
Isa ang industriya ng pagkain sa nakikinabang sa makabagong teknolohiya mula sa paggawa hanggang pagbebenta. (Larawan mula sa Max Pixel)
Ni: Jonnalyn Cortez
ISA sa mga nakikinabang sa makabagong teknolohiya ay ang industriya ng pagkain. Mula sa paggawa hanggang sa paghahanap sa phone applications, robotics, data at iba pang processing techniques, malaking tulong ang teknolohiya upang makagawa ang mga kumpanya ng tamang dami ng pagkain na sasapat sa lumalaking populasyon sa buong mundo.
Mayroon ng 5.7 bilyong tao sa buong mundo. Ibig sabihin, malaki ang pangangailangan ng pagkain bawat taon. Inaasahan pang lalong lalaki ito sa paglipas ng panahon.
Gamit ang makabagong teknolohiya, maaaring ma-improve ang proseso ng paggawa ng pagkain upang mas patagalin ang shelf life nito at nang mas marami ang makinabang.
Paggamit ng robots at machines
Bukod sa mas mapadali ang paggawa ng pagkain, ang paggamit ng machines sa industriya ay sinisiguro rin ang kalidad at napapababa ang presyo ng produkto.
Ayon sa isang ulat, ang pagdami ng paggamit ng robotics sa industriya ng pagkain ay halimbawa ng paglago ng food technology.
May higit na 30,000 robots na ang ginagamit sa Europe, habang ang bilang naman ng robot na tumutulong sa bawat 10,000 empleyado ay tumaas mula sa 62 noong 2013 hanggang sa 84 noong 2017.
Ilan sa mga bansang gumagamit ng robot ay Germany, Sweden, Denmark, Netherlands at Italy.
Sa kabila ng agam-agam na mawawalan ng trabaho ang mga tao dahil sa robot, ginagamit lamang ito para sa mga delikadong trabaho sa industriya.
Noong 2016, isang tech company ang nagsagawa ng programa ukol sa butchery, kung saan gumamit sila ng robot para hiwain ang matitigas na parte ng karne upang maiwasang magtamo ng matinding pinsala ang mga empleyado.
Isyu sa packaging at basura
Sa patuloy na paglala ng pagdami ng basura sa mundo, isa sa nais ng mamimili ngayon ay ang healthy at sustainable na bilihin.
Mas inaalam na ng mamimili kung ligtas sa katawan ang mga sangkap ng kanilang pagkain at packaging sa kapaligiran. Maraming kumpanya ang gumagamit ng teknolohiya upang maging environment-friendly.
Sa paggamit ng robot at digitizing, maaari silang makakita ng mga papalit sa paggamit ng plastik at iba pang packaging na nakasasama sa kalikasan.
Maraming iba’t-ibang paraan kung paano ginagamit ang teknolohiya para sa packaging ng pagkain. Nandiyang maaaring gawing edible, micro at balot na kayang labanan ang bakterya.
Mas sinusuri na rin ng mga mamimili ngayon kung saan kinukuha ng mga kumpanya ang kanilang produkto na ihinahalo sa pagkain at kung paano tinatapon ang kanilang basura.
Sa America, 40 porsyento ng pagkain ang itinatapon taun-taon. Sa tulong ng teknolohiya, may mga pagsisikap ng ginagawa upang mabawasan ang pagtatapon nito at mapakinabangan pa ng marami.
Sa katunayan, may app na maaaring gamitin upang gawin ito.
Ginagamit ang Copia upang iugnay ang mga kumpanya na may extra na malinis na pagkain sa mga local shelters, school programs at iba pang non-profit organizations gamit ang extensive food waste reduction dashboard.
Mayroon itong analytic software na siyang namamahala at sumusubaybay sa sobrang pagkain upang makatipid at mabawasan ang pagtatapon.
Gamit ang makabagong teknolohiya, napakaraming paraan kung paano tayo gagawa at kokonsumo ng pagkain. Maaari rin itong magamit upang matulungan ang maraming nagugutom at masolusyunan ang problema sa basura.