LP
Anong Partido Mo?
Ni: Louie M. Montemar
May mahalagang papel sa pamamahala ng isang bansa ang mga partidong- pulitikal. Una, tinitipon nila ang mga tao upang madesisyunan kung sino-sino ang bubuo sa gobyerno at kung anong mga patakaran ang ipatutupad sa bayan. Ikalawa, tumutulong sila sa paglikha ng mga patakarang kanais-nais sa kanilang mga interes o sa mga grupo na sumusuporta sa kanila. Ikatlo, nangunguna sila para mag-organisa at manghimok ng mga botante na piliin ang kanilang mga kandidato para sa mga tanggapang pampulitika.
Sa ideyal, kasangkot sa pagpapatakbo ng gobyerno sa lahat ng antas ang mga partidong pampulitika ngunit hindi naman sila mismo ang gobyerno. Gaya ng nabigyang-pansin na nang mga nag-aaral sa pulitika, ang mga pampulitikang partido ay baha-bahagi lamang ng kabuuang bansa o ng pamayanan.
Siyempre naman, tampok na layunin ng mga partidong pampulitika ang ihain ang kanilang mga kandidato para sa mga posisyong panghalalan. Nais nilang maipanalo sa eleksyon ang pinakamaraming maari. Sa sandaling inihalal, sinubukan dapat ng mga opisyal na ito na makamit ang mga layunin ng kanilang partido sa pamamagitan ng mga hakbangin sa batas at programa.
Ayon sa mga tala ng COMELEC, may siyam na pinakabuhay na partidong pambansa ayon sa bilang ng mga pinuno o politico na kanilang naipanalo at napatakbo sa eleksiyon: Aksyon Demokratiko (Aksyon), Kilusang Bagong Lipunan (KBL), Lakas Christian-Muslim Democrats (Lakas), Liberal Party (LP), Nacionalista Party (NP), Nationalist People’s Coalition (NPC) NUP), Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), United Nationalist Alliance (UNA).
Hindi pa kasama sa mga ito ang mga party-list groups na mga partido pampulitika rin naman talaga kung tutuusin, mas limitado nga lamang ang pagkilos at pinapasok na larangan. May 243 party-list groups na sumubok makalugar noon halalan ng 2016.
Ang tanong, kumusta ba ang mga partido sa ating bayan? Hindi ba mismong ang pangulo ay minsan nang nagsabi na hindi siya bilib sa mga partidong pampulitika? May punto siya. Pansinin ang pagtalon-talon ng kasapian ng mga partidong ito. Dating NP nagging LP na naging PDP; dating UNA na naging PDP o LP, atbp. Kailangan ang pagdidisiplina sa loob ng partidong ito, at kailangan ng mga bagong dugo sa loob nila, o mga bago at tunay na partido.
Kabilang ka ba kabayan sa alinmang partido? Kung tingin mo magulo ang pulitika kaya ayaw mong mabahagi dito, hindi nga kaya iyan ang isang dahilan kung bakit pangit at madumi ang politika sa ating bayan? Kung hindi naman kabilang ang karamihan sa atin sa mga partidong ito, sino na nga ang magdedesisyon at kikilos para sa bayan? Umaangal tayo na pangit ang mga patakaran at mahina ang mga pinuno subalit ayaw naman nating sumapi sa mga samahan kung saan unang niluluto ang ating mga batas at kung saan unang sinasala dapat ang ating mga pinunong bayan.
Habang papalapit na naman ang mga susunod na halalan, magandang pag-isipan ang mga bagay na ito dahil anu’t anopaman ang kilos ng ating mga partido, sila pa rin ang isang pangunahing tuntungan ng kapangyarihan sa lipunan.
4 na LP members, lilipat sa PDP-Laban
Lalo pang lumiit ang bilang ng miyembro ng Liberal Party sa paglipat ng apat na miyembro nito sa PDP-Laban na partido ni pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y matapos kumpirmahin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na manunumpa bilang bagong PDP-Laban members sina: Lanao Del Sur 1st District Rep. Ansaruddin Adiong; Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman; North Cotabato 2nd District Nancy Catamco; at Quezon City 5th District Alfred Vargas.
Dahil dito, nasa dalawampu’t walo na lamang ang natitirang miyembro ng LP.
Ang dalawampu’t tatlo sa natitirang LP members ay lumagda sa isang coalition agreement sa PDP-Laban habang ang lima naman ay nanatiling miyembro ng oposisyon.
Ang paglilipat ng partido ng apat na kongresista ay sa gitna ng nakaambang pagpapa-impeach sa chairperson ng partido na si Vice President Leni Robredo.