NAGULANTANG ang sambayanan ng biglang inanusyo ni Kalihim Menardo Guevarra ng Kagawaran ng Katarungan na kinasela o pinawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Proclamation Number 572 ang amnestiya na iginawad ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2011 kay Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV dahil sa kaniyang partisipasyon sa mga serye ng kudeta noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Matatandaang si Senador Trillanes ay bahagi o kasapi ng ng “Magdalo Group” na naglunsad ng mga sunod-sunod pagaalsa tulad ng magkasunod na 2003 Oakwood Mutiny at 2007 Manila Peninsula Siege bilang pagtuligsa sa mga alegasyong korapsyong nagaganap noong panahon ni PGMA sa hanay ng sandatahang lakas na may kinalaman sa military procurement system at retirement system.
May dalawang basehan na ibinigay si Pangulong Duterte kung bakit kinansela niya ang amnestiyang naibigay kay Senador Trillanes, ang una ay hindi raw ito nag-apply ng amnestiya at pangalawa ay hindi nito inamin ang pagkakasala o pagkukulang sa isang bidyong panayam ng makibahagi siya sa mga kudetang aktibidades bagama’t ito ay labag sa saligang batas.
Samakatuwid ang amnestiyang iginawad ay walang bisa mula pa sa simula dahil sa nabanggit na kadahilanan. Ito naman ay mariing pinabulaanan ni Senador Trillanes at ipinagtanggol na mayroong bidyo na magpapatunay na nag-apply siya ng amnestiya at litratong tangan-tangan niya ang amnesty application form na kanyang sinulatan at pinirmahan bilang pag-ako sa pagkakasalang nagawa laban sa saligang batas.
Batay sa kasalukuyang saligang batas, ay bahagi ng kapangyarihan ng pangulo ang maggawad ng amnestiya sa mga tao o grupo ng taong may opensiba o kasalanang nakabatay sa kanilang politikal na paniniwala at ideolohiya o tinaguriang “political offenses”. Saklaw ng amnestiya ang mga dating rebelde na piniling isuko ang kanilang mga armas at magbalik-loob sa pamahalaan tulad ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Reform the Armed Forces Movement (RAM), at Young Officers Union (YOU) o maging ng New People’s Army (NPA).
Dahil dito, ay dapat nating mabatid ang mga sumusunod, una ,ang paggawad ng amnestiya ay hindi nakasalalay lamang sa pangulo, kailangan din nitong sang-ayunan ng kongreso at pagtibayin ng korte batay sa prinsipyo ng checks and balances at co-equal branches. Kung ito rin ba ng prosesong susundin sa pagkansela nito ay hindi malinaw sa kadahilanang maging ang saligang batas ay tahimik dito.
Pangalawa, ay dapat natin ding limiin na bahagi ba ng kapangyarihan ng pangulo ang mag-utos ng pag-aresto sa isang indibidwal ng walang warrant of arrest o ito ay sadyang nasa poder ng kapangyarihan ng korte na maglabas ng warrant of arrest bilang batayan sa pag-aresto?
Pangatlo, ay puwede ba talagang kanselahin ang amnestiyang naibigay na ng dating pangulo ng kasalukuyang pangulo. Dapat nating tandaaan, na ang diwa at hangarin ng amnestiya ay upang mapag-isa, mapag-buklod at mapaghilom ang mga sugat at makalimutan ang bakas ng hidwaang namuo sa pagitan ng gobyerno at mga nagawaran nito.
Pang-apat, ay may mga tanong na kung ang pangyayaring ito ay bahagi lang ng paraan para maiwasan ng mga mamamayan na pagtuunan pansin ang mga mas mahahalagang isyu at pagsubok na kinahaharap ng kasalukuyang lipunan tulad ng tumataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo, pagbaba ng piso laban sa dolyar, kakulangan sa bigas at pagbagal ng takbo ng ekonomiya.
Dagdag pa rito ang alegasyong ito ay bahagi lamang ng “political persecution” at “political harassment” ng administrasyon para matahimik ang mga tunay na oposisyon na aktibong kinakatawan ni Senador Trillanes.
Bilang paglalagom, tanging ang korte suprema lamang ang may kapangyarihang maghatol kung ang nasabing pagkansela ng amnestiya ay naayon o labag sa saligang batas. Ano mang hatol o desisyon ng korte suprema ay siguradong igagalang at irerespeto ng parehong kampo ni Pangulong Duterte at Senador Trillanes.
Ito ang unang malaking hamon ng bagong talagang mahistrado ng korte suprema Teresita de Castro, ngunit higit pa rito, ito ay isang malaking hamon at pagsubok sa ating mga demokratikong lipunan, institusyon at proseso na gumagarantiya na ang mga karapatang pantao at kabutihang panlipunan ay buhay at di kailanman mawawala o maglalaho. Ipagpatuloy nating ipagdasal na ang kalooban ng Maykapal ang mamayani at hindi ang pansariling kapakinabangan o interes lamang ng tao ang siyang magwagi sa pagbibigay katugunan sa isyung ating kinasasadlakan.