Nakitaan ng sufficient in form and substance ng house committee ang isinampang impeachment case ni Atty. Larry Gadon laban kay Supreme Court chief justice Maria Lourdes Sereno matapos itong makapag-presenta ng certified true copies ng mga dokumentong ibinigay ng Korte Suprema laban sa punong mahistrado.
Sa 37 pitong mambabatas na dumalo,30 dito ang bumoto pabor sa reklamo ni Atty. Gadon habang apat dito ang kumontra.
Nakasaad kasi sa rules of impeachment na makikitaan lamang sufficient in form ang reklamo kapag ang kaso ay base sa mga tunay na dokumento.
Sa kaso ni Gadon, ang Korte Suprema mismo ang nagpalabas ng mga dokumentong makapagpapatunay na nilabag ni Sereno ang batas dahil sa ilegal na pagtatayo nito ng bagong judiciary decentralized office at ang muling pagpapabukas sa regional court administration office sa Western Visayas, pati na rin ang pagtanggap ng travel allowance ng kanyang mga staff na parehong hindi dumaan sa Supreme Court en banc.
Samantala, nakitaan naman ng insufficient in form and substance ang inihaing kaso ni Dante Jimenez ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ng Vanguard of the Philippine Constitution (VPC) ni Eligio Mallari, dahil sa ang ginamit na verification sa reklamo ay para sa mga reklamong inindorso ng one third of house members na dapat sana ay verification complaint ng isang pribadong indibidwal ang ginamit.
Ayon naman kay House justice chair Reynaldo Umali, bibigyan nila ng sampung araw ang kampo ni Sereno ang kasong complaint para maisagawa agad ang pagdinig na magdedetermina sa probable cause ng reklamo.
Nasa sampung araw naman ang ilalaan sa kamara para maresolba ang mga basehan ng impeachment complaint para ito maipasa sa senado para sa impeachment trial.