By: Wally Peralta
VERY inspired ang young Kapamilya actress na si Kim Chiu sa di inaasahang pagpanalo niya sa kategoryang Best Single Performance by an Actress para sa “Korea” episode ng Ipaglaban Mo nitong nakaraang Star Awards for television. Hindi kasi expected ni Kim na siya ang magwawagi sa dami kasi ng mga magagaling niyang nakalaban sa naturang kategorya.
“Sobrang hindi ko po ini-expect na ako ang magiging winner,” ang paunang pahayag ni Kim.
“Nagulat talaga ako, kasi first time kong makatanggap ng ganitong klase ng award at talagang nakakataba ng puso, very happy talaga ako!”
Palaban na Kim Chiu
In time ang pagpanalo ni Kim dahil sa ang susunod na project niya ngayon ay isa na namang malaking hamon sa kanyang kakayahan bilang isang actress, ang pagle-level up ng kanyang career at image bilang actress.
Mula kasi sa tweetums o pacute na acting ni Kim ay nagle-level up na siya into a much more mature actress. Meaning magiging palaban na siya at gaganap na ng daring and sexy roles.
At bilang baptism of sorts para kay Kim sa panibagong dimension ng kanyang career-image ay tinanggap niya ang isang pelikula kung saan ay magkakaroon siya ng sexy love scenes sa kanyang leading man, hindi lang sa isa kundi sa dalawa pa — sina Dennis Trillo at JC de Vera — sa One Great Love, isa sa mga official entry sa darating na Metro Manila Film Festival.
First time para kay Kim na gumawa ng daring love scenes sa pelikula, hindi naman kaya siya nagdalawang isip na gawin ito lalo pa nga’t nakatanim na ang sweet image niya sa mga fans at viewers?
“When I was informed that may offer sa’kin ang Regal at pang-adult daw yung kuwento, siempre, ni-request ko munang mabasa yung script. Papunta ako noon abroad for an event, and I brought the script with me, binasa ko sa loob ng plane.
“Naku, nagandahan ako, hindi ko na nabitiwan. So pagbaba ko sa plane, tumawag ako agad and told them I’m accepting the role kasi I just loved the script,” sabi ni Kim.
Working with a Kapuso actor
Bukod sa unang pagkakataon na sasabak si Kim sa mga intimate scenes ang isa pa sa kinaganda ng bagong movie niya ay ang pagkakataon na makasama niya sa isang project ang isa sa mga batikang Kapuso actor — si Dennis Trillo.
Isa na naman itong first para kay Kim, dalawang first, kung tutuusin dahil ngayon lang niya makakasama si Dennis sa isang project at ngayon lang niya makakatambal ang isang actor na di Kapamilya.
Maraming”first” ang One Great Love para kay Kim. Bukod sa daring and sexy scenes kasama ng dalawang leading man, si Dennis at JC de Vera, ito rin ang unang pagkakataon niya makatrabaho ang direktor ng pelikula.
“First time ko to work with Dennis and also with Direk Eric Quizon,” sabi ni Kim.
“Si Dennis, sobrang tahimik pero pag nasa harap na ng kamera at umaakting na, ang galing niyang actor. Maging sa movie namin ay tahimik siya, as in walang scene na magkaka-confrontation sila ni JC. Walang mga eksenang sigawan, awayan, sampalan o pisikalan,” dagdag ni Kim.
“Ang maganda sa story, it’s more of an internal struggle noong character ko. What the movie wants to prove is kung totoo pa ba yung feeling na one great love or abstract concept na lang siya,” paliwanag ni Kim.
Award o box office
At dahil sa kakaibang atake ang ginawa ni Kim Chiu sa kanyang bagong movie project at super effort talaga ang kanyang byuti na bigyan ng justice ang kanyang character, hoping kaya ang kanyang byuti na manalo muli ng isa pang best actress award ngayong taon, sa Metro Manila Film Festival Awards night naman?
“Ay, wala akong ganung expectation! I’m just thankful na sa’kin napunta ang napakagandang project na ito at nakapasok kami sa festival. We’re all very proud of what we’ve done,” aniya.
Nagbigay pa nga ng assurance si Kim na hindi siya mapapahiyang irekomenda ang movie nila nina Dennis at JC dahilan sa napakaganda raw ng istorya nito at kapupulutan ng aral ng mga taong wagas kung magmahal.
“More than winning awards, mas gusto naming panoorin ito ng mas maraming tao and I assure the viewers na hindi kami mapapahiya sa kanila kapag pinanood nila ito.”
Praktis pa more
Isa sa pinagkakaabalahan ngayon ni Kim ay ang pagiging co-host sa bagong reality talent search show ng Kapamilya Network, ang Star Hunt na mapapanood daily. Kung pagbabasehan ay ang kalidad ni Kim bilang isang actress, walang duda na magaling si Kim sa field of acting at ilang acting awards na rin naman ang kanyang napanalunan. Pero marami sa mga viewers ng Star Hunt ay tila hindi satisfied kay Kim bilang isang co-host. As in, hilaw na hilaw pa siyang maging host ng isang talent search show. Tsika nga ng ilan, as a host ay marami pang dapat na matutunan si Kim.
“Aminado naman ako na talagang hindi ko linya ang hosting. Hindi ko talaga kayang mag-host na mag-isa. Kaya nga happy ako at nabigyan ako ng oportunidad ng ABS CBN na maghost ng ganitong klaseng show,” aniya.
“Ang masaya pa rito ay kasama ko pa ang mga dating housemates ko sa PBB. Ha ha ha ha! Feeling ko nga pag nagho-host ako ay ibinabalik yung nakaraan ko, noong nagsisimula palang ako sa showbiz. Tapos kasama ko pang mag-host yung mga kasabayan ko,” sabi ni Kim.
“Parang tuloy back from the start na….. marami pa akong dapat na matutunan,” pagtatapos pa ni Kim.