HINDI kailan man magiging sagabal ang busy schedule kung gusto talaga ang ginagawa.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
ANG mga artista ay tunay nga namang malaki kumita, at nakakatuwang isipin na marami rin sa kanila ang pumapasok sa negosyo at nilalagay ang kinikita sa investment.
Alam naman natin na hindi permanente ang pagiging artista, kahit anong oras ay maaaring malaos ang isang artista at mawalan ng mga proyekto. Kaya marami sa kanila ang nag-uumpisa ng negosyo habang maaga pa at kasagsagan ng kasikatan. Nang sa gayon, kahit na mawala ang career ay makikita pa rin nila ang kanilang naipundar.
Hindi madaling magtayo ng sariling negosyo maging sa mga artista lalo na kung first time ito. Ngunit, walang makapipigil sa iyo kung ito talaga ang iyong gusto. Kaya naman ating kilalanin ang mga artistang binigyan ng panahon ang negosyo.
JANICE DE BELEN
Baked treats ang kilalang negosyo ni Janice. Mayroong polvoron, cookies, at mayroon ding mga ready-to-eat na pagkain. Tatlong taon na ang kaniyang negosyo. Kahit na siya ay busy sa pagaartista at pagiging ina ay pinagtuunan pansin pa rin niya ang Kitchen of Super Janice.
“If I cannot be in the bazaar, hindi ako tumatanggap. Kasi people will go there to look for you. If you post it on Instagram, people will go there to look for you. If they don’t find you, parang madi-disappoint sila,” sabi niya sa interview.
LJ MORENO
Marami ang nakakakilala sa dessert business ni LJ na The Loollicake Factory. Dahil lamang sa siya ay nag-crave sa cakes at cake pop matapos matikman ito sa California, dito na niya naisipan magbenta ng cake pop at cake na nakalagay sa garapon o jar.
“That’s actually the reason why I came up with the business,” sabi niya. “It’s my personal favorite and I was craving it,” dagdag pa niya.
SHAMCEY SUPSUP-LEE
Isang beauty queen na ngayon ay businesswoman na. Kasosyo niya sa negosyo ang kaniyang asawa kung saan ay may iba’t ibang branches na ang kanilang restaurant na Pedro ‘N Coi. Payo si Shamcey sa mga gustong mag-umpisa ng sarili nilang negosyo ay kumuha ng tips sa mga eksperto pagdating sa negosyong gustong pasukin.
“We had no experience in putting up a business like a restaurant,” pag-amin ni Shamcey. “So parang may pool of experts kami that we get. But sa amin nanggaling kung ano yung gusto namin. We were clear with what we wanted to put up,” dagag pa niya.
Sinabi rin niya na isa sa mga natutunan niya galing sa ibang business ay matuto sa kanilang kamalian. “At least hindi ninyo na kailangan pagdaanan, kasi napagdaanan na namin. Puwede ninyo na i-skip yung part na ‘yon,” sabi niya.
SHARON CUNETA
Kilala bilang megastar sa showbiz, negostar naman pagdating sa negosyo. Makikita kung saan saan ang resto na Mega. Ito pala ay pagmamay-ari ni Sharon kasama ang asawang si Kiko Pangilinan.
Ang menu ay traditional Filipino na paborito ng mga Pinoy pero may modern twist. Masarap kainan lalo kung kasama ang pamilya.
Bukod sa resto, investor din sa real estate si Megastar. At siya rin ang namamahala ng kanilang tatlong ektaryang farm, The Sweet Spring Country Farm.
KATHRYN BERNARDO
Hindi lamang sa pag-arte magaling si Kathryn, maging sa negosyo successful din ito. Sa edad na 22 ay CEO na siya ng sarili niyang business.
Si Kath ang may-ari ng Kathnails by KCMB. At ngayon ay may branches na sa iba’t-ibang mall.
“Hindi ko na-expect na ganitong karaming branches within one year,” sabi niya.
“Masaya kami kasi iba’t-iba pumupunta dito. Hindi lang pumunta dahil fans sila, may mga regular clients na nagustuhan ‘yung service. ‘Yun ang importante, ‘yung na-satisfy sila.” dagdag pa ng aktres.
VICE GANDA
Comedian, aktor, singer, at noontime host pa; talaga naman umaapaw sa blessings si Vice Ganda. Ngayon, ay may sarili na rin itong cosmetic brand.
Sa interview ng Metro.Style ay binahagi niya ang dahilan kung bakit siya bumuo ng sariling negosyo. Nagsimula ang lahat noong bata siya ay nasira niya ang lipstick ng ina na hindi pa pala tapos bayaran. Dahil sa pangyayaring iyon, nangarap siya na makapagpatayo ng sariling make up brand na abot kaya lalo na ang lipstick.
Sinabi rin niya na ang lipstick ay makakapag bigay ng glow sa mukha ng isang babae.
“Kahit anong nanay, kahit anong estado sa buhay, mahirap man o mayaman, magkano man ang sweldo, may trabaho man o wala, meron at meron ‘yang lipstick,” paliwanag niya.
“Kahit hirap na hirap na siya sa buhay, kaya ng lipstick magbigay ng kulay sa mukha ng isang babae. Hindi na masyadong nababanaag ang hirap na nararamdaman niya,” dagdag pa niya.
Mabibili ang iba’t-ibang klase ng kaniyang lipstick sa halagang P195, at sa halagang P1,450 mabibili ang walong lipstick.
Talaga namang kamangha-mangha ang mga artistang ito na hindi sinasayang ang kinikita at may napupuntahang maganda ang pinagpupuyatan sa taping at nakakapagbigay din ng inspirasyon sa nakararami.