HANNAH JANE SANCHO
PUMALAG ang Malacañang sa ipinasang resolusyon ng U.S. senate na humihiling na palayain na ng gobyerno ng Pilipinas si Senator Leila De Lima.
Iginiit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang nasabing resolusyon ay pagyurak sa dignidad ng gobyerno ng Pilipinas at ng soberenya ng bansa.
Magugunita na noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng US senate committee on foreign relations ang resolution no. 142 na kumokondena sa gobyerno ng Pilipinas dahil sa patuloy na detensiyon ni De Lima.
Nakasaad din sa nasabing resolusyon ang hiling ng komite na dapat palayain na ang senadora.
Binanggit din sa nasabing resolusyon ang hindi umano makatarungang judicial proceedings laban sa media at mga mamamahayag partikular kay Maria Ressa ng Rappler.
Ayon pa kay Panelo, imposibleng hindi alam ng US senate committee na hindi na nila kolonya ang Pilipinas.
Aniya, dapat respetuhin ng mga US senators ang judicial process ng bansa katulad ng ipinapakitang pagrespeto ng Pilipinas sa kanila.