CONSUMERS makakaranas ng mas magandang serbisyo sa Disyembre.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMING nagrereklamo sa usad pagong na internet sa Pilipinas. Malayong-malayo sa bilis ng network connection sa ibang bansa. Kaya upang ibsan ang problema, nais ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtayo ng 50,000 cell site towers upang i-develop ang serbisyo ng mga telecommunication companies sa bansa.
Sinabi ni Acting DICT Secretary Eliseo Rio Jr. na kinakailangan ng $4.5 bilyon na puhunan upang pondohan ang common tower project.
Sa ngayon, meron lamang 18,000 cell towers sa Pilipinas at may pinakamababang density sa buong rehiyon ng Asean na 0.14 kada 1,000 subscribers. Malayong-malayo sa 0.5 kada 1,000 subscribers sa ibang bansa.
Ang pagtatayo ng mga karagdagang towers ang nakikita ng gobyerno na solusyon upang maiayos ang komunikasyon at information service sa bansa pagdating ng 2020.
ACTING DICT Secretary Eliseo Rio Jr. inihayag ang planong pagtatayo ng 50,000 cell site towers sa buong bansa.
DICT, telcos magtatayo ng common towers
Plano ng DICT na makipagtulungan sa mga telcos sa bansa upang mapabilis ang pagpapatayo ng common towers.
Sa isang pahayag, sinabi ni Rio na nais ng departamento na gumawa ng Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang Telecommunications Commission (NTC) at telcos upang itayo ang 50,000 cell site towers sa loob ng pitong taon.
“Telcos will be the end-user of these common towers so we fully need their cooperation to improve our overall telecommunication landscape,” pahayag ni Rio.
DICT, NTC at ang telcos ang mamimili ng mga lugar kungsaan itatayo ang common towers.
Sa unang taon, target na makapagpatayo ng 3,000 towers na madadagdagan hanggang 10,000 sites sa panlima hanggang pampitong taon.
Umaasa ang DICT na mapapatupad ang common tower policy sa loob ng isang buwan matapos mailabas ng telcos ang listahan ng lugar na napiling pagtatayuan ng mga ito.
Mayroon ng napirmahang kasunduan ang DICT sa 15 tower firms para sa pagpapakalat ng towers sa bansa. Kailangan naman ng tower partners na makipagkasundo sa telcos upang itayo ang imprastraktura.
Pipirma naman ng isang memorandum of agreement ang DICT kung saan nakalagay na magbibigay ng tulong ang departamento sa pagkuha ng permits, right of way, at iba pang pwedeng ibigay na suporta ng gobyerno sa pagpapatayo ng towers.
“Our telcos’ infrastructure are still 2G, which means it could only provide ‘talk and text.’ [Subscribers] don’t need much towers for these, and our existing towers can accommodate all the text messages sent by consumers, which is estimated at 1.2 billion per day. But to accommodate more calls, you need more towers,” wika ni Rio.
“We need to put up to connect mobile devices wirelessly to a tower so we can go to the next generation of mobile networks or 5G.”
MAS maaayos na serbisyo ng internet at komunikasyon target sa 2020.
1,000 lugar na pagtatayuan ng mga tower
Inihayag ni Rio na nakapili na ng 1,000 lugar ang telco players na Globe, Smart, at ang bagong Mislatel consortium, kung saan itatayo ang common tower projects.
Sa ngayon, meron ng 19 na kumpanya ang pumirma ng MOU sa DICT para sa naturang tower projects.
Gayunpaman, inihayag ni Vicente Castelo ng Globe Telecommunication ang kanilang hinaing ukol sa mahabang proseso sa pagpapatayo ng tower.
Kinakailangan ng 25 permits, kabilang rito ang mula sa local government units, upang makakuha ng approval bago makapagpatayo ng isang cell site tower.
Una nang nilinaw ni Nacionalista Party Rep. Luis Raymund Villafuerte ng Camarines Sur ang direktiba ng Palasyo sa DICT na paikliin ang oras ng proseso para sa konstruksyon ng cell sites at iba pang imprastraktura na may kinalaman sa telcos mula sa walong buwan hanggang sa isang linggo na lamang. Magiging isang sensyales din ito na seryoso ang gobyerno na tanggalin ang red tape.
Matapos paikliin ang proseso, ang susunod na gagawin ay bawasan ang kinakailangang bilang ng mga permit.
Dapat din tumugon ang gobyerno sa hiling ng mga telco na gawing standard ang bayad sa pagkuha ng mga permit upang maiwasan ang anumang uri ng korapsyon at pag-usapan ang mga isyu ukol sa pagtatayo ng telecommunication facilities sa loob ng private subdivisions at exclusive villages.
Sinabi ni Rio na ang technical working group ng departamento ay nakikipagpulong na sa Smart, Globe at Mislatel.
“The meeting continues so that in two to three months, we will have a proof of concept involving about one thousand towers, hard to get places, ‘yung mga missionary areas on the spectrum on where the towers are supposed to be,” wika ni Rio.
Ang proof of concept ay ang magpapahintulot sa mga telco na gumawa ng isang pamamaraan kung paano sisimulan ang pagtatag ng common towers sa mahigit 1,000 lugar sa buong bansa.
“… (F)rom the result of this proof of concept they can improve the mechanics of having a common tower in the Philippines moving towards putting up 50,000 towers in seven to 10 years,” paliwanag ni Rio.
Dagdag pa niya, umaasa ang DICT na mauumpisahan ang bidding process para sa common tower providers matapos ma-finalize ang proof of concept.
“Pero bahala na ‘yung telcos (na pumili)… Ayaw namin na gobyerno ang pipili because hindi naman kami ang magbabayad sa common towers, it will be the telcos,” sabi ni Rio.
DICT target makapagtayo ng 50,000 cell site towers sa buong bansa sa loob ng pitong taon upang mapabilis ang serbisyo ng telecommunication companies.
Mas magandang serbisyo
Sinimulan na ng Globe ang pagdadagdag ng cell sites sa bansa. Bago matapos ang taon, humigit-kumulang na 11 na bagong towers ang nakatakdang itayo sa Visayas para sa mas mabilis at maasahang internet connection, 22 naman rito ay itatayo sa Cebu.
Siniguro ni Visayas and Mindanao Globe Telecom external affairs head Patrick Gloria na patuloy na inaayos ng kumpanya ang kanilang network coverage sa mga lugar kung saan mahina ang signal at matatawag na “congested.”
“We are both building and upgrading cell sites in the Visayas,” wika ni Gloria.
Sinabi niya na mas tumaas ang demand ng consumers sa mas maayos na internet connection, lalo na ngayong marami ng gumagamit ng digital media. Ito ang nagtulak sa Globe upang magtayo ng karagdagang cell sites upang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo.
“There is a need to build more cell sites to give everyone a better internet experience,” wika nito.
Inamin ni Gloria na mayroong network congestion sa bansa dahil na rin sa pagdami ng populasyon at lumalaking demand sa data usage, lalo na sa Metro Manila.
Noong nakaraang dalawang taon, 2,000 subscribers lamang ang gumagamit ng isang cell site. Ngayon, 4,000 subscribers na ang nakikinabang dito.
“It’s a good problem for us. That is why we are ramping up our network coverage,” pagtatapos ni Gloria.