HINDI sumuko si Alden at uti-unti niyang naabot lahat ng kanyang pangarap.
NI: MARILETH ANTIOLA
ISA sa pinakasikat na artista at lubos na hinahangaan ng napakaraming Pilipino, maging bata man o matanda, ay si Richard Reyes Faulkerson Jr.
Kilala sa pangalan na Alden Richards, siya ay isang TV host, model, recording artist at magaling na aktor — mapa aksyon man o drama, kayang-kaya niyang gampanan.
Lumaki si Alden sa Sta. Rosa, Laguna kasama ang kanyang napaka-supportive na ama na si Richard Faulkerson na sa umpisa pa lang ng kanyang showbiz career at hanggang ngayon ay hindi siya pinababayaan. Lagi itong naka-alalay at handang ibsan ang mga pagsubok sa binata.
Maagang naulila sa ina si Alden at may dalawang kapatid, kaya noong bata pa lang ay nagbabanat na siya ng buto katuwang ang kanyang ama.
Ngunit ngayon, lahat ng paghihirap at pagsasakripisyo ni Alden ay nagbunga na ng magandang resulta at isa siya sa mga artistang iginagalang at tinitingla bilang isa sa pinakamaimpluwensyang tao sa showbiz.
Bago magsimula ang big career
Noong siya ay bata pa pinangarap ni Alden na maging isang piloto ngunit dahil sa pangangailangan at kahirapan ng buhay nila noon mas pinili niya na lumahok sa iba’t-ibang kumpetisyon at nagtrabaho sa murang edad bilang isang modelo upang makatulong at suportahan ang kanyang pamilya.
Nagtapos siya ng high school sa Paco Catholic School at kumuha ng business administration, ngunit hindi nya ito natapos dahil na rin sa kondisyong pinansyal ng pamilya.
Marami ring napagdaanang pagsubok at mga rejections si Alden sa simula ng kanyang career; hindi siya pinalad na mapili sa Star Struck at Pinoy Big Brother, at maging sa Teen Clash. Ngunit, hindi sumuko si Alden; lalo siyang nagpursige at mas nagsumikap at nag-aral upang mas lalong gumaling sa pag-arte.
Sunod-sunod na proyekto
Nasungkit niya ang kauna-unahang major role sa isang serye na pinamagatang Alakdan na ipinalabas sa GMA network Dramarama sa Hapon noong 2010.
Nang sumunod na taon nakasama siya sa serye ng Tween Hearts na ipinalabas noon tuwing Linggo ng hapon. Inaabangan ito noon ng mga kabataan at maging yung mga may edad na rin dahil sa mga nakakakilig at masayang takbo ng istorya nito.
Nakasama rin siya at lumabas sa programa ng GMA tuwing Linggo ng tanghali, ang variety shows na Sunday All Stars at Party Pilipinas kung saan nakakuha siya ng mga positibong komento mula sa mga manonood at tagasubaybay nito at maging sa network management.
Binigyan naman siya ng pagkilala bilang isang natatangi at versatile na aktor sa kanyang pagganap bilang isang psychopath sa pelikulang The Road.
Gumanap din si Alden bilang superherong si Victor Magtanggol noong nakaraang taon at ilan pa sa mga natatanging pagganap niya ay sa One True Love (2012), Magpakailanman (2013), Carmela na kapareha ang nag-iisang Primetime Queen na si Marian Rivera Dantes, sa pelikula nila ni Maine Mendoza na Imagine You and Me na tumabo rin sa takilya noong 2016 at napakarami pang iba.
Naging host din siya ng isa sa talent search show ng GMA ang Bet ng Bayan at That’s My Bae, isang segment ng longest running noontime show na Eat Bulalaga. Regular host siya dito na ang show rin na nagbansag sa kanya bilang Pambansang Bae ng Pilipinas.
‘Kalyeserye’ at AlDub Nation
Dito mas lalong sumikat si Alden Richards at siya ring big break ni Maine Mendoza na nakilala rito bilang si Yaya Dub. Hindi akalain ng madla at maging si Alden na dito na pala magsisimula ang maningning niyang karera sa pag-aartista at sa industriya.
Halos umabot sa 400 na episode ang Kalyeserye na kinahiligan at minahal ng maraming Pilipino hanggang mga OFW sa iba’t-ibang bansa. Saya, tawa, iyakan at pag-asa ang naidulot araw-araw ng segment na ito ng Eat Bulaga para sa lahat ng sumubaybay dito.
Bawat episode ay inabangan talaga ng marami nitong tagasubaybay at mga marubdob na sumusuporta sa tambalang Alden Richards at Maine Mendoza na kilala bilang AlDub.
Hanggang ngayon ay malapit parin na magkaibigan si Maine at Alden ngunit hindi sila nauwi sa pag-iibigan kagaya ng kwento sa Kalyeserye.
Mga parangal na nakamit
Binigyan si Alden ng German Moreno Youth Achievement Award at tinanggap din niya sa 59th FAMAS Awards ang parangal para sa kanyang debut album na “Alden Richards.”
Nasungkit din niya ang Best Drama Actor sa pagganap sa Illustrado; ibinigay ito sa ika-29 PMPC Star Awards para sa telebisyon.
Nanalo rin ang simpatikong aktor ng Asian Star Prize Awardee sa 2019 Seoul International Drama Awards kamakailan.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa marami pang ibang parangal na natanggap ni Alden.
Pagsubok sa ibang tambalan
Unti-unti lumalabas na si Alden sa kanyang comfort zone at sumusubok nang i-test ang kanyang limits bilang artista. Pinagtambalan nila ni Kathryn Bernardo, ang nag-iisang Teen Queen ng ABS-CBN, ang pelikulang Hello, Love, Goodbye. Blockbuster ito at mainit na pinag-uusapan sa anumang social media platform. Dumayo pa sa Singapore ang cast ng pelikula upang kunan ang mga eksena nito.
Naging viral din sa Facebook ang ilan sa kanilang di malilimutan na mga linya tulad ng sumusunod:
“Kung mahal mo ako bakit hindi ako ang piliin mo? Kung mahal mo ako bakit pinapapili mo ako?”
Maraming naka-relate at na-inspire nang sobra sa kwento ng pagmamahalan nila Ethan (Alden) at Joy (Kathryn) na kapwa matingkad ang pagganap sa bawa’t eksena.
Walang humpay ang mga biyayang natatamasa at nakakamit hanggang ngayon ni Alden Richards, patunay lamang na walang imposible sa taong hindi sumusuko hanggang maabot ang kanyang mga pangarap.