Ni: Jonnalyn Cortez
ITINUTURING na sagrado ang kasal sa Pilipinas, kaya naman isang seryosong usapin kung nais na lumagay sa tahimik ng dalawang nagmamahalan. Ngunit, sa panahon ngayon, paliit nang paliit ang bilang ng nagpapasyang magpakasal lalo na ang mga millennials.
Nagbago ang tema ng pag-iisang-dibdib sa huling bahagi ng ika-18 siglo. Mula sa mga pinagkasundong kasal ng mga magulang noong unang panahon, naging unyon na ito ng magsing-irog na nagmamahalan. Subalit, mukhang muling mababago na naman ang konsepto ng pagpapakasal ngayon.
Sinasabing ang tamang edad ng pag-aasawa ay 27 para sa babae at 29 naman para sa lalake. Ito ay malaking diperensya mula sa edad na 20 para sa babae at 23 para sa lalake noong taong 1960. Ngayon, may mga pag-aaral na nagsasabing malaking porsyento ng millennials ang mananatiling walang asawa.
MALAKING PORSYENTO NG MILLENNIALS ANG HINDI NAGPAPAKASAL
Maaaring bumagsak sa 70% ang bilang ng mga nagpapakasal ngayon kumpara sa mga ibang henerasyon katulad ng boomers na may 91%, late boomers na may 87% at Gen Xers na may 82%. Ayon ito sa ulat ng Urban Institute.
Mapapansing bumababa ang bilang ng mga nag-aasawa bawat henerasyon, ngunit malaking pagbagsak ang nangyari sa henerasyon ng mga millennials. Sa inilabas na pag-aaral ng Pew Research Center kamakailan, 25% ng millennials ang maaaring hindi na magpakasal na itinuturing na pinakamataas na bilang sa modernong panahon.
EDUKASYON AT TUNGKULIN
Sinasabing ang pagkakaantala ng pagpapakasal ngayon ay dahil na din mas pinipili ng mga millennials na pagtutuunan ng pansin ang kanilang pag-aaral, trabaho at tungkulin, kumapara sa ibang henarasyon noong mga nakaraang dekada. Ito ay ayon sa ulat ng U.S. Census Bureau.
Pinaniniwalaan ng maraming young adult na napakalaking importansya sa buhay pagdating nila sa karampatang edad ang magkaroon ng magandang edukasyon at tungkulin.
“I choose to prioritize my work. I started having a good mindset at work later on in life,” paliwanag ni Iza Calzado kung bakit hindi pa siya nag-aasawa. “I think that people have so many things they want to achieve or do before they get married.”
Kaya naman, hindi napakaimportante para sa mga ito ang magkaroon ng asawa at mga anak upang ganap na matawag na maysapat na gulang.
Tinutukoy dito ang mga young adults na may edad 18 hanggang 34 na siya ding tinatawag na mga millennials. Kinukumpara naman ang kanilang mga paniniwala at tuntuning moralidad sa parehong pangkat ng edad noong taong 1975.
NAGHIHINTAY NG TAMANG PANAHON
Pinipili naman ng mga millennials na gustong magpakasal na gawin ito sa mas matagal na panahon kumpara sa henerasyong nauna dito.
Nagpapakasal ang walo mula sa 10 tao noong 1970 sa edad na 30. Ngayon, walo sa 10 tao ang nakikipag-isand-dibdib sa edad na 45.
Maiintindihan dito na hindi lubusang binitawan ng mga millennials ang ideya ng pag-aasawa, kundi naghihintay lamang ito ng mas matagal na panahon upang makasiguro.
“The best thing about waiting until I am more mature to get into a serious commitment like marriage is that as time goes by, I learn valuable lessons through my experiences which enlighten me and give me courage and strength to believe that a good marriage is possible,” dagdag ni Calzado ukol dito.
Pinipili ng mga kabataang magkatipan ang mamuhay sa iisang bubong at huli ng magpakasal. Sa katunayan, 70% ng mga millennials ay pinapangarap pa din ang maikasal sa kanilang minamahal.
DAHIL SA HIRAP NG BUHAY AT EKONOMIYA
Natatakot naman ang marami na magpakasal dahil na din sa hirap ng buhay at ekonomiya, lalo na ang yung mga may mababang antas ng kita at edukasyon.
Karaniwan sa mga nagpapakasal ngayon ay yung may mga matataas na sweldo at mataas na pinag-aralan. Ayon din ito sa pagsusuri ng Pew Research Center.
“More and more young men are not getting a decent foothold when it comes to work and making money, and that, of course, has a big impact on their capacity to get married and even stay married,” ani Bradford Wilcox, isang propesor ng sociology at direktor ng National Marriage Project sa University of Virginia.
PAGKAKAIBA NG NOON AT NGAYON
Masasabing magkaiba ang mga katangian ng mga millennial kumpara sa mga mas nakakatanda dito dahil na din sa pabago-bagong saloobin.
Nalaman sa pagsusuri ng Pew Research Center noong 2014 na 55% ng mga tao na may edad 50 pataas ay may kaisipang dapat prayoridad ng mga nasa wastong gulang na ang pag-aasawa at pagiging magulang. Hindi naman iniisip ng 2/3 ng mga young adults na may edad na 18 hanggang 29 na kinakailangan ito.
“A good number of young adults out there today who think 30 is the new 20. Seeing the 20s as a decade for an opportunity to explore, to have fun, is certainly a mind-set held by some younger adults today,” ani Wilcox.
Dagdag naman ng Census Bureau demographer na si Jonathan Vespa, ang henerasyon ngayon ng mga young adults ay may malaking pagkakaiba kumapra sa mga henerasyon na nauna sa kanila sa halos lahat ng aspeto.
“Today’s young adults look different from prior generations in almost every regard: how much education they have, their work experiences, when they start a family, and even who they live with while growing up,” paliwanag nito.
Sinabi din ni Kate Bolick, may-akda ng “All the Single Ladies,” na ang desisyon ng mga millennials na hindi magpakasal ay repleksyon ng mas modernong pamumuhay ngayon. Kasama na din dito ang bagong konsepto ng pagmamahalan at pagpapamilya. Kailangan na din diumanong tanggapin ang pagtatapos ng tradisyunal na pagpapakasal na sinasabing perperktong mithiin ng lipunan.