BASURA sa Pasig River sosolusyunan para sa pangkalahatang gamit ng Pasig River.
Ni: Jonnalyn Cortez
KASABAY ng rehabilitasyon ng Manila Bay ang paglilinis ng mga ilog at estero sa mga kalapit na siyudad na nagbabagsak ng maruming tubig sa look, kabilang na ang Pasig River.
Kaya upang hindi masayang ang pagod ng mga organisasyon, volunteers, at gobyerno sa pagtatanggal ng basura sa Manila Bay, makikipagtulungan ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) sa Chinese firm na China First Highway Engineering Co., Ltd. (CFHEC) upang solusyunan ang polusyon at paigtingin ang development ng ilog para magamit nang maayos.
Pumirma ng memorandum of understanding and cooperation ang PRRC at CFHEC sa pangunguna nina executive director Jose Antonio Goitia, operations director Anshari Lomodag Jr., general manager Hou Jianchao at business managers na sina Zhang Hanzhou and Liu Mengchen.
Ayon sa PRRC, mayroong kakayahan at track record ang CFHEC para sa “implementing engineering” at “construction requirements” ng mga pampublikong imprastraktura, kabilang dito ang patubig, kalsada, transportasyon at commercial development.
Magsasagawa ang Chinese firm ng isang feasibility study ukol sa rehabilitasyon ng Pasig River system at mga kinakailangan para sa pagsasaayos ng wastewater mula sa pabrika at alkantarilya na napupunta sa ilog.
“Today marks another momentous event in the histories of the PRRC and CFHEC, as both signify to participate in joint undertaking for the cause of attaining the requirements of the Pasig River Integrated and Strategic Master plan,” wika ni Goitia.
Sinabi naman ni PRRC public information office head George Oliver de la Rama na ang PRRC at CFHEC ang tutukoy kung anong teknolohiya ang gagamitin sa rehabilitasyon ng Pasig River.
Dadaan sa isang mahigpit na pagsusuri ang proposal ng CFHEC alinsunod sa batas at regulasyon ng Build-Operate-Transfer Law sa ilalim ng Republic Act No. 6957 na inamyendahan ng RA 7728.
Mag-iimbita ang gobyerno ng mga pribadong grupo na magbibigay ng suhestiyon na maaaring higitan o pantayan ang kanilang panukala.
Ang proyekto ay alinsunod din sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na kontrolin ang polusyon sa Pasig River at palawakin ang kapakinabang nito para sa lahat ng sektor.
Inaasahan ni Goitia na mauumpisahan ang inisyatiba sa kalagitnaan ng taon.
Lumalalang problema sa plastic waste
Nakipagpulong ang World Bank (WB) Group sa PRRC upang masusing pag-aralan ang polusyon sa Pasig River at ang lumalalang problema sa plastik na basura dito at sa mga tributaries nito.
Sa isang panayam na ginanap sa Marine Plastics Conference sa Maynila kamakailan, sinabi ni World Bank senior environmental engineer Gerardo Parco na mayroong kasunduan sa pagitan ng dalawang departamento upang suriin ang 27-kilometrong haba ng daanan ng tubig sa ilog na napupunta sa buong Metro Manila.
Nakatanggap rin ang WB ng pondo mula sa Korean Green Growth Trust Fund, ang koloborasyon sa pagitan ng institusyong pinansyal at gobyerno ng Korea na nakatuon sa mga proyektong pangkapaligiran, ayon kay Parco.
Gayunpaman, tumanggi si Parco na sabihin kung magkano ang halaga ng naturang pondo.
Sinabi naman ni senior environmental specialist Katelijn van den Berg na kasama sa pagsusuri ang surveys ukol sa pinanggagalingan at epekto ng plastik na basura sa hindi bababang limang lugar malapit sa ilog.
Tutukuyin din ang pinakakaraniwang plastik na basura, kung saang bahagi ng waterways pumapasok, at maging ang tatak nito.
“The data that would be gathered will then be used for policy dialogue with the government,” wika ni Parco.
Dagdag pa niya, gagamit ng remote satellites at drones para sa pag-aaral na maaaring magtagal ng dalawa hanggang tatlong taon.
Ayon sa isang pagsusuri noong 2017 ng mga mananaliksik mula sa United States at Netherlands, nagtatapon ng mahigit 63,000 tonelada ng plastik ang Pasig River sa karagatan taon-taon.
“The Philippines is estimated to have the 3rd highest rate of mismanaged plastic waste worldwide,” pahayag ni World Bank Manila Office Operations Manager Agata Pawlowska.
“The Pasig River and Manila Bay have been identified among the water-bodies around the world that need rehabilitation most urgently.”
Panawagang linisin rin ang Laguna Lake
Nanawagan ang chairman ng House Committee on Ecology na si Quirino district Rep. Dakila Cua na kasabay sa paglilinis ng Pasig River, pagtuunan din ang masusing paglilinis ng Laguna Lake. Ang dalawang ito ang nagsisilbing water source ng Manila Bay, upang siguruhin na magiging matagumpay ang paglilinis ng look.
“I have many questions at the back of my mind. My bigger question is, if we clean up Manila Bay, shouldn’t we have equally intensive approaches on Laguna Lake and also the Pasig River, which all empties into Manila Bay?” wika ni Cua.
“Kasi kung sa tail end lang tayo nagwo-work, kung sa source walang effort, di ba parang sinasalo natin yung gripo? Di ba dapat tini-turn off mo yung waste doon,” dagdag pa niya.
Kinokonekta ng 25-kilometrong haba ng Pasig River ang Laguna de Bay sa Manila Bay.
Mas malinis na ilog at estero
Tiwala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na makikita ang pagbabago sa mga ilog at estero sa Metro Manila ngayong taon.
Sa katunayan, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na ang kalidad ng tubig sa ilang parte ng Manila Bay ay lumilinis na. May ilang lugar din na maaari ng languyan, partikular na sa Bataan.
Nagdaos kamakailan ng sabay-sabay na paglilinis ang DENR, Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at PRRC sa mga ilog at estero na papunta sa Manila Bay.
Upang mapanatili ang kalinisan, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na naglabas sila ng isang memorandum circular na nag-aatas na mandatory ang cleanup drives kada linggo sa 178 na local government units (LGUs) na pumapalibot sa mga ilog at estero.
“Every week, magko-conduct sila ng cleanup, hanggang maging second nature na sa atin ‘yan, maging part na ng kultura natin. Papakiusapan natin ang DepEd (Department of Education) na turuan ang mga bata maglinis ng kanilang kapaligiran,” wika ni Año.
Ang mga hindi susunod na opisyal ng barangay ay kakasuhan na maaaring humantong sa suspensyon o pagkatanggal sa pwesto.
Ililipat din ang mga informal settlers sa paligid ng estero at ilog sa relocation sites sa Bulacan at Cavite upang maiwasan ang patuloy na pagtatapon ng basura sa katubigan.
Susuriin din ng DENR ang pagpapatupad ng kontrata sa pagitan ng LGUs at kontratistang nakatakdang kumolekta ng basura, ayon kay Cimatu.
“The weakness of the local government and the estero problem, is garbage (collection),” wika ni Cimatu.
“Hindi maganda ang pag-dispose. Ibig sabihin may naiiwan, may hindi nakukuha, na napupunta sa estero…. So gusto namin i-improve ang sistema.”
Sa pakikipagtulungan sa MMDA, titingnan din ng DENR ang mga pabrika at establisyementong nagtatapon ng maruming tubig sa mga ilog at estero.
Kapag nagawa ang lahat ng ito, makakaasa ang mga mamamayan na makakita ng mas malinis na Manila Bay, Pasig River, Laguna de Bay at iba pang waterway sa darating na mga taon.