DOTr, DILG at PNP-HPG magsasanib-pwersa upang labanan ang trapiko sa bansa.
Ni: Jonnalyn Cortez
UPANG ibsan ang lumalalang kaso ng traffic sa bansa, nilagdaan ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Interior and Local Government (DILG) and isang Memorandum Agreement na magtatalaga sa Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) bilang enforcement arm ng DOTr.
Pinirmahan ni DOTr Secretary Arthur Tugade at DILG Secretary Eduardo Año ang kasunduan na binibigyan ng karapatan ang PNP-HPG na magpatupad ng mga batas trapiko at regulasyon sa buong Metro Manila at kalapit na rehiyon na susuportahan din ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT).
Sa ilalim ng memorandum, magtatalaga ng 300 unipormadong tauhan ang PNP-HPG — 25 Police Commissioned Officers at 275 Police Non-Commissioned Officers — sa National Capital Region (NCR) at Regional Units na siyang magbibigay ng logistical mobility support upang palakasin ang enforcement operations ng i-ACT.
Makikipag-ugnayan din ang PNP-HPG sa DOTr at mga ahensiyang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang siguraduhin ang epektibong pagpapatupad ng kasunduan.
Gagamitin ng PNP-HPG ang kanilang logistical resources na binubuo ng 24 sasakyan at 82 motorsiklo upang ipatupad ang batas trapiko. Itatalaga naman ng DOT ang lahat ng tauhan ng LTO, LTFRB, at i-ACT Secretariat, kabilang din ang kanilang mga sasakyan at motorsiklo bilang tulong.
“Sabi ng ating Pangulo, ‘give the Filipino a comfortable life.’ Nandito tayo ngayon sapagkat sa ating panunumpa sa lengguwahe ng ating Pangulo, tayo ay magsisilbi sa Pilipino upang ang ating kapwa Pilipino ay magkaroon ng maayos na buhay. And we will inculcate that comfortable life through enforcement and discipline on the road, and through proper compliance with the law,” wika ni Tugade.
Inilahad din ni Tugade na nagmula sa dating HPG chief at kasalukuyang LTFRB Board Member Antonio Gardiola ang ideya ng paggawa ng memorandum sa pagitan ng DILG at DOTr.
“Nung bago pa si General Gardiola, wala pang dalawang araw, sabi ko sa kanya, ‘General Gardiola, gusto ko ituloy mo ang partnership between PNP and the Department of Transportation. Gusto ko, paigtingin mo at bigyan ng lakas ‘yung tinatawag na enforcement.’ In barely two weeks, tinawagan ko si Secretary Año, sabi ko, ‘kailangan ko kayo’,” paglalahad ni Tugade.
Kinilala naman ni PNP Chief /Director General Oscar Albayalde ang kasunduan.
“I am pleased to announce the signing of Memorandum of Agreement by and between the Philippine National Police, Department of Transportation, MMDA, Metro Manila Council, LTO, LTFRB and Coast Guard to further strengthen the enforcement capabilities of the Inter-Agency Council for traffic or I-ACT, through the support of the Department of Interior and Local Government,” pahayag ni Albayalde.
Pamumunuan ng DOTr ang pagtatalaga ng hepe ng i-ACT Task Force, na siya namang magiging responsable sa pag-deploy ng mga PNP-HPG personnel at logistical support sa kanila-kanilang post.
Sa loob ng 30 araw matapos maging epektibo ang kasunduan, kailangang makapagtatag ng isang Inter-Agency Technical Working Group upang bumuo ng implementing guidelines.
Nagpaabot din ng tulong ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa operasyon ng i-ACT nang magpadala si PCG Commandant Admiral Elson Hermogino ng 25 tauhan, na pawang mga bagong graduate na sumailalim sa training sa LTO bilang paghahanda sa kanilang field assignment.
Isasatupad ng i-ACT ang paghuli sa illegal public utility vehicles (PUVS) o mas kilala sa tawag na colorum upang siguraduhin ang kaligtasan sa kalsada ng publiko.
Agad na epektibo ang bagong tungkulin ng PNP-HPG matapos pirmahan ang memorandum.
NLEX-SLEX Connector Road i-improve ang paluluwagin ang koneksyon ng NLEX at SLEX.
Two Roads Pproject
Ilang hakbang na ang ginawa ng gobyerno upang solusyunan ang trapiko sa bansa, kabilang na rito ang pagtatayo ng dalawang bagong road projects — ang NLEX Harbor Link Segment 10 at NLEX-SLEX Connector Road.
“We are glad that this traffic decongestion project is now open to our motorists. The NLEX Harbor Link Segment 10 validates the Duterte administration’s promise to bring real change by providing travel convenience and strongly enhancing our service to the Filipino people,” wika ni Public Works Secretary Mark Villar.
Inaasahang mas mapapadali ang biyahe dahil sa bagong koneksyon sa pagitan ng mga pangunahing lugar sa Metro Manila at probinsya sa Northern Luzon dahil sa NLEX Harbor Link Segment 10. Ang expressway ay may habang 5.65 kilometro na binabaybay ang mga lungsod ng Valenzuela, Malabon at Caloocan. Paiikliin nito ang oras ng biyahe sa pagitan ng C3 at NLEX ng limang minuto.
Nakikitang susulosyunan ng NLEX Harbor Link Segment 10 ang matinding traffic sa Metro Manila pag lumipat ng daanan ang halos 30,000 sasakyan araw-araw. Makakatulong din ito sa mabilis na paghahatid ng pagkain at magkakaroon ng ibang access ang mga cargo trucks mula sa port area papuntang sa Northern Luzon.
Ang susunod na bahagi ng proyekto ay ang paggawa ng 2.6 km section mula sa C3 Road, Caloocan City, papuntang R10, Navotas City.
Sinabi ni Manuel V. Pangilinan, chairman ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC), na siyang nasa likod ng proyekto, na ikinatutuwa ng MVP Group ang tulong na ginagawa ng gobyerno upang mapabilis ang paggawa ng mga importanteng proyektong imprastraktura.
“Apart from our team’s commitment to support the administration’s Build Build Build program, the government’s help in ramping up the acquisition of right-of-way made us deliver this vital infrastructure which aims to bolster development and ease traffic congestion in the country,” wika ni Pangilinan.
Kasabay ng pagbubukas ng NLEX Harbor Link Segment 10, nagsimula na ang dalawang taong konstruksyon ng P23.3 bilyon na NLEX-SLEX Connector Road Project.
May haba itong walong kilometro, at tulad ng NLEX Harbor Link Segment 10, isa rin itong elevated highway na malapit sa PNR na pinaabot ang NLEX southward mula sa dulo ng Segment 10 sa C3/5th Avenue, Caloocan City, hanggang sa PUP Sta. Mesa, Manila.
Inaasahang luluwag ang mga pangunahing daan at i-improve ang koneksyon sa pagitan ng north at south.
NLEX Harbor Link Segment 10 susulosyunan ang matinding traffic sa Metro Manila sa pagkokonekta ng mga pangunahing lugar sa Metro Manila sa ibang probinsya.
“NLEX Harbor Link Segment 10 and NLEX Connector are just some of Metro Pacific’s expansion projects geared towards providing further convenience to motorists and bringing more opportunities in nearby cities and provinces,” pahayag ni MPTC president at CEO Rodrigo Franco.
“The inauguration of the NLEX Harbor Link Segment 10 and the groundbreaking of the NLEX Connector show the political will of the government and the solid partnership between public and private sectors,” dagdag ni NLEX Corp. president at general manager Luigi Bautista.
Decongestion, sagot sa problema
Sa isang palabas sa Facebook at YouTube na pinamagatang “Misconsensus: The Politics of Things,” tinanong si Senador Juan Ponce Enrile kung anong mainam na pampublikong transportasyon ang makakaresolba sa lumalalang traffic sa Maynila.
Pinili niya ang paggamit ng BRT o Bus Rapid Transit bilang pinaka-mainam na pantugon sa problema ng trapiko. Ngunit, hindi umano mahalaga kung ano ang maaaring pagpiliang masasakyan dahil ang problema ay structural.
“You can build all the infrastructure in Metro Manila you want, but if you do not decongest it, it will remain a dying city,” pahayag ni Enrile.
“We’ve piled up economic activities and people here (in Metro Manila). It’s very dangerous,” dagdag pa nito.