Human capital. Isa ang mga Pinoy sa pinaka-skilled workers na in-demand overseas. Malaking pagkakataon na mas maipakilala ang kakayahan ng mga Pilipino sa mga investors na dadalo sa Expo 2020 Dubai.
Ni: Maynard Delfin
PARA sa mga negosyante, ang pakikiisa sa mga malalaking international expo ay isa sa mga epektibong paraan upang maipakilala at mapagyabong ang kanyang mga produkto’t serbisyo sa iba’t ibang bansang kalahok.
Tiyak na lalawak ang exposure ng iyong mga produkto at kumpanya sa pagsama sa mga expo na nilalahukan ng mga malalaking namumuhunan at mamimili. May pagkakataon kang makakilala ng mga bagong kliyente, makarinig ng kanilang opinyon tungkol sa iyong mga produkto at mas palakasin ang iyong pagnenegosyo at pangangalap ng kapital sa mga posibleng maging partner sa negosyo o supplier.
Pagpapatatag ng market strategy
Sa mga bansang kalahok sa mga expo, isa itong pagkakataong maipamalas ang kani-kanilang mga produkto’t serbisyo, ang mga natatanging kaibahan nito sa ibang produkto, kasama na rito ang pagpapakilala sa turismo o kung saan may magandang oportunidad na makapamuhunan.
Ang mga expo ay nagsisilbing daan para mas lubusang makapag-usap ang mga mamimili at nagbebenta. Nagdudulot din ito ng mas makabuluhang transaksyon bukod sa paggamit ng samu’t saring pamamaraan ng advertising.
Sa pandaigdigang pamumuhunan, may malaking papel na ginagampanan ang mga expo upang maipaliwanag ng isang nagbebenta ang kanyang mga produktot serbisyo sa mas nakakakarami, marinig, at maunawaan ng mas mabuti ang mga pangangailangan ng kanyang mga mamimiling dayuhan sa gitna ng mga pabago-bagong business climate.
Gintong oportunidad sa Expo 2020 Dubai
Sa harapang pakikipag-ugnayan ng mga mamimili o mamumuhunan, mas mauunawaan niya ang mga produktong nais niyang pagtuunan ng pansin at dalhin sa kanyang pinagmulang bansa.
Dahil sa napakaprestihiyosong maiaambag ng Expo 2020 Dubai sa mga negosyante sa buong mundo, marami ang di magkadaugagang mga kumpanya ang nais magpalista at makiisa sa expo na ito upang mapalawak ang pagpapakilala ng kani-kanilang mga produkto’t serbisyo.
Itinuturing na gintong pamantayan ng internasyonal na mga expo ang Expo 2020 Dubai dahil sa dami at lawak ng mga sasaling namumuhunan at negosyante sa pagtitipong ito na tatagal sa loob ng kalahating taon.
Benepisyong dulot ng Expo Dubai
Ang pakikibahagi sa pinakamayamang rehiyon sa mundo na sentro ng kalakalan at kultura ay isang natatanging oportunidad na makapanayam at maranasan ang mga pinakabagong teknolohiya, produkto at pinakamagagaling na kumpanya sa buong mundo. Tatagal ang expo na ito sa loob ng anim na buwan.
Tinatayang dadaluhan ito ng 180 na bansa at 200 kumpanya sa iba’t ibang panig ng mundo dala-dala ang kanilang pinagmamalaking mga produkto at serbisyo.
Strengthening food export. Bukod sa mga major partners ng Pilipinas gaya ng U.S. Japan, at China napapanahon na din palawakin ng bansa ang pagluluwas ng mga produkto nito sa iba pang panig ng mundo.
Kapakinabangan para sa Pilipinas
Para kay Consul General Paul Raymund Cortes, ang pakikilahok ng Pilipinas sa Expo 2020 ay sadyang napakahalaga lalo na ang Dubai ay may katanyagan sa international arena na kung saan may kakayahan itong pagsamahin ang maraming bansa sa mundo.
Naniniwala si Cortes na napapanahon na para sa Pilipinas na tumuklas ng panibagong mga merkado at patatagin ang international trade nito bukod sa mga tradisyunal na partners gaya ng U.S., Japan at China.
Nabanggit ng consul general na ang Dubai at ang Expo 2020 ay magkapagbibigay ng daan para sa bansa na mapalawak ang business international network nito gamit ang emirate connections sa ibang panig ng mundo.
Ipagmalaki ang ‘Tatak Pinoy’
Aniya sa pakikilahok, maipakikilala ng Pilipinas muli sa mundo ang ating tanging yaman. Hindi lamang ang ating human capital o kakayahan ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan kundi kasama ang ating mga pagkain at mga Filipino cuisine.
Ipinagdiinan ni Cortes na oras na para maipamalas ng mga Pilipino ang kanilang ‘killer instincts’ o ang kanilang kakayahang mas pag-ibayuhin ang paghahatid ng mga pangangailangan ng international market at mas maunawaan ang kayang maialok ng Pilipinas sa mga dayuhang namumuhunan batay sa kanilang pabago-bagong demands.
Pag-iisip ng out-of-the-box
Dapat baguhin ng mga Pilipino ang kanilang mindset at maging bukas sa out-of-the-box na oryentasyon upang mas maintindihan ang mga pangangailangan ng multi-ethnic na lipunan, dagdag pa ni Cortes
Sinabi rin ni Cortes na taas-noo nating ipagmalaki ang lasang Pinoy sa mundo. Nagbigay siya ng halimbawa gaya ng gourmet na gluten-free na milkfish bilang sausages at ready-to-cook o microwavable marinades na gawa ng Philippine-based Fisherfarms Inc. na nakabase sa Bulacan Province sa Gitnang Luzon.
Ang top-of-the-line product na ito ay dalawang taon nang namamayagpag sa mga pamilihan sa bansa at may malawak na pagtanggap sa iba’t ibang bansa gaya ng U.S., Netherlands, Canada, UK, Italy, Spain, Qatar, Kuwait at Saudi Arabia.
Kanlungan ng OFWs, mataas na remittances
Sa pagtatala, ang United Arab Emirates (UAE) ang pinagmumulan ng pinakamalaking remittances sa Gulf region na pinadadala sa Plipinas na may naiulat na higit sa $ 2.54 bilyon sa mga cash remittances noong 2017 o 17.8% na mas mataas kaysa sa nakalipas na taon.
Kung susumahin ang UAE ang may pinakamalaking populasyon ng OFWs at pumapangalawa ang Saudi Arabia.
Ayon kay Hjayceelyn Quintana, UAE ambassador ng Pilipinas, malaki ang naitulong ng mga Pilipino sa pagpapaunlad ng UAE bilang bansa.
Sa katunayan, sabi ni Quintana, mayroong higit sa 700,000 highly skilled na Pinoy ang nananatili ngayon sa UAE at may malaking ambag sila sa tagumpay at pagiging produktibo ng maraming sektor ng UAE sa ngayon.
Gaya ng maraming mga Pilipino sa UAE, naniniwala si Maria Celeste Carella, chair of the Philippine Business Council-Dubai, na dapat lumahok ng Pilipinas sa Expo 2020 Dubai upang maipamalas ang mga world-class products nito sa sa agri- aquaculture, manufacturing, tourism, medical services, tech ecosystem at arts.
Ipamalas ang kagandahan ng Pinas
Sinang-ayunan ito ni Deborah Gay Dayrit, tagapangulo ng Philippine Business Council-Abu Dhabi. Aniya ang Expo 2020 Dubai ay pagbubukas ng iba’t ibang trabaho at pandaigdigang negosyo para sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Dayrit sa pagpapaunlad ng turismo ay pagkakaroon ng mga namumuhunan na may agarang epekto sa bansa maging sa mga komunidad. Makalilikha ito ng mas maraming SMEs at mga lokal na trabaho.
Sa pagbisita sa ating pabilyon dapat ay makahikayat ng mga namumuhunan na makikipagtulungan sa Pilipinas. Dapat maipakita ang kagandahan at kamangha-manghang bansa. Inaasahan niya na higit sa dalawang milyong Pilipino ang bibisita sa pabilyon.