Pangulong Rodrigo Duterte humiling na i-extend ang martial law sa Mindanao sa pangatlong pagkakataon.
Ni: Jonnalyn Cortez
SA kabila ng mga batikos, pinagtibay ng Korte Suprema na ligal ang pangatlong ekstensiyon ng pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Sa botong 9-4 ng mga mahistrado, ibinasura ng Mataas na Hukuman ang apat na petisyong kumuwestiyon ng constitutionality ng Proclamation No. 216 ni Pangulong Duterte na nagdideklara ng pagpapatuloy ng martial law ng isa pang taon hanggang Disyembre 2019.
Ang siyam na mahistrado na bumotong pabor sa pagsawalang bahala ng apat na petisyon ay sina Chief Justice Lucas Bersamin at Associate Justices Diosdado Peralta, Mariano del Castillo, Estela Perlas-Bernabe, Andres Reyes Jr., Alexander Gesmundo, Jose Reyes Jr., Ramon Paul Hernando at Rosmari Carandang.
Samantala, ang apat na hindi sumang-ayon ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Marvic Leonen, Francis Jardeleza at Alfredo Benjamin Caguioa.
Inihayag ng tagapagsalita ng Mataas na Hukuman na si Brian Keith Hosaka na si Carandang ang nagsulat ng ruling, ngunit hindi agad ito nailabas dahil kailangang hintayin ang isusumiteng opinyon ng iba pang mahistrado.
Ikinatuwa ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu at Upi Mayor Ramon Piang ng Maguindanao ang ginawang pagpapalawig ng martial law.
“We have not been seeing politicians bringing with them so many security escorts when they go around since it was first declared in May 2017,” wika ni Mangudadatu.
“From the very start we in Maguindanao have been very supportive of that. We have militant groups in the province that the police and military are trying to address and martial law is one measure that can hasten their security efforts.”
Sinabi naman ni Piang na para sa kabutihan ng nakakarami ang ginawang ekstensiyon, kaya’t kanilang sinusuportahan.
Pagtanggol sa ruling
Pinangunahan nina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman ng Makabayan bloc sa Kongreso na pinamumunuan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, dating Commission on Elections chairman Christian Monsod, ang grupo ng mga gurong Lumad at estudyanteng kinakatawan ng Free Legal Assistance Group ang pag-kuwestiyon sa legalidad ng pagpapalawig ng martial law sa pangatlong pagkakataon.
Daing nila, walang tamang batayan na magbibigay-katwiran sa ginawang ekstensiyon na naaayon sa 1987 Constitution.
“(The Supreme Court)has once again stretched the boundaries of judicial interpretation,” pahayag ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares ukol sa desisyon ng mataas na hukuman.
“It paves the way for imposing martial law nationwide even if there is no threat to public safety,” dagdag pa nito.
Ayon kay Colmenares, kailangan ng Konstitusyon ng aktwal na pangyayari ng rebelyon at pagsakop upang ideklara ang martial law at kung kinakailangan na ito para sa kaligtasan ng publiko.
Dagdag pa ng tumatakbong senador sa darating na eleksyon sa Mayo, kung may rebelyon man at hindi naman nanganganib ang seguridad ng publiko, maaaring gamitin ng presidente ang kanyang kakayahang utusan ang militar upang labanan ang rebelyon at hindi magdeklara ng martial law.
Diumano, maaaring magresulta ng mas maraming karahasan sa isla ang desisyong ito ng Korte Suprema, pahayag ni Colmenares.
Sa kabilang dako, ipinagtanggol ng gobyerno ang constitutionality ng ekstensiyon. Isa sa mga binanggit nitong dahilan kung bakit kailangan ng martial law sa Mindanao ay ang nangyaring pagpapasabog sa isang simbahan sa Jolo, Sulu, na kumitil sa buhay ng 23 at nakasakit sa halos 100 katao kamakailan.
Sinabi ni Solicitor General Jose Calida na maituturing na rebelyon ang mga pag-atakeng iyon na inuugnay ng pamahalaan sa New People’s Army sa Mindanao. Idinagdag pa niya na isa pang patunay na may banta sa seguridad ng publiko dulot ng local terrorist groups ang naganap ang pagpapasabog.
Inihayag din niya ang datos mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na mayroong 424 na aktibong miyembro ng Abu Sayyaf terrorist group sa 138 barangay sa Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at Zamboanga; 264 na aktibong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters naman ang nasa 50 barangay; 59 na miyembro ng Saulah Islamiyah; anim na miyembro ng Maguid group at 85 na miyembro ng Turaifie group.
Binigyang-diin niya ang pagdagsa ng mga banyagang terorista sa bansa na siyang tumutulong nang puspusan sa pagsasanay sa local terrorist fighters. Sa katunayan, apat sa mga ito ang nakapasok sa Pilipinas noong nakaraang taon habang 60 naman ang nakasulat sa watchlist ng AFP.
Sinabi rin ni Calida na ang desisyon ng Kongreso na aprubahan ang hiling ng Pangulo ay “beyond judicial review.”
Laban sa rebelyon at terorismo
Malugod na tinanggap ng Malacañang ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa pagpapalawig ng martial law. Inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ipinakita lamang nito na ang tatlong sangay ng gobyerno ay mayroong isang paninindigan na labanan ang puwersa ng rebelyon at terorismo sa bansa at tapusin ang gulo sa Mindanao.
“As we fast-track the rehabilitation of war-torn Marawi and promote security and peace and order in Mindanao, we ask the Filipino nation not to waver in their support of our republic’s defenders. Let us remain vigilant and prevail against these anti-democratic forces,” wika ni Panelo sa isang pahayag.
Pinasalamatan naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang Mataas na Hukuman sa pagsang-ayon sa hiling ng gobyerno. “(Martial law) has and will continue to greatly help our counter terrorism (operations) and fight against rebellious forces in Mindanao,” wika nito.
Ikinatuwa rin ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang desisyon ng Korte Suprema na pinatunayan ang constitutionality ng ekstensiyon.
“It’s good. We’re very happy, because we voted to extend it,” wika ng dating pangulo ng Pilipinas.
Matatandaang sinang-ayunan ng Kongreso ang pagpapalawig ng martial law sa Mindanao hanggang Disyembre 31 ng taong ito sa botong 235-28-1. Meron namang 223-23-0 na boto sa Kongreso at 12-5-1 sa Senado.
Unang nagdeklara ng martial law si Duterte nang magkaroon ng gulo sa Marawi City sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at Islamic State-inspired Maute terrorists.
Pinagtibay rin ng Korte Suprema ang constitutionality ng una at pangalawang deklarasyon ng martial law sa Mindanao.