Patuloy nagbibigay inspirasyon si Lebron James sa mga kabataan.
Ni: Eugene Flores
MAINIT na usap-usapan sa offseason ng NBA ang paglipat ni NBA superstar Lebron James mula sa Cleveland Cavaliers patungo sa City of Angels, ang Los Angeles Lakers.
Inaasahang magpapasabog naman sa Hollywood si Lebron sa 2019 matapos kumpirmahin ng Springhill Entertainment na bibida ang three-time NBA champion sa Space Jam 2, isang maituturing na hit basketball film.
Matagal nang umiikot ang usapan sa kung sino ang bibida sa pinakahihintay na “Space Jam 2” at kamakailan ay tinuldukan ito sa isang instagram post ni Lebron James at Springhill Entertainment, na kaniya ring pag-aari.
Taong 1996 noong nilabas ang “Space Jam” na pinagbidahan ni Michael Jordan, ang Chicago Bulls legend at maituturing na greatest player of all time.
Katambal niya sa pelikula na ito ang Looney Tunes cartoon characters na pinangunahan ng mega popular na si Bug Bunny.
Isang animated sports comedy film ang “Space Jam” na nilabas ng Warner Bros. Pictures kung saan kumita ito ng $230 milyon sa buong mundo, pinakamalaki para sa isang basketball film.
Bagama’t masasabing matagumpay ang pelikula, umani naman ito ng magkahalong pagtanggap at iba’t-ibang komento mula sa mga kritiko.
LEBRON AT BLACK PANTHER DIRECTOR MAGSASANIB PWERSA
Marami ang nagalak matapos malaman na magiging parte si Ryan Coogler ng “Space Jam 2” bilang producer. Si Coogler ay isang direktor, producer at screenwriter. Ilan sa mga sumikat na gawa niya ay ang Fruitvale Station, Creed, at ang pelikula ng Marvel Cinematic Universe, ang Black Panther.
Kinuha naman bilang direktor ng pelikula si Terrence Nance matapos hindi nagbunga ang pakikipag-usap kay Justin Lin, direktor ng Fast and Furious.
Sinabi naman ng Springhill Entertainment na hindi magiging sequel ang “Space Jam 2” . Naghanda umano ng bagong bersyon sina James at Maverick Carter, co-founder ng Springhill Entertainment.
“The Space Jam collaboration is so much more than just me and the Looney Tunes getting together and doing this movie,” wika ni Lebron.
Kilala rin si Lebron sa kanyang mga inaambag sa komunidad, isa rito ang eskwelahang binuksan niya sa kanyang hometown na Akron, Ohio, na pinangalanang “i promise school.”
“It’s so much bigger. I’d just love for kids to understand how empowered they can feel and how empowered they can be if they don’t just give up on their dreams. And I think Ryan did that for a lot of people,” aniya.
Inaasahan sa pelikula ang partisipasyon ng ibang NBA players ngunit wala pang nilalabas na pangalan ng mga manlalaro na gaganap dito. Isang malaking tanong din ay kung magkakaroon ng cameo apperance si Jordan sa pelikula.
“Hopefully there will be a role for Michael if he wants it. But Michael Jordan is Michael [expletive] Jordan. It doesn’t matter [if James] calls him, he’s gonna do whatever the hell he wants, which he has earned that right to do.” wika ni Carter.
Marami na ang naimpluwensyahin ni Lebron James sa kanyang mga adbokasiya.
PAGKABUHAY NG CHILDHOOD DREAM
Para sa isang batang lumaki ng walang ama at hindi nakapasok sa klase ng 83 beses noong fourth grade, maituturing na isang pagsasabuhay ng pangarap ng batang si Lebron James ang “Space Jam 2”.
“I always wanted to be a superhero. Batman was my favorite,” wika niya.
Bagaman lumaki sa hirap, pinatunayan ni Lebron na hindi ito hadlang upang maging matagumpay sa buhay at upang makamit ang mga pangarap.
“But I knew I could never be Bruce Wayne. You’ve got to understand, for me that was in no way possible. I never felt like I could be the president of a multibillion-dollar company,” dagdag niya.
Ngunit ngayon, nagsisilbing inspirasyon si Lebron James sa milyon-milyong kabataan sa buong mundo at nais niya itong ibahagi sa kanyang pelikula bukod sa magpasaya ng mga manunuod.
Sa kasalukuyan, nasa ika-anim na pwesto si Lebron sa listahan ng The World’s Highest-Paid Athletes 2018. Tinatayang nasa $85.5 milyon ang taunang kita nito mula sa basketball, advertisements at iba pang endorsements.
Sa kasikatang natatamo ni Lebron James hindi nito kailanman nililibing sa limot ang kanyang pinagmulan at patuloy na nagbabalik tulong sa komunidad. Maituturing rin siya bilang isa sa “most charitable” player sa NBA.
Malaking bahagi nito ay ang Lebron James Family Foundation. Ang four-time MVP ay dedicated at fully committed na bigyan nang maayos na edukasyon at kinabukasan ang mga kabataan. Kung kaya’t naisakatuparan niya ang pagkakaroon ng sariling eskwelahan ang “i promise school” — isang pampublikong paaralan kung saan libre ang pag-aaral.
Tunay na nakamamangha ang mga ginagawa ni Lebron James sa loob at labas ng court. Nais niyang ipagpatuloy ang pagbigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng parating nitong pelikula, ang “Space Jam 2.”