Ni: Maureen Simbajon
ISANG pag-aaral ang isinagawa ng mga mananaliksik mula sa Harvard University kamakailan tungkol sa limang healthy habits na maaaring makapag-extend ng buhay ng tao ng higit pa sa isang dekada.
Anu-ano ang mga ito?
- Ang hindi paninigarilyo.Ang paninigarilyo ay nagdudulot ng sakit sa puso, osteoporosis, stroke, emphysema at iba pang mga malalang problema sa baga.
Sa oras na matigil ito, ang panganib na dulot ng paninigarilyo, kabilang na ang sakit sa puso, stroke, at colorecteral kanser, ay nagsisimulang bumaba sa loob lamang ng ilang buwan dahilan upang maibalik ang magandang kalusugan ng isang tao.
- Pag-eehersisyonang hindi bababa sa 30 minuto kada araw. Ayon sa pag-aaral, ang pag-eehersisyo ng 30 minuto bawat araw ay nagpapalakas sa pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng isang tao. Pinapanatili nitong malusog ang puso at maayos ang daloy ng dugo sa katawan. Binabawasan din nito ang panganib ng cardiovascular disease, stroke, metabolic syndrome, at diabetes.
Dagdag pa rito, ito rin ay nakakabawas ng manaka-nakang stress at nakapagpapabuti sa mood at productivity ng isang tao.
- Pagpapanatili ng isang malusog na pagkain. Hindi lingid sa kaalaman ng tao na ang pagkain ng tama ay nakakatulong sa pagpapahaba ng buhay nito. Ang isang malusog na diyeta ay nakakatulong na maiwasan ang mga iba’t-ibang karamdaman kabilang na ang sakit sa puso, hypertension, kanser, at katarata.
Ang pagkuha ng daily recommended na bilang ng mga gulay, prutas, whole grains, nuts, polyunsaturated fatty acids at omega-3, at ang paglilimita sa pagkonsumo ng mga processed meats, inumin na matataas sa asukal, trans fat, at sodium ay tiyak na makapagpapabuti sa overall health at magpapahaba ng lifespan ng isang tao.
- Pag-inom ng katamtamang dami ng alkohol. Umaabot sa 88,000 katao ang namamatay sa US (pa lamang) dahil sa pag-inom ng alkohol sa bawat taon.
Ayon sa mga eksperto, ang pag-limita ng hanggang isang baso ng alkohol para sa mga babae, at isa hanggang dalawang baso para sa mga lalaki kada araw ay nagpapababa sa panganib ng sakit sa puso, stroke, diabetes mellitus, metabolic syndrome at maagang pagkamatay dulot ng toxic na epekto ng sobrang alkohol sa katawan.
- Pagpapanatili ng normal na timbang. Ang body mass index, o BMI, ay isang paraan upang masuri kung ang isang tao ay nasa malusog na hanay ng timbang ayon sa kanyang taas. Ang rekomendadong BMI ay nasa pagitan ng 18.5 at 24.9.
Ayon sa mga mananaliksik, ang isang taong may BMI na 30 ay mas may higit na probabilidad na magkaroon ng malubhang karamdaman, kumpara sa isang taong may BMI na 20.1 kung kaya’t importante na mapanatili ito sa tamang hanay.
Ang pagsunod sa mga nabanggit na kasanayan ay magdudulot ng isang malaking epekto sa average life expectancy ng isang tao. Halimbawa na lang sa edad na 50, ang mga lalaking sumusunod sa healthy habits na ito ay nakitaan ng pag-extend ng kanilang lifespan ng up to 12.2 years, habang sa kababaihan naman, umabot ito hanggang sa 14 na taon.
“Ang mga simpleng pagbabago sa kaugalian ng tao kagaya nito ay magdudulot ng malaking kalamangan sa kanilang kalusugan at kahabaan ng buhay,” saad ng pangunahing mananaliksik na si Meir Stampfer, mula sa Harvard Chan School of Public Health.