Pinas News
PANSAMANTALANG isususpende ng Bureau of Customs (BOC), ang patakaran na napailalim sa Customs Administrative Order (CAO) 05-2016 at Customs Memorandum Order (CMO) 04-2017 hanggang Marso 31, 2018.
Dahil dito, hindi na kailangan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na magsumite ng proof of purchase ng mga items sa loob ng balik-bayan box na pinadala nila dito sa bansa.
Ayon sa pahayag ng BOC, sinuspende ang naturang patakaran bunsod sa pagdami ng bilang ng reklamo mula sa mga OFWs.
Wala pang ‘deployment’ ban sa Guam
NILINAW ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na walang deployment ban para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Guam, sa gitna ng nanatiling banta ng pagpalunsad ng bomba ng North Korea.
Base sa Governing Board Resolution 04-2017 ng POEA, sinabi ng naturang ahensya na ang pabalik at mga bagong OFWs ay pinapahintulutan pa rin na tumungo sa Guam.
Lumabas ang resolusyon ng POEA matapos ang desisyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itaas ang Crisis Alert Level 1 sa Guam nakaraang Agosto.
Ito’y matapos na magpalabas ng banta ang North Korea na tuwiran itong maglunsad ng nuclear missile sa Guam.
DFA planong baguhin ang bagong patakaran sa pagtulong sa mga nagigipit na OFWs
INASAHAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) na simulang isakatuparan nito ang ‘liberal’ na patakaran para sa probisyon ng Assistance to Nationals (ATN) para sa lahat ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa kagipitan sa susunod na taon.
Ayon kay Raul Dado, DFA Executive Director for Migrant Workers Affairs, na ang bagong mga patakaran ay nasa pagsusuri pa ni Sec. Allan Peter Cayetano.
Ang naturang bagong patakaran ay magbibigay ng mas liberal o mas mabilis na matustusan ang repatriyasyon, mga legal na kaso, at pagpapalikas sa panahon ng kagipitan ng mga OFWs.