ADMAR VILANDO
MAY mahalagang inanunsyo si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa government deals sa mga water concessionaires sa Enero 6 sa susunod na taon.
Ito ang naging pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos ang banta ni Pangulong Duterte na ita-take over ang water concessionaires na Manila Water at Maynilad at itutuloy ang pagsasampa ng “economic sabotage” at economic plunder laban sa mga ito.
Sinabi ni Panelo na hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang pangulo ukol sa kanyang iaanunsyo.
Ayon kay Panelo, sinabi ng pangulo na hindi ito papayag na walang mangyari sa kaso.
Sinabi rin ng kalihim na plano ng punong ehekutibo na maresolba ang isyu sa onerous contracts ng water distribution companies sa gobyerno bago ito bumaba sa kanyang pwesto sa 2022.
Kaugnay nito, nais pa rin aniya ni Pang. Duterte na makausap ang mga sangkot sa isyu kabilang na ang mga abogado ng gobyerno at private lawyers upang marinig kung bakit hinayaang mangyari ang klase ng ‘treason’ laban sa mga Pilipino.