Ni: Ana Paula A. Canua
SA ating bansa nagiging batayan bilang engrande ang isang selebrasyon kapag may handang lechon. Bahagi na ito ng handang Pinoy lalong-lalo na sa pinaka espesyal na okasyon tulad ng Pasko, Bagong-taon at anibersaryo. Likas na rin sa mga ‘Pinoy ang pagpares ng sarap at linamnam sa kasiyahang nadarama ng espesyal na salo-salo ng magkakapamilya.
Isa sa mga pinaka kilalang lechon sa bansa ay ang Lydia’s Lechon, marahil gaya ng maraming negosyo na nakasunod sa pangalan, marami sa inyo ang nagtatanong, sino ba si Lydia? Nagmula ba siya sa mayamang pamilya ng mga negosyante dahil sa laki ng kanyang food business? Narito ang pinagmulan ng sikat na Lydia’s lechon.
Nagmula sa tabi ng simbahan
Taong 1965, nagsimulang magtinda sa maliit na stall sa tabi ng simbahan ng Our Lady of Sorrows Church o mas kilala sa tawag na Baclaran Church si Lydia de Roca, na noon ay 17-anyos pa lamang, kasama ang kanyang butihing asawa na si Benigno de Roca sa gilid ng simbahan nila sinimulang buohin ang pangarap at panalangin na maging matagumpay sa negosyo.
Naging suki ng mag-asawa ang mga parokyano sa simbahan ng Baclaran, noon pa man kasi marami na talaga ang pumupunta sa Baclaran, una ay upang magsimba at pangalawa ay upang mamili ng mga murang damit at gamit.
Sa gilid ng simbahan itinitinda ng mag-asawa ang abot-kaya ngunit masarap na letchon na pwedeng ihain kahit walang okasyon. Ipinagbibili nila ito sa maliliit na hiwa. Bukod sa lechon slice mayroon ding ibang ulam na ibinebenta ng mag-asawa gaya ng dinuguan.
Sa murang edad lubos ang pagsusumikap ni Lydia katuwang ang kanyang asawa na kumita para sa kanilang mga anak. Pagmamahal ng isang ina ang naging pangunahing sangkap ng kanyang mga lutuin upang pawiin ang kumakalam na sikmura ng kanyang mga mamimili.
Dininig ang panalangin
Kasabay ng kanilang pagtitinda ay ang panalangin na sana balang araw ay masuklian ang kanilang pagsisikap. Hindi kalaunan ay natanggap ng alok mula sa isang hotel sa Roxas Boulevard ang mag-asawa na nagpapa-deliver ng sampung buong letchon.
Sa pagkakataong ito hindi na lamang sa bangketa matitikman ang kanilang luto kung di sa isang malaking hotel na rin, tila dininig ng langit ang kanilang panalangin na lumago ang kanilang munting negosyo.
Noong mga panahong iyon mayroon lamang P500 na kapital si Lydia mula sa pakimkim mula sa binyag ng kanyang ikalawang anak. Bumili siya ng sampung buhay na baboy sa halagang P35 kada isa, ito ay kanyang nili-lechon at ipinagbibili ng P85 kada isa.
Mas masarap na letchon
Noong una simple lamang ang ginagamit na panghalo ni Lydia sa kanyang baboy, ngunit habang lumalaki at nakikilala ang kanyang produkto naisip niya na ayaw naman niyang maisaalang-alang ang tiwala ng kanyang mga kliyente kaya naman naisipan niya na magdagdag ng simpleng pampabango at pampalasa sa kanyang letson. Bukod sa asin, nagdagdag ng tanglad at pandan sa baboy si Lydia, simple lang naman ang pampalasa sa baboy, nagkakatalo lamang sa lutong at lambot ng karne.
Lumipas pa ang panahon at nakatanggap muli ng offer sa ibang hotel si Lydia na nangangailangan ng lima hanggang sampung letchon kada araw.
Malaking hamon ito para sa kanilang mag-asawa na tanging sa labas lamang ng bahay nag-iihaw at walang alagang mga baboy. Dahil maliit lamang ang kanilang kapital at resources hanggang gabi ay nag-iihaw ang mag-asawa upang tugunan ang orders nila.
Matapos ang dalawang taon na gabi-gabing pinagpupuyatan ng mag-asawa ang magpaikot ng letchon sa baga, nakaipon sila sa wakas ng sapat na kapital upang makakuha ng marerentahang lugar upang paglutuan ng 20 letchon ng sabay-sabay.
At kapag lumalaki na ang negosyo, kailangan na rin magdagdag ng tao. Upang matugunan ang orders kumuha ng mga napagkakatiwalaan at masisipag na empleyado. Sa ngayon malaking bilang ng mga orders ay mula pa rin sa mga hotel sa Maynila at Quezon City. Nananatili pa rin namang hands-on ang mag-asawa ito kahit pa 70 taong gulang na si Aling Lydia.
Mula sa maliit na stall, mayroon ng malaking kainan
Taong 1986, sa kauna-unahang pagkakataon nakarating na sa mall ang letchon ni Aling Lydia. Inokupahan nila ang 750-square-meter sa kahabaan ng Roxas Boulevard, na malapit pa rin sa gilid ng Baclaran Church. Mula dito tanaw ng mag-asawa ang pinagmulan ng kanilang negosyo, lalo pa’t mula sa gilid-gilid sa wakas mayroon na silang sariling lugar.
Suki si Henry Sy ni Lydia
Lubos din na pinasasalamatan ni Lydia ang nagmamay-ari ng SM na si Henry Sy dahil siya ang unang nagbigay ng oportunidad para ipatikim sa loob ng mall ang kanyang letchon. Ayon kay Lydia tuwing linggo ay binabalik-balikan ni Henry Sy ang kanyang masarap na lechon, at kalauna’y nabigyan ng pagkakataong ialok ni Henry Sy kay Lydia ang patayo ng stall sa SM upang mas makilala pa ang negosyong lechon-baboy.
Lumago ang negosyo
Hindi na lamang sa Baclaran makita ang Lydia’s Letchon kundi sa iba’t ibang bahagi na rin ng bansa dahil sa ngayon mayroon ng 27 branches, nagsu-supply sa 10 restaurants at mayroon ng 17 stalls ang Lydia’s letchon.
Katulong ni Lydia sa pagpapalago ang kanyang apat na anak at masipag na asawa. Hindi lamang letsunan ang mayroon sila, mayroon na rin silang farm sa Batangas na pinamamahalaan ng kanyang asawa, doon nagmumula ang malaking bahagdan ng kanilang supply na baboy.
Kahit pa 50-taon na makalipas simula ng magtinda sila sa bangketa hatid pa rin ng kanilang letchon ang lasap ng pagsisikap at saya ng tagumpay.