Victor Baguilat, 30, founder ng social enterprise na Kandama
Ni: Kristin Mariano
May malalim at napakagandang kulturang Pilipino ang nananahan sa mga kabundukan ng Cordillera sa hilaga kung saan ang mga komunidad ay tila namumuhay pa rin ayon sa kanilang mga kaugalian at tradisyon. Ngunit isa sa mga natatanging sining ng mga pangkat-etnikong Ifugao ang unti-unting naglalaho—ang paghahabi. Ang mabuhay muli ang sining ng paghahabi at pagtulong sa mga kababaihang Ifugao ang naging inspirasyon ng Kandama isang couture fashion brand na tinatampok ang mga unique na disenyo ng mga Ifugao.
Halos wala na ang paghahabi sa Ifugao bunga na rin ng pag-unlad sa lugar. Modernong kasuotan na rin ang suot ng mga residente at hindi na ang mga tradisyonal na kasuotan. Ginagamit na lamang ang tradisyonal na saya at bahag tuwing espesyal na okasyon. Dahil dito, itinago na ang mga panghabi at hindi na naipasa ng mga nakakatatanda ang sining.
Noon pa man ay ipinagmamalaki na ni Victor Baguilat ang kultura ng mga Ifugao. Nang minsan siya ay umuwi ng Banaue, siya ay nadismaya ng makita niya ang mga hinabing tela na gawa sa makina na inangkat mula Thailand. Nahihirapan din siyang maghanap ng ipampapasalubong sa mga kaibigan sa Maynila na talagang magpapakita ng kapiraso ng tradisyon ng mga Ifugao bukod sa mga bul-ul.
Tila umagos sa kanyang dugo ang kagustuhang maprotektahan ang kultura ng kanyang bayan at bigyan ng bagong buhay ang sining ng paghahabi, kaya’t itinatag niya ang Kandama. Alam niyang may merkado para sa makukulay at naiibang disenyo ng mga hinabing tela ng mahuhusay na kamay ng mga Ifugao.
Kandama – Ang Simula
Itinatag ni Vic ang Kandama bilang isang social enterprise noong 2016 na may dalawang layunin: buhayin muli ang paghahabi at matulungan ang mga kababaihan sa Ifugao na makahanap ng alternatibong pagkakakitaan. Sa maliit na bayan ng Julongan sa Kiangan, kung saan pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga residente, inimbitahan ni Vic ang mga kababaihan na matuto muling maghabi bilang trabaho lalo na kung hindi panahon ng ani.
Kulang man sa kaalaman sa pagtatayo ng isang negosyo, hindi naman nagkulang si Vic sa inspirasyon para tumulong sa kanyang kababayan. Tulad ng mga kalsada sa kanilang lugar, maraming bako-bakong dinaan ang Kandama. Ang paghahabi ay nangangailangan ng maraming pasensya sapagkat inaabot ng limang araw upang makahabi ng isang yarda. Pagkatapos nito ay dadalhin ni Vic ang tela sa designer na siyang magdi-disenyo ng damit. Nahirapan din si Vic sa aspetong pinansyal at sa paghahanap ng mga sponsor na tutulong para mailunsad ang social enterprise.
Fashion Show at Collaborators
Mula sa iilang kababaihang dumalo ng workshop, nakatutulong ngayon ang Kandama sa 28 babaeng manghahabi at 18 dito sertipikado. Pati mga bata ay na-eengganyo sa paghahabi dahil nakikita nila ito sa kanilang mga ina. Dahil sa epekto nito sa kabuhayan ng mga Ifugao, napili ang Kandama bilang finalists sa Young Social Entrepreneurs Program na itinanghal sa Singapore International Foundation at sinuportahan ng McKinsey & Company.
Noong Agosto 19, 2017, nabuo ng Kandama ang una nitong collection sa tulong ng mga collaborators na inirampa sa isang fashion show. Nakipagtulungan ang Kandama sa mga tanyag na designers tulad ni John Rufo upang maging kaakit-akit sa publiko ang mga damit na gawa sa mga hinabing tela. Nakipagtulungan din ang Kandama sa ibang social enterprises na may parehong layunin na maitaguyod ang kulturang Pilipino tulad ni Joco Calimlim ng Ilustrado, Ranroe, Airaz, Nomad, at Ibarra Watches.
Bukod sa mga damit, itinampok din ng Kandama ang mga accessories tulad ng bag at planners naginamitan din ng mga hinabing tela. Nais din ng Kandama na makarating ang mga damit na nilikha ng Kandama sa ibang bansa. Dahil dito, gumawa ang Kandama ng website kung saan makikita ang lahat ng damit sa kanilang collection. Maaari ring pumili ng disenyo at ipagawa ayon sa iyong sukat. Sumasali rin ang Kandama sa piling mga bazaar para sa nais bilhin ang kanilang produkto.
Higit sa benta, nais ni Vic Baguilat at ng Kandama na magpatuloy ang mabuting naitutulong ng social enterprise sa komunidad lalo na ang magbukas ng oportunidad sa mga kababaihan sa Ifugao at masiguro na mapangalagaan ang mga terraces na bumubuhay sa mga pamilya sa nasabing probinsya.
Ayon kay Vic, “Despite the bumps, Kandama aims to render multiple social impacts. First, in terms of cultural preservation, while reviving symbols which are no longer being woven, Kandama develops new designs to continue the tradition. While culture must be preserved, it must evolve. Second, Kandama provides livelihood to women in the community. The women’s economic empowerment translates to greater political power within the community. Vic attests that setting up a social enterprise is not easy but with steadfast determination, he hopes to make his fellow Ifugao and Filipino truly proud of our roots.”