Ni: Jonnalyn Cortez
MULING pinatunayan ni Manny Pacquiao na isa siya sa pinakamayayamang sports icons sa buong mundo. Napabilang ang Filipino boxing legend sa listahan ng 10 pangunahing pinakamayayamang atleta ng dekada ng international magazine na Forbes.
Nakapagtala ang People’s Champ ng $435 milyon na kita mula 2010 hanggang 2019, na naglagay sa kanya sa No. 8 spot sa listahan ng Forbes magazine. Sinasabing kalahati ng kanyang naipon ay nagmula sa laban nila ni Floyd Mayweather Jr. noong 2015.
Itinuturing na “Fight of the Century,” nakapag-uwi si Pacquiao ng $150 milyon mula sa kanilang labas sa kabila ng kanyang pagkatalo. Nakakakuha naman ng tig-iisang milyon ang eight-division world boxing champion mula sa kanyang mga laban kina Timothy Bradley, Jeff Horn at Adrien Broner.
Inaasahan namang mas malaki pa ang maiuuwi ni Pacquiao sa pagdepensa nito sa kasalukuyang hawak na titulo na World Boxing Association welterweight.
Sa kabilang dako, nakuha naman ni Mayweather ang top spot sa listahan ng Forbes dahil sa kanyang net worth na $915 milyon. Sa kabila ng kanyang pagreretiro, kumita ang boxing promoter ng $10 milyon sa kanyang exhibition match laban kay Tenshin Nasukawa noong 2018.
Sinundan naman ito ng mga football icons na sina Cristiano Ronaldo ($800 milyon) at Lionel Messi ($750 milyon), NBA star na si LeBron James ($680 milyon), tennis legend na si Roger Federer ($640 milyon), golf players na sina Tiger Woods ($615 milyon) at Phil Mickelson ($480 milyon), isa pang NBA star na si Kevin Durant ($425 milyon) at Formula 1 world champion Lewis Hamilton ($400 milyon).