Si Chef Marvin at ang kanyang pangmasa na Overoad Lomi
Ni: San Antonio, Jomar M.
Hindi raw makukumpleto ang bisita mo sa timog-katagalugan kung hindi mo matitikman ang Lomi mula sa probinsya ng Batangas. Sa hindi nakakikilala sa Lomi, isa itong lutuing pancit na may makapal na hibla na lumalangoy sa malapot at malasang sabaw. Ito ay may halong mga atay ng baboy, fishball, kikiam, itlog, at marami pang uri ng toppings na lalong nagpapasarap sa lasa nito.
ANO ANG LOMI?
Ayon sa kasaysayan, ito ay dinala ni To Kim Eng sa Lipa, Batangas noong 1968 nang pinili niyang dito manirahan kasama ang iba pa niyang kamag-anak na Tsino. Lagi niya itong niluluto para sa kanyang mga bisita at kalaro ng mahjong kung kaya naman lalong sumikat at nakilala sa Batangas. Hindi niya ipinagdamot ang paraan kung paano ito niluluto kung kaya naman hanggang ngayon ay kaliwa’t-kanan ang Lomian at iba pang panciteria sa Batangas at iba pang bahagi ng timog-katagalugan.
Pinaka-masarap itong kainin tuwing tag-ulan ngunit walang pinipiling panahon ang lomi. Umaaraw man o umuulan, almusal man o meryenda, puwedeng-puwede itong kainin. Kahit saang lugar ay may makikita ka nito sa Batangas. May kung anu-ano pang bersyon ang bawat bayan kung kaya nama’y hindi ka mauubusan ng pagpipilian.
Sa hindi mabilang-bilang na lomian at pancitan sa Batangas sa kasalukuyan ay may isang nagluluto at nagbebenta nito na ngayon ay gumagawa ng ingay sa kanilang bersyon ng Loming Batangas. Bukod kasi sa mga regular na customers nito sa araw-araw na tunay namang blockbuster ay dinadayo rin ito ng mga turista dahil sa pambihirang servings nila ng lomi na tiyak na hinding-hindi mo puwedeng tanggihan.
ANG G2B LOMI HOUSE
Ito ang G2B Lomi House na pagmamay-ari ni Marvin Mercado. Matatagpuan ang main branch nila sa B. Laqui St., Brgy 5 sa Cuenca, Batangas kung saan nagsimula ang lahat ng kanilang pangarap na niluto sa pagsisikap at lakas ng loob.
Sa kasalukuyan ay may dalawang branches na idinagdag ang G2B Lomi House na matatagpuan sa St. Isidore St., Brgy 3, Cuenca Batangas at sa Purok 6, San Sebastian, Lipa City. Tunay namang lumalago ang negosyo dahil na rin sa mga parokyanong walang-sawang bumabalik upang matikman at malasap ang ipinagmamalaking lomi ni Marvin.
Ang 28-anyos na si Marvin ay pamilyado na at mayroon nang isang anak. “Ang inspirasyon ko po sa negosyong ito ay ang pamilya ko. Kasi naisip ko sa loob ng ilang taon ng pag ta-trabaho sa sa iba’t ibang kumpanya ay hindi ako nakaipon. Naisip ko na hindi sasapat ang kikitain ko para buhayin ang pamilya ko… ang gusto ko sana ay yung sapat na kita na hindi sobra’t hindi kulang. Kaya napaisip akong mag negosyo na lang ako. Halos ka-edad lang ng anak ko ang G2B,” ika niya sa isang panayam.
MULA SA PANGARAP
Itinayo ang negosyo noong February 10, 2014 kung kaya naman tatlong taon na rin itong nagluluto ng masarap na lomi. Marami mang ka-kumpetensya sa lalawigan ay nagawa pa rin nitong lumago at gumawa ng pangalan. Naitampok na rin kasi ang G2B sa iba’t-ibang palabas sa lokal at national TV. Malayo na nga rin ang naabot ng G2B at tunay rin namang nakaranas ng kung anu-anong pagsubok na siyang nagpatibay sa kanilang sinimulang pangarap.
PAGSUBOK ANG HUMUBOG
“Nagsimula lang po kami sa isang simple at maliit na tindahan na yari lamang sa kawayan. Ang tanging kasya po lamang noon ay 20 katao… kung tutuusin ay marami na din kaming pinagdaanang pag subok. Noong unang bukas nga ng aming tindahan, may apat akong kasamahan sa tindahan na katu-katulong ko sa pagtitinda. May taga-serve at taga-luto. Kaya noong dumating yung punto na hindi ko na sila kaya pang swelduhan kasi humihina na ang tindahan, ang tanging natira na lamang ay kaming mag-asawa sa pagpapatakbo ng kainan.”
“Dahil kami na lamang mag-asawa ang nag-tutulungan sa pag-titinda, napaisip ako kung ano ba ang dapat kong gawin para puntahan ako ng tao. Dito ko naisip na gumawa ako ng bagong timpla sa pagluluto ng lomi. Pinasarap ko ang ang timpla… madami akong dinagdag na rekado at at nilagyan ko rin ng masarap na toppings ang aking lomi. Sabi ko, siguro ay pupuntahan na din ako ng tao! At doon na nga nag-umpisa na puntahan ako ng mga tao hangaang sa dinarayo na rin ako ng mga taga-iba’t-ibang lugar.”
Ang Overload Lomi ay may toppings na breaded pork, cordon bleu, home-made kikiam, tapa, lumpiang shanghai, atay, chicharong baboy, bola-bola, siomai, itlog, at rebosado
OVERLOAD LOMI
Ang pagpatok nga ng bersyon ng Lomi ni Marvin ang bumago sa kanyang buhay. Sa kasalukuyan nga ay hindi na lamang lomi ang niluluto sa mga tindahan ni Marvin. Mayroon na rin siyang mga lutuing silog, ulam at kanin, sizzlings, at iba pang klase ng pancit tulad ng Chami at Miki Bihon, ngunit ang pinaka-hinahanap-hanap pa rin ng kanyang mga parokyano ay ang kanyang “Overload Lomi”. Sa sobrang laki nga ng serving nito ay saktong-sakto ito sa 8 hanggang 10 na kakain. Mayroon itong toppings na breaded pork, cordon bleu, home-made kikiam, tapa, lumpiang shanghai, atay, chicharong baboy, bola-bola, siomai, itlog, at rebosado. Jam-packed nga kung titingnan ang pambihirang sukat nito na tiyak namang maaakit kang sunggaban.
Ang crew ng G2B Lomi House na matatagpuan sa ilang bahagi ng Batangas
“Maganda naman ang takbo ng negosyo ko ngayon… kahit na maraming ka-kumpetensya at maraming nagsusulputang kainan, hindi pa rin kami iniiwan ng aming customers!” Pinatunayan ni Marvin na ang kanyang piniling daan sa buhay ay may mararating. “Hindi man related ang tinapos kong kurso sa aking negosyo ngayon… computer technology kasi ang tinapos ko, mas minahal ko pa rin talaga ang pagluluto!.”
Ang jam-packed na G2B Lomi House umulan man o umaraw
PATULOY ANG PANGARAP
Tulad ng ibang nagnenegosyo, mayroon ding sikreto si Marvin kung bakit naabot niya ang estado niya ngayon. Ayon sa kanya, ”sipag at tiyaga, yun dapat ang mayroon ka, plus… mahalin mo ang iyong ginagawa!”
Malayo-layo na rin ang naabot ni Marvin at ng G2B Lomi House dahil sa kanyang pagmamahal sa pagluluto ngunit hindi pa rin doon matatapos ang lahat. “Ang pangarap ko para sa negosyo kong ito ay mas lumago pa at maging kilalang pinakamasarap na loming batangas!” Isang pangarap na hindi malabong makamit dahil sa pagsisikap, tiyaga, at puso niya sa pagluluto.
“Sa mga nagbabalak na magtayo ng ganitong negosyo, mahirap sa simula pero masarap kapag nakikita mo nang maganda ang kinalalabasan ng iyong pinaghirapan. Huwag kayong magda-dalawang isip sa gagawin nyo kasi mas mahirap kalaban ang sarili kapag hindi ka sigurado sa tatahakin mo. Pagmamahal lang, mahalin mo lang ang ginagawa mo at paniguradong magtatagumpay ka sa mga pangarap mo!”