiis at pagod sa pagtupad ng kanilang tungkulin hubugin ang kaisipan ng mga mag-aaral.
Wag puro pa-pogi lang
Pabor si ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio sa desisyon ng Pangulong Duterte dahil nararapat lamang aniyang itaas ang sweldo ng mga guro upang hindi na nila kailanganin pang mangutang para maitaguyod ang kanilang pamilya.
Nakikita ni Tinio na ang pagtataas ng buwanang sahod ng mga public school teachers ang kasagutan sa problemang pampinansyal ng mga titser. Aniya, dapat tumaas ang basic pay ng mga guro mula P19,600 sa P25,000.
“As long-time advocates for decent pay, we welcome the statement coming from the Palace that President Duterte wants to increase the salaries of public school teachers,” wika ni Rep. Tino sa isang statement.
Nguni’t ipinahayag din ng naturang mambabatas na ang dagdag sweldo para sa mga guro ay hindi dapat dumipende sa pangalawang tax reform proposal. Hindi rin umano dapat gamitin ng gobyerno ang mga guro upang pabanguhin ang imahe nito sa publiko dahil sa pagsusulong mga maka-mayaman na sistema ng pagbubuwis.
“This is a new propaganda line, since the Department of Finance has always said that the administration’s tax reform proposals are meant to fund infrastructure, not teachers’ pay hikes… This is a blatant [public relations] tactic intended to make the new tax package, the centerpiece of which is the lowering of corporate income tax, more palatable to the public. Don’t use teachers to deodorize your pro-rich taxes!” wika ni Tinio.