Pinas News
ISANG magandang balita sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na target malagyan ng libreng internet ang sampung libong lugar sa bansa ngayong 2018.
Dapat lang naman na gawin ito ng pamahalaan dahil napapanahon na talaga na magkaroon ng libre at mabilis na internet ang mga pampublikong lugar sa Pilipinas dahil nahuhuli na tayo sa ibang bansa maging dito sa Asya na may mga libreng internet service sa mga publikong lugar gaya sa mga paliparan, parks, plasa, train stations at iba pa.
Kagaya na lamang sa Hong Kong, hindi mahirap sa isang tao na sa pagtuntong pa lamang sa paliparan ay madali kaagad ang pag-access sa internet at sobrang bilis pa.
Ito kayang sinasabing free wifi sa bansa ay kasing bilis din ba sa ibang bansa? Iyan ang malaking katanungan.
Sa ating bansa sa Pilipinas ay kilala na tayong isa sa mga bansa na hindi lamang sa pinakamahal ngunit pinakamabagal na sebisyo ng internet at dati na itong problema na hanggang ngayon ay hindi naresolba.
Mistulang kasing bagal ng internet ang pagresolba sa ganitong problema sa bansa.
Nitong nakaraan lamang huling mga araw ng Mayo ay muling napaliban ang pagpasok ng ikatlong telco sa bansa sa anumang kadahilanan ay sila na lamang ang nakakaalam.
Wala rin naman kasing ibinigay na eksaktong pahayag ang DICT sa pagkaantala at magaganap pa raw ang pagpili ng bagong telco player sa buwan ng Setyembre ngayong taon.
Dati nang itinakda ang pagpili ng telco player noon pang nakaraang Marso ni Pangulong Rodrigo Duterte ngunit napawalang bisa dahil sa lumampas ito sa nakatakdang panahon.
Target ng libreng wifi ang mga pampublikong lugar sa bansa kagaya ng mga opisina ng gobyerno, mga ospital, mga istasyon ng tren, mga paliparan at mga seaport sa buong bansa, maging sa mga parke at plasa, mga paaralan at pampublikong silid-aklatan.
Aasahan nating mangyayari nga ito ngayong taon ayon sa inihayag ng DICT at hindi ito lalawig pa ng ilang buwan o taon. At kapag mangyari man ay mapapakinabangan nga ito ng marami dahil kung hindi maging maganda ang takbo ng free wifi at mabagal pa ito sa pagong ay wala rin itong silbi.