Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Sa tuwing naririnig natin ang terminong “tren”, malamang ang unang sumasagi sa isip ng maraming Pinoy ay ang Manila Metro Rail Transit System (MRT) at ang Manila Light Rail Transit System (LRT) na sinasakyan ng daan-libong mga komyuter araw-araw sa Metro Manila.
Pero bago naging bida ang mga ito, minsan sa ating kasaysayan ay naging bida sa publiko ang “lolo” ng mga tren sa ating bansa—ito ang Philippine Rail Transit (PNR) na mahigit 120 taon nang tumatakbo ng paroo’t-parito sa mga riles nito.
PNR, bahagi ng kasaysayang pambansa
Matuturing na isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas ang PNR, na sumasalamin din sa mga pagbabagong pinagdaanan ng ating lipunan sa mga paglipas ng panahon. Nobyembre 24, 1892 pormal na inilunsad ng pamahalaang Kastila ang PNR na noon ay kilala bilang Ferrocarril de Manila-Dagupan na may linyang tumatakbo ng 195-kilomentro mula Tutuban sa Maynila hanggang Dagupan, Pangasinan.
Minsan ay sinakyan ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal sa PNR noong Hulyo 1892, nang siya ay bumiyahe patungong Malolos, Bulacan upang bisitahin ang mga Kababaihan ng Malolos upang sila ay personal na pasalamatan at papurihan dahil sa kanilang katapangang ipinamalas sa kanilang pakikipaglaban para sa kanilang karapatan para sa Edukason.
Sa kasalukuyan ay makikita ang isang panandang pangkasaysayan na inilagay ang National Historical Commission of the Philippines sa dating istasyon ng tren sa Malolos bilang pagkilala sa naging bahagi nito sa kasaysayan ng bansa.
Noong American Colonial Period naman mas pinalawig ang operasyon ng PNR. Dinagdagan pa ang mga riles ng tren patungo sa mga bayan sa Hilaga at Katimugang Luzon. Ilan sa mga ito ay ginagamit pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Pinaglilingkuran ng PNR ang kalakhang Maynila, at ang mga probinsya ng Laguna, Quezon, Camarines Sur (Naga City) at Albay. Noon ay sinerbisyuhan nito ang mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, Pangasinan, at La Union sa North Main Line; at Batangas, Cavite, Laguna, at Rizal sa South Main Line. Ngunit sa paglipas ng panahon ay nabawasan ang mga linya ng mga tren dahil sa iba’t ibang mga kalamidad, pagsulpot ng mga informal settlers noong 1990s, at kapabayaan.
Ang muling pagbuhay ng tren
Taong 2007 pinasimulan ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng PNR. Pinaalis ang mga informal settlers sa mga gilid ng riles para mapaganda at mas mahikayat ang mga mananakay na gumamit ng tren. Sinundan ito ng pagbuhay sa Manila-Bicol route at pagbili ng mga bagong tren noong 2009.
Ngayon, sa ilalim ng Administrasyong Durterte ay magiging tuloy-tuloy na ang pagbalik ng sigla ng PNR, kung saan makakakita ang publiko ng pagsasama ng luma at modernong mga istruktura. Kamakailan ay inanunsyo ng Department of Transportation (DOTR) na hindi gigibain at sa halip ay pagagandahin pa ang mga dating istayon ng tren sa mga dating ruta nito mula Caloocan hanggang Pampanga bilang bahagi ng heritage preservation efforts ng pamahalaan. Ito ang tiniyak ni DOTr Secretary Arthur Tugade nang markahan ang pagtatayuan ng mga istasyon ng PNR Clark North Phase 1, na bahagi ng Build, Build, Build program.
Ipinahayag naman ni Meycauayan Mayor Henry Villarica na aasikasuhin ng pamahalaang lungsod ang pagsasa-ayos at pagbuhay sa lumang istasyon ng PNR sa nasabing lungsod. Sa kabila ng pagtatayo ng modernong istruktura ay pananatilihin pa rin ang mga bakas ng nakaraan. Makikita ito sa inilabas na disenyo ng mga magiging istasyon ng tren kung saan nakatabi ang lumang istasyon sa makabagong disenyong gusali.
Samantala, ang orihinal na istasyon ng PNR sa Tutuban ay sumailalim na sa preserbasyon kamakailan sa tulong ng Ayala Malls, na ngayo’y nagmamay-ari sa Tutuban Mall. Hindi naman giniba ng NLEX Corporation ang dating istasyon sa Caloocan sa kabila ng konstruksyon ng NLEX-North Harbor Link elevated expressway project. Buo pa rin ang istasyon ng PNR sa lungsod ng Meycauayan na nasa dalawang palapag pa rin. Sa mga bayan ng Balagtas at Guiguinto, bagama’t wala na itong mga bubong, nakatindig pa rin ang mga pader at haligi nito, na malamang ay aayusin na rin sa paggulong ng proyektong magsasaayos sa mga pasilidad ng PNR.
Nitong Enero ay sinimulan ang konstruksyon ng 106-km na linya ng tren mula Tutuban, Manila patungong Clark, Pampanga, kung saan naroroon ang Clark International Airport. Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit P300 bilyon na popondohan ng loan mula sa Japanese government.
Ang Tutuban-Malolos segment ay inaasahang matatapos sa taong 2021, samantalang ang Malolos to Clark section ay tatapusin sa 2022. Ang NSTren Consortium ang tatayong construction supervision consultant para sa naturang proyekto.
Long over due
Ayon kay DOTr Secreatary Arthur Tugade, matagal na dapat nasimulan ang naturang proyekto. Taong 2015 pa ay naaprubahan na ng board ng National Economic and Development Authority ang Tutuban-Malolos segment na kilala noong bilang North-South Commuter Railway Project. Sa nasabing taon din nilagdaan ng Pilipinas at ng Japan International Cooperation agency ang halos USD 2 bilyon loan agreement para sa pagtatayo ng naturang linya. At sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ay tuloy na tuloy na ang pag-arangkada ng proyetko.
Tiniyak din ng ahensiya na walang bahid ng kurapsyon ang nasabing railway project at ang mamamayan ang siguradong makikinabang dito dahil mas mapapadali at mapapabilis nito ang daloy ng transportasyon sa bansa tungo sa pag-unlad ng ating ekonomiya.
“The DOTr will continue ensuring successful, competitive and corruption-free bidding processes as we deliver on the Duterte administration’s Build Build Build program,” pahayag ni DOTr Assistant Secretary for Railways John Batan.