ISANG malaking bahay ang bubungad sa’yo sa labas.
Ni: Aileen Lor
HINDI madali ang magtayo ng isang negosyo lalo na kung ito ay unang pagkakataon para sa isang maliit na namumuhunan. Maraming bagay na dapat isaalang-alang. Bukod sa pagod, puyat at sakripisyo, kailangan din ng mahabang pasensya.
Inaakala ng ilan na kapag naitayo na ang ninanais na negosyo, magiging maayos na ang lahat, maaari nang mag-relaks ng kaunti, na tatakbo ang negosyo nang maayos, kikita agad ng kahit maliit sa umpisa, at higit sa lahat madidiskubre ng mga kostumer ang tindahan o kalakal.
Mag-isip muli —huwag muna mangarap.
Hindi ganoon ka simple ang mga bagay-bagay. Kahit naitayo na at umaandar na ang negosyo, hindi automatic ang pasok ng pera. Tiyak na may pagkakataon na walang kostumer na darating o matumal ika nga. Mayroon din namang araw —sana huwag mangyari — na walang kostumer, zero ang benta.
Ngunit, huwag muna sumuko. Huwag magpadaig sa agam-agam. Kaakibat ng pagnenegosyo ang mga balakid at pagsubok tungo sa tagumpay. Samantala, ilang paalala:
KASAMANG naghahanda ng Executive Chef na si Ms. De Leon ang kanyang kitchen team.
Mga dapat isaalang-alang
Ayon kay Todd Rhoad, managing Director ng BT Consulting Inc. “The First thing to do when contemplating on starting a business is to understand the commitment required.” Para masigurado na magiging maayos at matagumpay ang isang negosyo, narito ang ilan sa mga dapat itala sa priority list:
- Mag saliksk
Para masigurado na magiging maayos ang negosyo, kailangan nang masusing pag-aaral. Hindi ito mahirap gawin lalo pa’t readily available ang mga sources. Nariyan ang Internet. I-Google mo, ika nga. Kung sa tingin mo kakaiba ang iyong naiisip na pakulo, kailangan pa rin pag-aralang mabuti ang magiging epekto nito. Dapat maging aware sa mga gimik ng mga makakalaban sa papasuking negosyo. - Mga ligal na aspeto
Ang mga ligal na aspeto ng negosyo ang isa sa mga pangunahing dapat isasaalang-alang bago pa man mag-umpisa. Kasama rito ang mga requirements, kaukulang permits at mga lisensya sa munisipyo o sa Department of Trade at sa BIR. Gawin ito nang maayos. Huwag iasa sa iba para sa umpisa palang alam ang pakaliwa at pakanan sa pagtatayo at pagpagpaunlad ng sariling negosyo. - Pinansyal na bahagi
Hindi mawawala ang aspetong pampinansyal sa isang negosyo. Hindi maiiwasan na minsan, masusubok kung hanggang saan ang kaya, ang haba ng iyong pisi. Kung nakatuon kaagad sa magiging kita o balik ng pinuhunan sa negosyo, malamang hindi magtatagal ang negosyo at mawawalan ng loob ang namuhunan sa unang pagkakataon. Dapat ay handang sumabay sa agos, pag-aralan ang takbo ng negosyo at maglagay ng konti pang pondo sa umpisa na walang inaasahang malaking kita o paminsan wala talagang kita sa unang tatlong buwan. Maging maingat lang at huwag masyadong magsugal. -
Binabayarang katulong
Hindi kawalan ang paghingi ng tulong sa iba, lalo na kung may mga bagay na hindi mo alam. Lahat ng tao ay nag-uumpisa at maiging kumonsulta sa mga nauuna na. Sa isang negosyo, kailangang makabuo ng isang TEAM. Hindi magiging maganda ang takbo nito kung ikaw lang ang kumikilos o iniisip mong kaya mo gawin ang lahat. Mas magiging maganda at magaan ang takbo ng negosyo kung mayroon kang kilalang mentor na maaaring gumabay sa ’yo o kahit isang kakilala na sumubok nang mag-umpisa ng negosyo.
May mga taong sinasabing higit na swerte sa pagnenegosyo at mayroon din namang hindi. Pero, hindi naman yun ang dapat maging dahilan para mawalan ng pag-asa. Kaya naman, mayroon tayong tinatawag na young entrepreneur. Sila yung kahit na sa murang edad hindi nawalan ng pag-asa na magiging successful ang kanilang negosyo. Kahit na anong mga negatibong komento o reaksyon sa kanilang pagsuong sa hamon ng pagnenegosyo, hindi sila sumuko, bagkus nagiging dahilan pa nila ito para magpursige na mapaganda ang kanilang negosyo.
ANG pinagmamalaking “The Gold Room” ng Roice Restaurant.
Edad, hindi hadlang
Mas maagang mag negosyo, mas maganda.
Sa edad na 25, may sariling negosyo na si Alyssa De Leon — ang Roices Restaurant+G sa matatagpuan sa Quezon, City. Kasosyo ni Alyssa ang ilan pa niyang mga kaibigan na nagtagumpay din sa mga karerang napili.
“My inspiration was Vitto’s Wine Bar & Restaurant. I want to be known also as the one who’s into a restaurant and bar business at the same time,” ayon sa managing owner/executive chef ng Roice’s.
Hindi mawawala sa nag-uumpisang negosyo ang ups and downs. Lalo na sa pinansyal na aspeto. May mga pagkakataon kasi na malakas ang restaurant at mayroon din namang mahina rin ito, lalo pa’t nagsisimula pa lamang.
Hindi rin maiiwasan na mai-kompara ito sa iba lalo na’t maraming kakompetensiyang kalapit na mga restaurant. Naging dahilan ito para mas magpursige ang Roice’s team na hindi maikompara sa iba dahil gusto nilang ipakita na mayroon silang kakaibang style.
Sadyang kay bilis ng panahon, dahil hindi nila akalain na mag-iisang taon na ang restaurant noong Nobyembre 15 ng nakaraang taon.
Ang kinatatayuan ng Roice’s ay isa sa mga lumang bahay na naitayo noong 1938. Ito raw ang dahilan kung bakit sa tingin nila ay marami ang nae-engganyong pumunta rito.
“I want to retain the old feels yung pagka vintage para masabi rin nila na yan yung 1st house ever built in Quezon City,” sabi ni Alyssa.
The Gold Room
Isa pa sa pinupuntahan at ikinagugulat ng marami ay ang kanilang bar sa ilalim ng mismong restaurant. Ang +G sa kanilang pangalan ay ang The Gold Room. Naroon ang kanilang impressive wine collection. At syempre, kung gusto mong mag chill mode lang, pwedeng-pwede sa The Gold Room. Magmula nang magbukas ito noong June 15, 2018 ay dinarayo na rin ito, lalo na kung may themed-party. Hindi ganoon kalaki ang kanilang bar —komportable ito para sa mga 40 katao. Ang Roice’s naman ay para sa 70 na katao.
Isa ang The Gold Room sa parte ng bahay na hindi na nila tinanggal, sa halip ay inayos at pinaganda nalang nila ang ambience nito.
Bukas ang Roice’s Restaurant +G mula 11 ng umaga hanggang alas 2 ng madaling araw, Lunes hanggang Sabado.
Matatagpuan ang Roice’s Restaurant+G sa 112 Sct. Delgado St, Diliman, Quezon City.
Pangaral
Naniniwala si Alyssa sa pantay-pantay na pagtrato sa mga tauhan ng Roice’s — boss man o staff, iisang team ang lahat. Ito ang isa sa mahahalagang pangaral niya sa kanyang staff. Magkamali man daw sila, hindi yun dapat maging dahilan para abusuhin sila kundi nararapat na daanin ang lahat sa mahinahong pakikipag-usap. Punahin ang dapat ituwid, linawin ang dapat gawin nang di na maulit ang naganap. At matapos ito, mag-move forward na, sabi ni Alyssa.
Hands-on
Kasalukuyang nag-aaral si Alyssa sa isang international culinary school at pagkatapos ng kanyang klase ay dumederetso siya sa Roice’s. Marami ang humahanga sa kanyang pagiging hands-on at sipag sa trabaho, bagay na nagsisilbing ehemplo sa kanyang staff.
Ang pag nenegosyo ay hindi isang biro, kung buo ang loob mong magtayo ng hanapbuhay, wala namang mawawala kung susundin mo ang modelo ng ilang mga nauuna na at pakatatandaan ang mga naturang tips.