PATULOY na namamayagpag sa showbiz si Maja at patuloy na minamahal ng mga fans.
Ni: STEPHANIE MACAYAN
ISA si Maja Salvador sa mga batikang aktres ng Star magic. Hindi na mabilang ang mga proyekto na isinagawa nito sa ABS-CBN dahil sa galing nito sa pagganap.
Hindi lamang magaling sa pag-arte si Maja, isa rin siyang singer, dancer at modelo. Bago pa man maging isang kilalang artista si Maja ay pangarap niyang maging isang super model kaya naman nag training siya para dito. Ang hindi niya alam noon, may mas malaking oportunidad na darating sa kaniya bukod sa pagiging modelo.
Kwento ng pagkabata at pamilya
Sa inilabas na interbyu ng Persona kay Maja, ibinahagi niya ang buhay niya noong siya ay musmos pa lamang.
“Childhood ko ano, hindi ako pa-girl. Boyish ako nung bata e, naka sando at ayoko ng long hair,” kwento niya.
Anong klaseng anak ba si Maja?
“Simula nung nag artista ako doon ako sobrang alagang-alaga sa mga kapatid ko. Na parang nami-miss ko, doon ako sobrang nagpaka-ate,” aniya.
Dahil sa naging mas ma-alalahanin na si Maja sa kaniyang mga kapatid, napag-sasabihan niya ito lalo na sa pag-aaral.
“Sa akin sa sobrang pagka-ate ko parang ‘oh? Ano ka ba, hindi ka nag aaral, playstation ka nang playstation, bike ka nang bike.”
Napag-sasabihan niya ang mga ito lalo na ang kapatid na si Kirby. Kapag nakikita niyang hindi ito nagre-review o nag-aaral sa bahay, nase-sermunan niya ito.
“Umuwi ako pagod na pagod, may certificate na 3rd honor ang kapatid ko.”
Hindi akalain ni Maja na mayroong iuuwi na parangal ang kapatid sa kabila nang parati niya itong napag sasabihan.
Mayroong walong kapatid si Maja: sina Kirby, Joseph, Jonjon, Bong, Luchi, Shyla, Jason at Mari.
Pitong taong gulang si Maja noong makilala niya ang kaniyang ama ngunit matapos ang pagkikita nila hindi na niya muli itong naka-usap.
“Bata pa lang ako, parang seven years old ako nung nakita ko siya. After no’n ilang buwan lang kami nagkasama tapos seven years ulit kami hindi nagkita,” sabi niya.
“Hinahanap ko siya, lagi ko siya tinatanong kay mama,” sabi ni Maja.
“Nung grade school ako may mga honor din ako, Top 5, mga ganon.”
Noong high school naman si Maja, hindi mawawala ang pagkakaroon ng mga crush.
“Parang nagri-read tapos ma’am may I go out? Ganon. Akala mo mag si-cr pero may mga susulyapan,” aniya.
Ngunit hindi rin nakapagtapos ng high school si Maja dahil maaga siyang nakapag artista. Nabigyan kaagad ng malaking break sa showbiz kaya naman kinakailangan niyang tumigil sa pag-aaral.
“Ang sad kasi gusto ko naman talagang mag artista, pero gusto ko muna tapusin ang high school ko. Syempre hindi ganon kadali ‘yon.
“Tapos ‘yung management binigyan ako kaagad ng sobrang malalaking project. Tapos ‘yun hindi na ako nag-graduate do’n sa school ko,” aniya.
Dahil napapadalas ang kaniyang hindi pagpasok sa klase sa kaniyang eskwelahan ay napilitan siya na lumipat sa ibang eskwelahan.
Kung mabibigyan ng pagkakataon gusto ni Maja na makapagaral at makapagtapos ng kolehiyo.
“Ang pag aartista diba hindi naman forever ‘yan. Hindi ka laging nand’yan sa taas. Gusto kong kunin talaga dati nursing o kaya tourism kasi gusto ko maging flight stewardess.”
Sinasali rin sa mga beauty pageant si Maja ng kaniyang ina, at noong anim na taong gulang ay nanalo siya sa isang pageant.
“Nanalo ako ng Miss Abulug (sa Cagayan) noong nasa probinsiya kami. Dapat seven years old para makasali ka, nandaya kami,” natatawang sabi niya.
Paano nadiskubre
Katorse anyos si Maja noong magsimulang mag training sa pagmomodelo at doon nakilala ang kapatid ni Ethel Ramos na si Chit Ramos na naging manager niya. Si Chit din ang naging daan ni Maja upang makilala ang tatay niyang si Rosauro Reyes Salvador, mas kilala bilang si Ross Rival. Matapos ang pitong taon ang pagkikita ng mag-ama ay nai-dokumentaryo sa The Buzz.
Sa reality show na Magandang Buhay ay ibinahagi ni Maja ang naging dokumentaryo ng The Buzz sa kanilang mag-ama.
Naging detalyado ang kwento ni Maja kung paano nila nakilala si Ramos. Kinausap ng ina ni Maja si Ramos at sinabi na isang Salvador si Maja at matagal nang hindi nakikita ang ama. Kaya naman tinulungan sila ni Ramos upang magkita sila at tinawagan si Boy Abunda ng The Buzz na naging dahilan ng pag dokyumentaryo ng kanilang pagkikita.
At ang naging daan ng pagiging artista niya dahil hinanap siya ni Charo Santos na CEO ng ABS-CBN.
“Napanood po ako ni Ma’am Charo Santos. Sabi ni Ms. Charo Santos na ‘gusto ko makausap ‘yung batang naghahanap ng tatay,’ ” sabi nito sa Magandang Buhay.
“Doon nag-umpisa ang journey ko,” dagdag pa niya.
Naging mahirap din para kay Maja ang pagaartista noong nag-uumpisa pa lamang siya.
“Bago ka lang sa mundong ito e (pag aartista) pati ‘yung mga tao hindi ka naman sanay na biglang nakikilala ka na.”
“Diba? May mga supporters ka na agad, tapos ang daming tao sa ABS tapos hindi mo alam kung matatandaan ‘yung mga pangalan. “
“Pero sa mga taong nakapaligid sa ‘yo sila ‘yung magga-guide. Kaya ma-swerte ako na Kay Tita Chit at Star Magic do’n ako nag umpisa. “
“Hanggang ngayon Star Magic ako. Kaya talagang masasabi ko na I think I’m on the right path? On the right track, ” sabi ni Maja.
Sa ngayon, mapapanood si Maja sa teleserye na The Killer Bride na mapapanood tuwing gabi sa Primetime bida ng ABS-CBN.